Nakabalik na sa bansa mula sa Amerika ang Superstar na si Nora Aunor noong Agosto 1, Miyerkules, bandang 5:50 a.m., lulan ng Philippine Airlines (PAL). Sa kaabalahan at pagod din niya sa biyahe, hindi agad nagkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makausap si Nora sa airport. Pero kinahapunan, sandali namin siyang nakausap sa kanyang condo unit sa Eastwood, Quezon City.
ON MARIO AND DOLPHY. Ito ang unang pagkakataon na nakapagsalita si Nora sa PEP tungkol sa damdamin niya sa pagyao ng dalawang taong naging malapit sa kanya—ang direktor na si Mario O'Hara at ang Comedy King na si Dolphy. "I hate goodbyes," makahulugang sabi ni Ate Guy. Pumanaw si Direk Mario noong June 26, 2012, na siya ring araw ng pag-alis uli ni Nora papuntang States, para sa follow-up check-up ng kanyang vocal chords. Nang pumanaw naman si Dolphy noong July 10 ay nasa U.S. na ang aktres. Pero ilang beses naman daw niyang dinalaw sa ospital sina Direk Mario at Dolphy bago pumanaw ang mga ito. Pero ang kuwento ni Ate Guy, the night before Mario’s death: "Nagparamdam si Direk Mario. Dinalaw niya ako dito. “Dalawang beses nangyari 'yon, may kumatok sa pinto. "Talagang narinig ko yung katok na napakalakas, tok... tok... tok... wala namang nag-iingay sa labas. "Pangalawa, binuksan ko na yung pinto. Wala namang tao. “Nung dumating si John, after thirty minutes, 'Ikaw ba yun?'" tanong daw ni Guy. Sabi ni John Rendez, hindi naman daw siya ang kumatok. Si Jerry O'Hara, Mario's younger brother, ang nagpaalám kay Nora na yumao na ang direktor. Kuwento ni Nora tungkol kay Direk Mario, "Nung huli naming pagkikita, tumabi ako sa kanya, 'Direk, lakasan mo ang loob mo. May gagawin pa tayo, yung Luna Rosa.' "Humawak talaga siya sa akin nang mahigpit, tapos umiyak." Tungkol kay Dolphy, sabi ni Nora, "Si Pareng Dolphy, kumpare ko yun... mahal ko yun. "Nung araw, 'pag walang-wala ako, siya ang tinatawagan ko. Hindi ako nagdadalawang-isip diyan. "Di ba, marami siyang taong natutulungan? Isa na ako roon." Nagkatambal sina Dolphy at Nora sa tatlong pelikulang iprinodyus ng Comedy King para sa RVQ Productions: Kaming Matatapang Ang Apog (1975), Jack En Jill Of Da Third Kind (1978), at My Bugoy Goes To Congress (1987).
THY WOMB IN 69TH VENICE FILMFEST. Malaking balita rin sa pagdating ng Superstar ang tungkol sa pagkatanggap ng pelikulang
Thy Womb sa main competition ng 69th Venice International Film Festival sa Italy. Si Nora ang bida sa indie movie na idinirek ni Brilliante "Dante" Mendoza. Gaganapin ang festival mula August 29 - September 8. Kasabay nito ang pagkakaroon din ng special retrospective screening ng ilang klasikong Pinoy films sa Venice filmfest: Ang
Himala (1982), in its restored HD copy, na pinagbidahan ni Nora at dinirek ni Ishmael Bernal. At ang
Genghis Khan (1954) ni Manuel Conde, ang unang Filipino film na nag-compete sa Venice. Parehong National Artists sina Conde at Bernal, na itatampok ang mga pelikula sa Venice International Filmfest ngayong taon. Sa pangyayari ay masayang-masaya si Nora. "Siyempre naman. Malaking karangalan para sa sinumang artista na mapasali sa international competition ang kanyang ginawang pelikula. "Kahit hindi manalo, malaking karangalan pa rin 'yon," saad niya. Nakatakdang magtungong Venice sina Nora, Brillante, at mga kasamang artista ng
Thy Womb. Patatapusin lamang ang September 3 premiere night sa Greenbelt 3 Cinema ng
Captive, na idinirehe rin ni Direk Brillante. --
William R. Reyes, PEP