Filtered By: Showbiz
Showbiz

Veteran actor Eddie Garcia speaks openly about death


Isa sa well-attended na pelikula sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ngayong taon ay ang pelikulang Bwakaw, entry ni Jun Lana sa Directors' Showcase. Nagkaroon ito ng gala night na ginanap sa Tanghalang Nicanor Abelardo o Main Theater ng Cultural Center of the Philippines nitong Lunes ng gabi, July 24. Dinaluhan ito ng cast members ng pelikula, sa pangunguna ng bidang si Eddie Garcia. Ang Bwakaw ang pangalawang indie film na nagawa ng veteran actor-director. Ayon pa kay Eddie, iba ang pakiramdam niya kapag isang indie film ang ginagawa niya kumpara sa mainstream. “Ang indie film kasi, ang mga young filmmakers, hindi nila iniisip yung box-office. Hindi kamukha ng mainstream, ang main aim noon ay negosyo. “Makakatulong ito sa movie industry, dahil mae-educate ang masa ng kakaibang pelikula. “Ang mainstream kasi, formula yun, e. Kung ano ang kikita, yun ang gustong gawin—yung sa mainstream," saad niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal). Hindi rin isinasara ni Eddie ang posibilidad makapagdirek ng isang indie film at ang pagsali sa Directors' Showcase ng Cinemalaya. “Why not? Kung merong magandang istorya, kung merong magpu-produce, why not?" sabi niya. Wala pa naman daw siyang naiisip na gusto niyang gawin para sa Cinemalaya. Kung meron lang daw na magandang project na puwede niyang gawin, tatanggapin daw niya ito. Ang huling pelikulang idinirek ni Eddie ay ang Abakada Ina noong 2001. Bida rito si Lorna Tolentino bilang isang ina na hindi nakapag-aral. PREPARING FOR DEATH. Ang kuwento ng Bwakaw ay tungkol sa isang matandang bading na matagal nang pinaghahandaan ang kanyang kamatayan. Wala siyang kasama sa kanyang bahay kundi ang alaga nitong aso na si Bwakaw. Hindi na bago kay Eddie Garcia ang role ng isang bading, pero kakaiba raw itong ginawa niya ngayon. Natutuwa siya lalo na’t magaling daw at nakipag-cooperate sa eksena ang asong ka-partner nito. Napag-usapan na rin ang tungkol sa kamatayan, ayon sa 83-year-old actor ay matagal na rin niyang pinaghandaan ang kamatayan. “Para sa akin kasi ang buhay ng tao ay may hangganan. Kung hanggang dun ka na lang, hanggang dun ka na lang. “Sa buhay kasi ng tao, there are only two things you cannot avoid—death and tax!" natatawang pahayag ni Eddie. “Ganun yun, e. Pag hanggang dun ka na lang, hanggang dun ka na lang. “One of these days, siguro susunod na rin ako kay Dolphy, di ba? “Pero hindi niyo malalaman. Pagkanamatay ako, gusto ko tahimik lang. "From death bed, diretso sa crematory, tapos isasaboy na yung abo ko sa dagat." Mahigpit daw niyang ibinilin iyon sa kanyang pamilya. “Hindi ilalagay sa obituary, kaya hindi niyo malalaman. “Baka magtanong kayo, ‘Nasaan ba si Manoy? Isang taon na namin hindi nakita, ha... ay, patay na!' “Ganun lang talaga ang gusto ko, para maalala akong buhay. "Ayoko yung nakahiga ako, tapos tinitingnan ka nila, ayoko ng ganun, na parang exhibit. "Kaya from death bed, crematory na, piprituhin ka kaagad!" natatawa niyang pahayag. NATIONAL ARTIST. Bukod kay Dolphy, isa rin si Eddie Garcia sa sinasabing karapat-dapat na parangalan bilang National Artist. Hindi na raw ito iniisip ng beteranong aktor, pero kung ibibigay man daw ito, sana ibigay na habang buhay pa siya. “Dapat noon pa nila 'binigay yun kay Dolphy. Ano pa ang silbi kung ibigay na nila ngayon ‘yan? Hindi na niya maramdaman ‘yan," sabi ni Eddie. -- Gorgy Rula, PEP
Tags: eddiegarcia