PEP EXCLUSIVE: Nagbahagi ng ilang detalye si Lotlot de Leon tungkol sa pagkakahanap at pagkikita nila ng kanyang biological father sa Amerika. Bukas na ngayon si Lotlot sa pagbibigay ng kaunting detalye tungkol sa kanyang ama. Katunayan ay larawan nila ng kanyang biological father ang profile pic ngayon ni Lotlot sa kanyang Facebook account. Ayon sa aktres, ang pangalan ng kanyang ama ay Donald Lee Olson, isang American citizen. Mula raw nang magharap silang mag-ama noong 2009 sa Chicago, Illinois ay nagpatuloy na ang kanilang komunikasyon. Katunayan, darating sa bansa ang kanyang half-sister na si Donna Olson ngayong November para magbakasyon. Kuwento rin ni Lotlot, sa kanyang bahay titira ang sister niyang isang U.S. Navy habang nagbabakasyon ito sa Pilipinas. Paano nga ba nahanap ni Lotlot ang kanyang tunay na ama? Hindi raw sinasadyang nagkakilala ang tunay na ina ni Lotlot at ang kanyang estranged mother-in-law na si Pilita Corrales noong mag-show ang Asia’s Queen of Songs sa Amerika. Mula sa kanyang biological mother ay nakuha nila ang pangalan ng tunay na ama ni Lotlot. Taong 2009 nang kailanganin na pumunta sa Olongapo City ni Lotlot kasama ang kaibigang si Mymy Davao para ayusin ang papeles ng kapatid niyang si Kiko. Gaya ni Lotlot ay adopted din si Kiko ng kinikilala nilang ina—ang Superstar na si Nora Aunor. Sinubukan daw ni Lotlot na umakyat sa mayor’s office sa Olongapo para magbakasakaling matulungan siyang hanapin ang kanyang tunay na ama. Ayon kay Lotlot, may programa raw ang munisipyo ng Olongapo na tulungang hanapin ng mga batang Amerasian ang kanilang mga magulang. Matatandaang naging U.S. Naval Base ang Subic Bay, sa Olongapo, hanggang sa pagsasara nito noong 1991. Ilang araw lang daw ay nakatanggap si Lotlot ng tawag mula sa munisipyo ng Olongapo. Nahanap na raw nila ang kanyang tunay na ama. Sa pamamagitan ng Internet ay sinulatan ni Lotlot ang ama na agad naman daw sumagot. Hanggang sa magpasya na ang aktres na puntahan ang ama sa Amerika para makilala nang personal. --
Rommel Gonzales/Monching Jaramillo, PEP