Mark Herras on relationship with Ynna Asistio: 'Di na ganun kalaki yung selos
Pagkatapos ng "Hiram na Puso," ang afternoon soap ng GMA-7 na magtatapos na ngayong linggo, wala pang nakalinyang proyekto para kay Mark Herras. Kaya naman daw balik workout muna ang young actor para mapanatili ang magandang hubog ng katawan niya. “Siguro excercise lang, ‘tapos gym. Hindi naman yung magpalaki ng katawan – yung magpa-slim o magpaganda lang ng katawan. “Ayoko na kasi pumayat. Kung anu-ano ang naiisyu sa akin na hindi naman totoo!” tawa ni Mark nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal). “Yun 'yung plans ko this month and the following month after Hiram Na Puso, habang naghihintay pa ako ng proyekto. “Tapos balik basketball, kasi hilig ko ring mag-basketball. And a lot of workshops. “Of course, every Sunday pa rin naman akong mapapanood sa Party Pilipinas at guestings sa iba’t ibang shows ng GMA-7. “Alam ko naman na hindi ako pababayaan ng GMA-7 at bibigyan nila ako ulit ng magandang proyekto katulad ng Hiram Na Puso." Kung bigyan siya ng pagkakataong pumili ng susunod niyang proyekto, ano ang gusto niya? “Given a chance? Ano ba... gusto ko kung puwede sa TV yung ginampanan ni Aga Muhlach na pelikula noon…. Hindi ko na maalala kung ano yung title, parang psycho killer siya – nagiging mabait at nagiging salbahe, parang ganon. “Para sa akin kasi very challenging yung ganong klaseng role... 'yun yung gusto kong gampanan. “O kaya action-comedy, para maiba naman sa mga roles na ginagawa ko na puro drama. Pero kung ano yung ibibigay nila sa akin, okay lang din sa akin. “Sa akin naman kasi, ang mahalaga may trabaho. Kaya kahit anong project, okay lang sa akin. "Hindi naman nila ako bibigyan ng project na hindi babagay sa akin. “Kaya nga thankful ako sa GMA-7 dahil magagandang proyekto ang ibinibigay nila sa akin,” saad ni Mark. Gusto rin daw ni Mark na makagawa uli ng pelikula. “Oo naman, kasi yung ginawa ko na pelikula medyo matagal-tagal na, medyo nami-miss ko na… na makita yung sarili ko sa pelikula. “Bale yung last na ginawa ko na pelikula yung semi-indie at semi-mainstream movie na 'Hitman' kay Kuya Cesar Montano." “At sana soon mabigyan na ako.” Meron pa ba siyang gustong makatrabaho sa mga leading ladies ng Kapuso network? “Ako kahit sino, pero mas maganda 'yung magaang katrabaho, yung magandang makisama. Pero so far, hindi ako namimili. “Kung sino yung ibigay nila sa akin, okay lang yun. Trabaho ang mahalaga.” KRIS BERNAL. Ano ang pakiramdam na maghihiwalay na sila ni Kris Bernal na nakasama niya sa dalawang soaps ng GMA-7 – "Time of My Life" "at Hiram Na Puso"? “'Yung trabaho naman natin dito sa network, hindi naman puwede na sasabihin mo sa itaas [management] na isa lang ang puwede mong maging partner, 'di ba? “Katulad dati, 'di ba, na-stuck ako sa Mark at Jen [Jennylyn Mercado] love team. “Then, unti-unti, ginagawa nila sa akin ng GMA, pina-partner nila ako sa iba’t ibang leading ladies. “So, natutuwa ako kasi nabibigyan ako ng pagkakataong makatrabaho pa 'yung iba.” Ano ang mami-miss niya kay Kris Bernal? “Si Kris kasi masarap at magaan siya katrabaho kasi professional at magaling umarte. Mabait pa at walang kaarte-arte. “Yon kasi ang maganda kasama sa work, yung mahal niya at dedicated sa trabaho. Nakakahawa at kailangang galingan mo.” Nasabi ba ni Kris sa kanya na may crush ito sa kanya? “Hindi niya sinabi, ewan ko diyan kung ano ang pinagsasabi niya!” natatawang sabi ni Mark. “Pero honestly speaking, I’m flattered. “If ever nga na crush niya ako, wala naman sigurong masama. “Kasi humahanga lang siya and alam naman ni Kris kung gaano na kami katagal ni Ynna [Asistio, girlfriend ni Mark].” YNNA ASISTIO. Hindi naman siya pinagseselosan ni Ynna? “Before, pero tapos na yun, tapos na yung issue,” sabi ng young actor. Pero alam ni Ynna na crush siya ni Kris? “Hindi yata.” Kumusta naman sila ni Ynna? “We’re okey lalo na four years and five months na kami. Going strong yung relationship namin. “After nung lahat ng issues, intriga na dumating sa amin, we’re still here, nandiyan pa rin siya.” Wala naman silang selosan factor sa isa’t isa? “Siguro sa 100 percent, siguro mga 20 percent na lang. Hindi na ganun kalaki yung selos.” So mas secure na sila sa isa’t isa? “Oo, mas secure na kami,” sagot ni Mark. — PEP.ph