ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ryza Cenon on waiting for her big break


Ang karakter ni Ryza Cenon sa Book 2 ng Luna Blanca ay isa sa mga bagong tauhan na naidagdag sa primetime series ng GMA-7. Gumaganap siya rito bilang Ashley, ang kapatid ng karakter naman ni Chynna Ortaleza. Parehong kontrabida ang roles nina Ryza at Chynna, pero sa kuwento ay may isyu rin sa isa’t isa. Masaya raw si Ryza sa resulta ng kanyang trabaho sa Luna Blanca. Sabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Masaya, kasi galit sila [viewers] lahat sa akin. "Yun ang tinu-tweet nila sa Twitter. Kasi, nakakainis daw. Epal daw ako, inggitera raw po ako. “Actually, yung Ashley, mas marami ang nagre-react kapag kontrabida ako. “Siguro iba talaga ang dating kapag kontrabida, mas maraming nagre-react. Kaya masaya naman po. “Kami naman po ni Chynna, magkapatid kami, pero magkaiba ang kaaway namin. "Siya, si Blanca [Barbie Forteza]; ako naman, si Luna [Bea Binene]." Nag-e-enjoy rin daw si Ryza sa taping niya sa kanilang fantaserye. Kuwento niya, “Actually, ang madalas na nakakausap ko, sila Direk Gina Alajar. Nakatrabaho ko na rin kasi noon sila Direk Gina, si Karen delos Reyes. “Yung mga tweens naman po, ngayon ko pa lang din kasi sila nakatrabaho." PROJECT WITH BONG REVILLA. Pagkatapos ng Luna Blanca, makakasama naman si Ryza sa Indio, ang telemovie na pagbibidahan ni Senador Bong Revilla. Kuwento ng young actress tungkol sa kanyang role dito, “Kapatid po ako dito ni Jennylyn Mercado. Nandoon po kami sa part ng mga Kastila. “Ang makaka-loveteam ko po, para sa story po, si Rocco Nacino. "Kasi may gusto siya kay Jennylyn, ako naman po may gusto kay Rocco. “So, doon po magkakaroon ng conflict. So, baka maging masama din ako rito. "Kasi, base sa karakter ni Jen, kahit siya ang may-ari ng bahay, siya ang kawawa. “Pero alam ko po, next year pa yata eere kahit mag-start na rin kami ng taping. "Kasi po, gusto raw ni Senator Bong na pagandahin talaga ang pagkaka-edit." Isa rin kasing fantaserye ang Indio na mangangailangan ng special effects. WAITING FOR HER BIG BREAK. Si Ryza ang nanalong Ultimate Female Survivor sa Season 2 ng reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck 2. Pero ang kadalasang nakukuha niyang roles ay best friend o kapatid ng bida. Bakit kaya parang mailap ang lead roles sa kanya? Hindi natitinag si Ryza. Sagot nito, “Nagiging training ko na rin para sa acting ko, mag-improve pa. "Nakakakuha rin naman ako ng pointers, like sa bida, ng mga bagong atake [sa pag-arte]. “Iba rin naman ang mga taong nakaka-partner ko." Prangka naman niyang idinugtong, "Pero siyempre, nalulungkot din ako. Na, ‘Ano ang nangyayari? Parang ako na lang ang ganito, parang walang plano sa akin.’ “Pero hoping pa rin ako na magkaroon ng breaks. Naghihintay pa rin ako. “Kaya nga ako nag-renew [ng kontrata] kasi meron akong trust sa kanila na mabigay sa akin ang dapat na mabigay nila sa akin dati pa." Ikalawang taon na raw ni Ryza sa guaranteed four-year contract niya sa GMA-7. Hindi ba niya naiisip minsan na mag-demand o mag-request, tulad halimbawa sa Indio, na gawin din siyang isa sa leading ladies? “Hindi. Hindi, e. At saka, hindi naman ako ganoon ka-aggressive. "Takot ako, e. Hindi ako masyadong palaban na tao. “Kumbaga, kung ano lang ang ihain sa akin, yun lang ang kakainin ko," sabi niya. Sa palagay ba niya ay magandang attitude yung ganun? “Well, sabi ng ibang director na nakakausap ko, sabi nila, dapat daw hindi ganoon. “May nagsabi sa akin na, 'Dapat maging aggressive ka para hindi ka ginaganyan.' “Hindi ko po alam kung paano ko ia-adjust ang sarili ko sa ganoon. Heto po ako, e. “Ang hirap pong biglang baguhin ang ugali ko, at manibago ang iba, at sabihin may attitude naman ako. “So, nakakatakot din na sundin yung advice nila sa akin. "Siguro, uunti-untiin ko, pero hindi ko bibiglain. May takot po kasi ako." RIPE FOR LEAD ROLES? Sa palagay ba niya ay kaya na niyang maging leading lady? “Opo," malumanay na sagot ni Ryza. “Siguro po kasi, homegrown po ako ng GMA, tapos may title po ako. “Siguro nga po, sa lahat ng winners [ng StarStruck], ako lang po ang naiwanan. Nakikita ko naman po yun. “Kaya yun din po minsan, nakukuwestiyon ko sa sarili ko, ‘Bakit parang ako ang naiwan ng lahat?’ “Yung reason po ba dahil hindi ako nagpu-pose sa men’s magazine kaya hindi nila ako mabigyan? “Pero yung iba rin naman po, kahit hindi mag-pose, yung career nila, may plano. May plano ang network o nagha-handle sa kanila. "Yun naman po, minsan natatanong ko lang sa sarili ko. “Pero siyempre po, minsan din naman naiisip ko, baka kasalanan ko rin naman. May pagkukulang din siguro ako. “Yung iba po, ang alam ko, umaakyat sila [sa opisina ng management], nagtatanong kung ano ang plano. “Sinasabi meron daw, so siguro ganoon din po. Kaya hindi na lang din ako umaakyat at nagtatanong." -- Rose Garcia, PEP
Tags: ryzacenon