Isa si Roderick Paulate sa mga artistang sumabak sa pulitika. Sa pagiging konsehal niya ng Quezon City, isang matinding isyu ang napukol sa aktor. Sinampahan siya ng kasong administratibo dahil daw sa pagkakaroon ng ghost employees. Sa katatapos lang na Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy, na ginanap noong September 19 sa SM MOA Arena, kinumusta ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Roderick ang kanyang kaso. Sabi niya, “Na-stop na, di ba? So I’m working, tuluy-tuloy pa rin. Hindi pa siya tapos. “Proseso yun, but for me, it’s not a battle. Pinababayaan ko na lang sila. “Hindi naman ako naapektuhan, mataas pa rin ang ratings ko. "Ang mga magdududa diyan ay yung mga hindi taga-Quezon City. “Pero kung taga-Quezon City, alam nila ang nangyayari. “Bukas ang mata ng mga kababayan ko, ng mga constituents ko doon." Sinang-ayunan ni Dick ang opinyon ng iba na mas marumi ang mundo ng pulitika kaysa sa showbiz. “Grabe, ibang klase!" bulalas niya. "Sa showbiz naman, okay-okay lang tayo, di ba? “Puwede nating gawin sa make-up, sa mga pelikula natin, pero hindi naman tayo gagawa ng masama, na sisirain natin ang isang tao, hindi natin gagawin yun. “Dito, makikita mo talaga ang diperensiya. Iba talaga pala pag power and money ang labanan. “But for me, hindi ako ganun pinalaki at hindi rin ganun ang gusto kong mangyari."
RE-ELECTION BID. Sa kabila nito, kinumpirma ni Roderick sa PEP na tatakbo siyang muli sa susunod na halalan. “I’m running again, ganun pa rin—same position. I hope maging maganda pa rin ang lahat." Bakit pa siya tatakbo kung narurumihan siya sa sistema ng pulitika? “Hindi kasi pulitika ang tinatakbuhan ko, public service. I’m focusing on how to help other people. “Kaya lang naman pumapangit ang public service kasi napupulitika ka. “Ang hirap lang, dito, pag gumagawa ka ng mabuti at gusto mo para sa tao, e, nega yata yung dating sa mga kalaban mo. “Maganda ang ginagawa mo, tataas ang ratings, mamahalin ka ng tao, alam na natin kung ano ang epekto sa kanila noon. “I think ganun ang labanan dito. "Iba tayo sa showbiz, e, may respeto. At the same time, alam natin kung box office [hit] o hindi, di ba? Kung hindi, quiet na lang tayo. "Pero iba, e, ganito… iba ang kultura."
TRIBUTE TO DOLPHY. Samantala, halos lahat ng malalaking artista ng bawat network ay nasa Dolphy Alay Tawa event. Nagpahayag ng saya si Roderick sa pagkakaisang ito ng lahat ng istasyon para maganap ang tribute. “Masaya ako kasi ibang-iba yung feeling na magkakalaban nga sa ratings, magkakalaban ang istasyon, pero pagdating naman kay Dolphy, nagkakaisa ang lahat. “Walang ista-istasyon. Kahit anong istasyon, nagkaisa para gawin ito para kay Dad."
MESSAGE TO THE QUIZONS. May mensahe rin ang actor-politician sa pamilya Quizon, na ayon sa kanya ay itinuturing na rin niyang pamilya. “Mga kapatid ko… gusto ko silang tawagin na kapatid. Kung ayaw man nila, pero kapatid ko pa rin sila… "Nandito lang kami lahat. Nasisiyahan ako kasi nagsama-sama tayo at mga pamilya Quizon—tayong mga artista sa iba’t ibang channel, ha? "Nagkaisa tayong lahat para sa pagmamahal kay Daddy. "Basta buhay pa rin si Daddy sa atin at habang buhay nasa show business tayo hanggang sa pagtanda. "Hindi natin makakalimutan, nag-iisa lang ang Dolphy sa pinilakang-tabing." Kasabay ng pagbibigay pugay na ito sa Hari ng Komedya ay ang pagdiriwang din ng pagiging cancer-free ng partner nitong si Zsa Zsa Padilla. Sabi ni Roderick tungkol dito, “Yeah, I remember nagkaroon ako ng show at sa TV mismo, sinabi nila yung nangyari sa kanya na yun. “Ang sinabi ko lang, walang imposible sa Panginoon. Kung ipagdarasal, puwedeng magmilagro and it happened. “So I think you just have to believe and trust the Lord. "Kaibigan ko rin ‘yan si Zsa Zsa and matagal din kaming nagsama sa pelikula. “I’m very, very happy and I praise the Lord for doing this miracle for her. “Mabait na tao si Zsa Zsa kaya dapat lang na gumaling siya." --
Melba R. Llanera, PEP