Filtered by: Showbiz
Showbiz

Vandolph on dad Dolphy: 'I miss him so much. But I need to be strong for my kids'


Isa pang anak ni Dolphy ang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa burol ng Comedy King noong July 12 sa Heritage Park sa Taguig City. Ito ay si Vandolph, ang nag-iisang anak ni Mang Dolphy sa actress-politician na si Alma Moreno. Si Vandolph ang bunsong lalaki sa magkakapatid. MOST EMOTIONAL. Sa naging kundisyon ng kanilang ama, na parang “roller coaster," si Vandolph ang sinasabing pinaka-emotional sa lahat ng mga supling ng Comedy King. “I believe talaga… actually, all of us talaga believe that Papa will succeed, na malalagpasan niya yung pagsubok na yun," sabi ng dating child star. “Ang problema is, huwag na nga raw kasi marami nang kumplikasyon. “Pero the doctor said, ‘Malakas ang tatay niyo, fighting! Lumalaban ang tatay niyo, malakas ang puso ng tatay niyo.’ “Kasi lahat, bumababa, pero ang heart rate niya, okay. “Siyempre, importante lahat ng parts ng body, pero main yung heart. E, yun ang pinakamalakas. “Nawalan na siya ng blood pressure, nag-iba na ang kulay niya, pero ang puso niya, tumitibok pa rin. "So, he was alive." Saan nanggagaling yung pagiging emotional niya? “I love my father so much," sambit ni Vandolph. “Hindi yung kung saan galing, e. Alam naman ng mga tao kung gaano ako kalapit sa tatay ko. “Kumbaga, a big part of me is gone. Pero siguro, not gone na rin, new stage lang… “New stage of life lang na alam kong gagabayan niya ako dito sa trabaho ko, e. “Kasi, wala naman ako dito kung wala siya. Pangalan ko pa nga, kalahati siya, e." Natanggap na ba niya ang pagkawala ng kanyang ama? “Di pa fully, e," sagot ni Vandolph. "Pero noong dumating siya the next day, paggising ko, iyak ako nang iyak nang iyak. “’Tapos, kada pikit ko, nagpa-flash ang last moments with him… “Yun yung moments na kumpleto kaming lahat sa ICU. ‘Tapos, yung makikita mong unti-unti nang bumababa yung heart rate… unti-unti na siyang nagpapaalam. “Ibang klaseng experience… “Pero yung itinuro niya sa aming pamilya, na hanggang sa dulo ay lumaban siya, nagampanan naman namin na mas naging close kami. “Close naman kami, kaya lang, mas buo na ngayon… with Tita Zsa Zsa rin." Si Zsa Zsa Padilla ang naging huling babae sa buhay ni Dolphy. ALMA MORENO. Ano naman ang reaksiyon ng mama niyang si Alma Moreno sa pagkawala ng Comedy King? “Gusto niyang pumunta pero habang nagsasalita, umiiyak na, e. “Kakabalik lang niya galing Mindanao,e, busy kasi, e. Baka tomorrow [July 13], pumunta siya. “Sabi niya, ‘Gusto kong pumunta.’ E, panay pa ang iyak. “Sabi ko, ‘Baka doon ka pa mag-breakdown, ha?’ “Sabi niya, ‘Hindi, kaya ko ito.’ “Fighter naman ang nanay ko, e. Sasabihin niya sa akin, huwag daw akong umiyak, pero siya ang umiiyak." Nakarating nga si Alma sa lamay nang sumunod na araw. Ito ang ikalawang pagkakataon na namatayan ng dating karelasyon si Alma kung saan may anak siya; una ay ang action superstar na si Rudy Fernandez, ama ng kanyang panganay na anak na si Mark Anthony Fernandez. VANDOLPH’S TATTOO. Habang kausap ng PEP si Vandolph ay ipinakita nito ang tattoo niya sa kaliwang braso—ang larawan ni Mang Dolphy habang nagdarasal. Ilang araw pa lamang daw itong ipinalagay ng dating child star. Bakit ang picture na iyon ng kanyang ama ang pinili niyang ipa-tattoo sa braso niya? Sagot ni Vandolph, “Sobrang peaceful, e. “At the same time, ang tatay ko is a strong believer of God. “Kaya when he prays, solemn talaga ‘yan. “Nadidinig siguro ng Panginoon ang dasal niya lagi, e. Meron silang bonding 'ata, e." Tila ito ang hindi masyadong alam ng publiko sa personalidad ni Mang Dolphy sa totoong buhay—ang pagiging relihiyoso o madasalin nito. “Sobra, sobra!" bulalas ni Vandolph. “Pumasok ka lang sa bahay nila, akala mo ano, e, ang daming santo! Every Wednesday, talagang nagsisimba iyan sa Baclaran. “Noong nakita ko ang picture na ito, wala na akong isip-isip pa, ‘Eto ang gusto kong tattoo!’ “Hindi na ako namili at wala na ring naging choices." COMING HOME. Bago iburol ang labi ng yumaong Hari ng Komedya sa Heritage Park ay dumaan muna ang convoy nito sa kanilang bahay sa Parañaque. Ano ang dahilan? Sabi ni Vandolph, “Ang alam ko kasi, gusto niya talagang umuwi. “Nasa ICU pa siya, wala na siyang boses, sinasabi niya na gusto na niyang umuwi. “So, inuwi muna siya bago pa siya dinala dito." Bago ba binawian ng buhay ang ama niya, meron itong naging premonition o pagpaparamdam sa kanya o kanila? “Ang huli niyang sinabi sa akin nung wala nang boses yung bibig niya... tanong ko kasi, ‘Pa, okey lang? Andito lang kami.’ “Ang sagot niya sa pagbuka ng bibig niya, ‘Okey ka lang?’ Ako pa ang tinanong niya. “Sinagot ko, ‘Pa, ‘wag ka nang mag-alala, okey lang ako. Isipin mo ang sarili mo, konti na lang, gagaling ka na.’ “Umoo lang siya then nag-rest na uli." Favorite son daw si Vandolph ng yumaong komedyante? “Hindi ako favorite, malambing lang talaga ako," sabi niya. “Lahat kami, nagkaroon kami ng time with Papa… “Ako lang siguro nagkaroon ng more time with him ‘coz nakatrabaho ko siya. “Saka yung tinatampal-tampal niya ako sa sitcom, naging ako yun, e." -- Mell T. Navarro, PEP