Natutuwa ang batikang character actor na si Pen Medina sa mga magagandang feedback na natatanggap niya sa kanyang pagganap bilang 'Mother Ben' sa GMA-7 telefantasya na
Aso Ni San Roque. Noong una raw ay kinakabahan pa si Pen dahil first time niyang gaganap sa isang all-out gay role—naka-make-up na pati ang kilos at pananalita ay bading na bading. Pero noong makarating sa kanya ang magagandang reviews sa kanyang pagganap, bilang matandang bading na tagapangalaga ng bidang si Mona Louise Rey, dun lang daw siya naging kampante sa kanyang performance. Sabi ni Pen, “Bilang aktor kasi, kailangan pagdaanan mo ang ganitong mga roles. “Believe it or not, ngayon lang talaga ako gumanap na ganitong bading na bading. “Naisip ko nga, bakit nga ba hindi ko pa ito nagagawa? So na-challenge ako sa role ni Mother Ben. “Dahil sa mga magagandang feedbacks, ini-enjoy ko na ang pagganap. Nawala na ang pressure kasi naging mabenta na yung role ko sa show." Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Pen sa set ng Aso Ni San Roque sa New Manila, Quezon City.
FROM EDDIE GARCIA. Originally ay si Eddie Garcia sana ang nakatoka sa role na Mother Ben. Pero tumanggi ang beteranong aktor dahil kakalabas lang daw nito bilang matandang bading sa critically-acclaimed indie film na
Bwakaw. Kuwento ni Pen, “Nagulat nga ako noong sa akin nila ibinigay ang role. I learned na kay Manoy Eddie pala muna ito ibinigay. “Parang nakakatuwa naman dahil parang next in line ka na naisip nilang bigyan ng magandang role. “Naintindihan naman nila ang reason ni Manoy Eddie kung bakit hindi niya tinanggap ang role ni Mother Ben. “But he is still part of
Aso Ni San Roque bilang si Supremo. Siya yung pinapanginoon ng mga aswang ng lupa, hangin, apoy, at tubig. “Noong ibinigay na sa akin yung role na Mother Ben, wala na akong time na pag-aralan pa nang matagal ang character ko dahil kinabukasan ay may taping na ako. “Kaya parang overnight, gumawa na ako ng character ko." Ang naging basehan ni Pen para sa gay role niya sa
Aso Ni San Roque ay ang mga nakatrabaho na niyang gays sa showbiz at teatro. “Marami-rami sila!" tawa niya. “I’ve been an actor in the movies, television, and theater since 1981. “Kaya marami na akong gays na nakatrabaho bilang mga co-actors, directors, production staff, at kahit na yung mga hindi nasa showbiz. “So, pinaghalu-halo ko na lang lahat ‘yan. “I took the basic movements at yung lengguwahe na madalas na gamitin nila, and the way they talk na medyo kulot ang dulo. “Ayoko namang to be over the top. Baka naman sumobra naman ako. Overacting naman ‘yon. “So, noong malagyan na ako ng make-up, kinulayan ang buhok ko, at pinag-costume na ako, dun ko na nabuo ang role ko. “E, si Mother Ben, medyo pilay-pilay siyang maglakad kaya nakadagdag iyon sa body movements ng character. “Kapag nag-action na, ako na si Mother Ben. “Nagugulat nga ang mga nasa taping kasi kapag pinapanood nila ako sa monitor, ibang-iba. “Kapag nag-cut naman, balik ako sa pagiging Pen Medina naman."
MONA LOUISE REY. Bilib na bilib daw si Pen sa co-star niya sa
Aso Ni San Roque na si Mona Louise Rey, na gumaganap bilang Fatima. Naniniwala ang aktor na malayo pa ang mararating ng child actress dahil may angking talino raw ito sa pag-arte. “I’ve worked with a lot of child actors in the past. Sa ganung edad, makikita mo na kung may future sila sa pagiging artista. “Si Mona Louise, magaling na bata. Magaling mag-memorize kahit mahahaba ang mga linya niya. Tapos kailangan gumanap siyang bulag. “For a child her age, parang ang dami niyang gagawin pero hindi siya nawawala sa character niya as Fatima. “Kaya ang sarap katrabaho ni Mona Louise kasi bihira siya kung magkamali."
GAY ROLE. At 62 years old, napabilang na si Pen sa mga aktor na pumayag gumanap bilang bading sa TV series; tulad ng ginawa nina Tirso Cruz III sa
I Heart You Pare at Bembol Roco sa
Beauty Queen. Sabi niya, “It’s nice to know na kahit ganitong mga roles, nabibigyan kami. “It only means na may tiwala sila sa amin para gampanan ang ganitong roles. “As an actor, kailangan open tayo sa ganito. “I also teach acting kapag may time ako and, for sure, may mga magpapatulong sa akin kung paano gumanap sa mga gay roles." Ano ang reaction ng anak niyang si Ping Medina nang gumanap siya sa isang gay role sa isang TV series? “Siyempre, natatawa siya kasi nga napapanood niya ang pagganap ko bilang bading. “He’s an actor din naman at alam niya na trabaho ito na kailangan buong-puso mong gagawin. “Ping grew up na napapanood niya ako sa iba’t ibang roles. “But when I am with my family, ang role ko ay tatay nila," nakangiti niyang sabi.
THANKFUL TO KAPUSO. Taus-puso ang pasasalamat ni Pen sa Kapuso network dahil sa trabahong ibinibigay sa kanya. Saad niya, “I personally would like to thank GMA-7 for giving me this role. “Kahit na palipat-lipat tayo ng network, kapag available naman tayo, nabibigyan pa rin tayo ng trabaho dito sa GMA-7. “GMA-7 has been good to me for the past few years. “And pinaka-unforgettable role na ibinigay nila sa akin was Hagorn in
Encantadia. People still remember me sa role na iyon hanggang ngayon. “And the very first drama series na nakasama ako was
Villa Quintana ng GMA-7 in 1995. “I returned to GMA-7 noong
Encantadia na in 2005. “Nagsunud-sunod na iyon with
Atlantika, Fantastic Man, Mga Mata Ni Anghelita, ESP, Obra, Joaquin Bordado, Codename: Asero, Ngayon at Kailanman, Panday Kids, and
Ilumina. “After nitong
Aso Ni San Roque, I might be a part of
Indio na pagbibidahan ni Senator Bong Revilla. Sa 2013 pa naman iyon. “I also did a Kapuso mini-sine titled
Gustin that was sponsored by Champion. Umere siya for three weeks. “Gumanap ako doon na barangay captain na nilapitan ng bata na nakapulot ng isang bag na maraming laman na pera. “It teaches positive values sa mga kabataan ngayon. "I am proud to be part of that mini-sine dahil magulang din ako and we all want to good role models sa mga anak natin." --
Ruel J. Mendoza, PEP