Filtered By: Showbiz
Showbiz

Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story big winner at FAP's Luna Awards


Big winner sa ginanap na 30th Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP) kagabi, August 26, sa Quezon City Sports Club, Inc., ang "maindie" film na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Ito ang pinagbidahan ng actor-politician na si Jeorge "ER" Estregan, para sa Scenema Concepts at Viva Entertainment Productions. Si ER din ang nagwaging best actor, bilang si Asiong Salonga, sa ikaapat nitong remake. Ito ang ikatlong best actor award na napanalunan ng Laguna governor para sa Asiong Salonga biofilm. Una ang Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC), sumunod ang PASADO awards ng school-based Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro, at ikatlo ang FAP Luna Awards. Ito rin ang ikatlong panalo ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, bilang best picture ng taong 2011. Nanalo ito sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ng December 2011; sa PMPC Star Awards for Movies noong March 2012; at sa FAP Luna Awards nitong Agosto 26, 2012. Bukod sa mga parangal para sa best picture at best actor, nanalo rin ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story sa mga kategoryang: best supporting actor (John Regala), best production design (Fritz Silorio at Mona Silorio), best sound (Albert Michael Idioma), at best editing (Jason Cahapay at Ryan Orduna). Kasamang dumalo ni Governor ER sa FAP Luna Awards ang kanyang maybahay at Pagsanjan Mayor Maita Sanchez-Ejercito, at ang producer ng Scenema Concepts na si Mylene Enriquez. Para sa kategoryang best actress, nasungkit naman ito ni Maja Salvador para sa Thelma. Ito na ang pangalawang best actress award ni Maja para sa parehong pelikula, matapos ng Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino. Para sa kategorya namang best director, si Paul Soriano ang nakakuha ng tropeo, para rin sa indie film na Thelma ng Time Horizon Pictures. Nanalo uli si Paul Soriano, kasama ang co-screenwriter na si Froilan Medina, ng best screenplay para sa Thelma. Si Odyssey Flores ang itinanghal na best cinematographer para  sa Thelma muli. Isang panalo naman ang naitala sa FAP Luna Awards ng musical scorer na si Raul Mitra, para sa kanyang pagkakalapat ng musika sa pelikulang No Other Woman ng Star Cinema at Viva Entertainment Productions. Isang panalo rin ang nakamit ng pelikulang Yesterday, Today, and Tomorrow, ng Regal Entertainment,  para sa aktres nitong si Lovi Poe, na itinanghal na best supporting actress. Sa mga acting awardees, tanging si Lovi lang ang hindi nakadalo. IN HONOR OF JESSE ROBREDO. Mabilis ang pacing ng awarding ceremonies ng FAP Luna Awards, na ginawang dinner-theater style sa ika-30 taon o Pearl Anniversary presentation nito. Kumpara noong mga nagdaang taon, na maraming bonggang production numbers at televised ang proceedings, ang FAP Luna Awards ngayon ay naidaos sa isang simpleng pagtitipon at pamamahagi ng parangal. Dinadaluhan ito ng mga aktibong miyembro ng iba't ibang guilds ng FAP at invited guests/honorees. Marami ring kinatawan ng media ang naroon para i-cover ang event. Kabilang na ang iba’t ibang print, TV, at online media outfits, katulad ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal). Sa pamumuno ni Leo Martinez, bilang Director-General, isa na namang austere awarding ceremony ang ginanap. At ito'y bilang pag-aalaala sa yumaong Department of the Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, na ani Leo ay "the president that we never had..." Maikli lang ang opening remarks ni Martinez, bilang tribute kay Secretary Robredo. Sina Rez Cortez at Katya Santos ang nagsilbing hosts/emcees ng palatuntunan. Kabilang naman sa mga naimbitahang mag-perform ng song numbers ang ilang mang-aawit na kaibigan ng mga FAP Guild members, tulad nina Ina Esparagoza at Melba Paguia. Kabilang sa FAP Board of Governors sina Mowelfund Chairperson Boots Anson-Roa, actor Phillip Salvador, movie producer Orly Ilacad, film director William Mayo, cinematographer Isagani Sioson... Film editor Jess Navarro, music composer Josefino Cenizal, production designer Manny Morfe, soundman Rolly Ruta, director Joel Apuyan, producer Wilson Tieng, at Palanca Award-winning writer Isabel Sebullen. Dumalo rin ang iba pang officials ng FAP, tulad nina Robert Arevalo (Deputy Director General), Manny Morfe (Treasurer) at National Artist for Film Eddie Romero (Senior Adviser). SPECIAL HONOREES.  Kabilang sa mga special awards na ipinagkakaloob ng Film Academy of the Philippines (FAP) Board of Governors, sa pamamagitan ng taunang Luna Awards, ang mga sumusunod: Lamberto Avellana Memorial Awards (posthumous) para kina: Don Escudero, dating production designer at direktor, na tinanggap ng kanyang inang si Gng. Escudero; Jose Batac, cinematographer ng maraming pelikulang idinirehe ni Eddie Garcia (ang parangal ay tinanggap ng kanyang anak); at Ben Feleo, scriptwriter at director ng maraming pelikula ni Dolphy (represented ng anak ni Feleo na si Ana Santo)s. Manuel de Leon Award, for Exemplary Achievements, na ipinagkaloob kay Direktor Manuel "Jun" Urbano; Fernando Poe Jr. Lifetime Achievement Award para kay direktor Augusto Salvador. Natatanging Golden Reel Award para sa yumaong Comedy King na si Dolphy. Si Dolphy ang ikalimang personalidad na pinagkalooban ng pinakamataas na parangal ng FAP Luna Awards, matapos gawaran sina dating Pangulong Corazon C. Aquino, noong 1997; Fernando Poe Jr., noong 2002; dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada, noong 2007; at si Congresswoman Imelda R. Marcos, noong 2010. Narito ang kumpletong listahan ng mga nanalo sa 30th FAP Luna Awards: Best Picture:  Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story (Scenema Concepts-Viva Entertainment Productions) Best Director: Paul Soriano, Thelma (Time Horizon Pictures) Best Actress: Maja Salvador, Thelma Best Actor: Jeorge "ER" Estregan, Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story Best Supporting Actor: John Regala, Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story Best Supporting Actress: Lovi Poe, Yesterday, Today, Tomorrow (Regal Entertainment, Inc.) Best Screenplay: Froilan Medina and Paul Sorianom, Thelma Best Cinematography:  Odyssey Flores, Thelma Best Production Design: Fritz Silorio and Mona Silorio, Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story Best Editing: Jason Cahapay and Ryan Orduna, Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story Best Musical Score: Raul Mitra, No Other Woman (Star Cinema/Viva Entertainment Prods.) Best Sound: Albert Michael Idioma, Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story Special Awards/Citations: Golden Reel Award (posthumous)—Dolphy (Rodolfo V. Quizon) Fernando Poe Jr. Lifetime Achievement Award—Augusto Salvador Manuel de Leon Award for Exemplary Achievements—Manuel "Jun" Urbano Lamberto Avellana Memorial Award—Ben Feleo, Don Escudero, and Jose Batac. PEP.ph