Maaga ng ilang minuto sa call time na 8 p.m. ang Diamond Star na si Maricel Soriano sa set ng Jose Manalo-Wally Bayola starrer na
Ikaw Na, Da Best Ka. Ginawa ang shooting ng pelikula nitong Huwebes ng gabi, August 16, sa Oasis Events Place along Aurora Blvd., Quezon City. May special appearance si Maricel sa nasabing pelikula, kasama ang kaibigang si Roderick Paulate at ilan pang big stars. Matapos ma-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng ilang media ang ibang cast ng movie, nagpaunlak din si Maricel ng panayam. “Walang takutan, ha. Pelikula lang, ha!" tumatawang bungad niya sa press na ikinahalakhak naman ng mga naroon ukol sa tatakbuhin ng interview. Paano ba siya napapayag na mag-guest sa pelikula? “Walang imposible at mahirap. ‘Pag si Itay ang nag-request, nandiyan ako." Ang tinutukoy ng aktres ay ang ama-amahan niya sa showbiz na si Mr. Tony Tuviera, head ng TAPE Inc. at APT Productions. Ang APT—mula sa initials na Antonio P. Tuviera—ang producer ng Jose-Wally movie. “Kasi anak ako, e. Anak ka ba?" biro niyang tanong. “A, okay, nakakaloka! Good, good. Wala na, kasi kausap ko si Jose, naiba tuloy ang tono, di ba?"
JOSE AND WALLY. Ano ang reaksiyon ni Maricel sa sinabi ni Jose na kabado siya dahil isang Diamond Star ang guest nila sa pelikula? “Naku, hindi totoo ‘yan. Hindi ‘yan totoo. "E, nando’n pa lang, e, niloloko na niya ako, e!" natatawang sagot ni Maricel, na kausap si Jose bago ang interview. Close ba sila ni Jose? “Hindi, open lang," birong sagot niya ulit na ikinatawa ng mga nag-iinterbyu. “Parang tayo dito, open, di ba?" patawang banat pa niya. Pero ano ang masasabi niya kina Jose at Wally? “Ako, ang nakikita ko, bukod sa blessed na blessed sila, dahil isipin mo, ‘no… talagang bilog ang mundo, umiikot talaga. “Kung minsan nasa ibaba ka, pero pag-ikot niyan, pasasaan ba’t mapupunta ka sa taas. Di ba? Gano’n talaga. “Kaya ako, I’m very happy for them kasi sila yung mga tipo ng mga tao na wala pa silang sinasabi, natatawa ka na. "Yung, 'Bakit ba ako natatawa?'" “A, siguro kasi endangered yung hitsura!" sabat naman ni Pokwang, na nasa tabi lang ni Marya.
MARICEL'S ROLE. Ano ba ang role nila ni Roderick Paulate sa pelikulang ito nina Jose at Wally? “Anong role natin dito?" pabiro niyang tanong kay Pokwang, isa rin sa cast ng pelikula. “Tanungan kami!" halakhak ni Maricel. “Kasi kami, ano lang dito, pasyal-pasyal lang kami dito. Napadaan lang kami. Ganyan. Di ba? Pero narito kami para suportahan sila."
ON PORTRAYING MARSHA. Nami-miss ba ni Maricel ang gumawa ng pelikulang comedy? Ang huling pelikula ni Maricel na may temang comedy ay ang Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib (1998), kunsaan nakatambal niya si Robin Padilla. Sagot ng Diamond Star, “Oo. E, actually, araw-araw naman nagku-comedy ako, e. Hindi nga lang nakikita." Ito ay dahil sa kanilang tahanan daw niya ito ginagawa? Paano kung gawan ng remake ang sitcom nila noon na John and Marsha? Papayag ba siyang gumanap bilang Marsha? Ang John En Marsha ang itinuturing na longest-running comedy show sa Pilipinas. Umere ito mula 1973 hanggang 1990 at nagkaroon ng maraming film versions. Gumanap dito si Maricel bilang Shirley, ang bunsong anak nina John (Dolphy) at Marsha (Nida Blanca). “Ang galing-galing mo talaga!" patiling sabi ni Maricel tungkol sa suhestiyon ng isang writer. "Oo, iba ka! You are one of a kind. Oo, siyempre. "Yung John and Marsha kasi, epitome ng isang pamilya na nagbibigay inspirasyon sa lahat. "Na hindi komo mahirap lamang tayo, at kakarampot lang kinikita natin… puwede pa rin tayong maging masaya. “Alam niyo lately, yun yung ano ko, e… gusto ko tawa nang tawa para masaya. Para light lang. "Kaya light lang, ha. Light lang," patawa niyang pagre-remind ulit tungkol sa itatakbo ng interview. Ibig sabihin, ayaw niya ng mabibigat na topic.
BE HAPPY. Dagdag ng aktres, “Simple lang. Simple ang buhay. "Dapat happy tayo kung anong meron. Kung anong meron tayo, maging masaya tayo dapat. "Tsaka dapat araw-araw ipagpasalamat natin na, ‘Uy, I’m alive!’ Di ba?" Masasabi ba niyang ito ang realization niya dahil sa mga pinagdaanan niya sa buhay? “Uy, yung mga pinagdaanan natin?" mabilis ngunit nakangiti niyang sagot, at baka madako sa ilang intrigang naikabit sa kanyang pangalan ang puntahan ng interview. Patuloy ni Marya, “Oo, dapat simple at masaya. Di ba? "Para wala tayong iniintinding ano… dapat lagi nating nakikita kung anong mga blessings na meron tayo."
MARYA IN 2012. Ano ang mae-expect ng mga tao mula sa Diamond Star for the rest of 2012? “Gusto ko ‘yang tanong na ‘yan!" sambit muna niya. "A, marami sigurong mae-expect, kaya lang, di ko gustong i-preempt. “Oo. Kaya abangan na lang natin yun, ha. "Kasi mahirap magsalita ‘tapos, ‘Ay, hindi naman pala totoo.’ "Mahirap. Gusto ko yung sure na, di ba?" --
Monching Jaramillo, PEP