Filtered By: Showbiz
Showbiz

Why Dolphy cannot be declared National Artist yet despite strong clamor


Hindi na bago ang petisyon para mabigyan ng National Artist award si Dolphy. Kung tutuusin, 2009 pa nagsimulang lumutang ang pangalan ng Comedy King para sa mataas na karangalan na ito na iginagawad sa mga natatanging alagad ng sining. Isa si Dolphy sa mga naging laman ng reaksiyon ng mga tao sa naganap na kontrobersiya sa proseso ng National Artist awards noong taon iyon. Tanong nila: bakit nabigyan na ng ganitong award si Carlo J. Caparas, habang si Dolphy ay hindi? Simula noon ay patuloy na naging isyu ang National Artist award ni Dolphy. Sa mga panayam sa 83-year-old na komedyante, kasama lagi ang usapin ng National Artist award sa mga laging itinatanong sa kanya. Gaya na lamang noong gawaran si Dolphy ng Grand Collar of the Golden Heart award ni Pangulong Noynoy Aquino noong 2010, kung saan nagbiro na lamang siyang na ayos lang sa kanya na hindi makatanggap ang National Artist award. Biro niya, "National Arthritis award" na lamang ang ibigay sa kanya. Ngunit ang impluwensiya ng 2009 National Artist controversy sa buhay ni Dolphy ay hindi natatapos dito. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi pa rin mabigyan ng National Artist award si Dolphy sa ngayon. KASAYSAYAN. Ang National Artist awards ay binuo noong April 27, 1972 sa pamamagitan ng Proclamation No. 1001 na pinirmahan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ang Cultural Center of the Philippines (CCP) ang inatasang mamahala rito, hanggang noong 1992, nang bigyan din ng parehong responsibilidad ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Ang National Artist award ay binuo upang bigyan ng gantimpala ang mga alagad ng sining na nagbigay ng natatanging kontribusyon sa sining ng Pilipinas. Bukod sa karangalan, ang mga magiging National Artist ay mabibigyan din ng cash award na 100,000 pesos, buwanang pensyon, benepisyong medikal, life insurance, at isang state funeral. Ang mga kategorya na nakapaloob sa National Artist award ay ang mga sumusunod: Architecture, Cinema, Visual Arts, Literature, Fashion Design, Dance, Historical Literature, Music, at Theater and Film. Simula noong 1972 ay pito pa lamang ang mga naideklarang National Artist na nabibilang sa mundo ng sine at showbiz. Tatlo lamang sa mga ito ang nabigyan ng award dahil sa trabaho nila bilang artista: sina Atang de la Rama, Manuel Conde, at Fernando Poe, Jr. (Ang natitirang apat ay ang mga mahuhusay na direktor na sina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Gerardo de Leon, at Eddie Romero.) PROSESO. Dumaan sa mahirap na proseso ang mga nagawaran na ng award bilang National Artist. Sa isang panayam kay National Artist for Theater and Design Salvador Bernal nung kasagsagan ng National Artist awards controversy noong 2009, sinabi niyang dumadaan sa butas ng karayom ang sinumang ma-nominate para sa karangalan. "Personally, I have been through the process, and I would like to say that the process for the selection of our National Artists has been rather rigorous, practically nominees passing through the eye of the needle," pahayag ni Bernal. Sumakabilang buhay na si Bernal noong October 2011. Nagsisimula ang proseso sa pagpasa ng sinumang interesado ng mga nominasyon sa National Artist Secretariat. Ang criteria para sa nominasyon ay ang mga sumusunod: 1. Living artists who have been Filipino citizens for the last ten years prior to nomination as well as those who have died after the establishment of the award in 1972 but were Filipino citizens at the time of their death; 2. Artists who have helped build a Filipino sense of nationhood through the content and form of their works; 3. Artists who have distinguished themselves by pioneering in a mode of creative expression or style, making an impact on succeeding generations of artists; 4. Artists who have created a significant body of works and/or have consistently displayed excellence in the practice of their art form, enriching artistic expression or style; and 5. Artists who enjoy broad acceptance through prestigious national and/or international recognition, awards in prestigious national and/or international events, critical acclaim and/or reviews of their works, and/or respect and esteem from peers within an artistic discipline. Matapos matanggap ang bulto-bultong nominasyon, sasalain ito ng National Artist Secretariat para makabuo ng shortlist. Pagkatapos ay magkakaroon ng deliberation ng isang panel na binubuo ng mga opisyal ng CCP, NCCA, at ilang mga National Artists para mabuo ang huling set ng awardees. Pagkabuo ng final list ay ipapasa ito sa opisina ng Pangulo ng Pilipinas, para iproklama ang mga bibigyang parangal, at isama ang mga ito sa Order of National Artists. Gayunpaman, may mga pagkakataong may mga nabigyang-parangal na hindi dumadaan sa prosesong ito. Ito ay sa pamamagitan ng isang President's prerogative, kung saan maaaring magdagdag ang Pangulo ng pangalan sa huling listahan ng awardees. Isang halimbawa nito ay ang pagdagdag ni dating Pangulong Fidel Ramos kay Carlos Quirino bilang National Artist for Historical Literature noong 1997. Nagresulta sa kontrobersiya ang ginawang ito ni Ramos, na naresolba sa isang meeting noong November 6, 1997 kung saan hinayaan na lamang ang pagdagdag kay Quirino. Umayon din sa parehong meeting ang CCP at NCCA sa posisyon ni Ramos na may prerogative nga ang Pangulo ng Pilipinas na magdagdag ng paparangalan. 2009 CONTROVERSY. Nangyari muli ang kontrobersiya noong 2009, nang magdagdag din si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng mga pangalan sa final list of nominees. Apat na pangalan lamang ang ipinasa ng CCP at NCCA sa opisina ng Pangulo—sina Manuel Conde, Lazaro Francisco, Federico Alcuaz, at Ramon Santos. Ngunit ibang-iba ang listahan na inilabas ng Malacañang. Tinanggal ang pangalan ng musikerong si Ramos Santos, at idinagdag ang mga pangalan nina Francisco Mañosa, Pitoy Moreno, Cecille Guidote-Alvarez, at Carlo J. Caparas. Maraming mga alagad ng sining ang nagprotesta sa desisyong ito ni Arroyo. Sa isang pahayag, isinaad ng National Artist for Film Eddie Romero na sumobra ang paggamit ni Arroyo sa "President's prerogative." "It seems it’s the first time the presidential prerogative was used to declare four artists. It’s like a wholesale declaration," saad ni Romero. Sa apat na idinagdag ni Arroyo, pinakamalakas ang kritisismo sa nominasyon kay Caparas, na nai-nominate sa bagong-gawang kategoryang Visual Arts and Film. Kilala si Caparas para sa kanyang kontribusyon sa komiks, at sa kanyang pagdidrek ng action films at massacre movies. Pahayag ng National Artist for Literature Bienvenido Lumbera, ilang beses nang ni-reject ng screening committe ang nominasyon sa direktor. Ayon din sa ilang comics artists, hindi maaaring ibigay kay Caparas ang award para sa Visual Arts, dahil hindi naman siya ang nagdibuho ng kanyang mga popular na comics. SUPREME COURT TRO. Upang pigilan ang pagbibigay ng National Artist award sa apat na taong idinagdag ni Arroyo, nagsampa ang ilang National Artists ng kaso sa Supreme Court. Agad namang naglabas ang mataas na hukuman ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pagbawalan ang Pangulo sa pagbibigay ng National Artist award. Hanggang sa ngayon ay hindi pa nareresolba ang kaso sa Supreme Court, kaya naman hindi pa rin natatanggal ang TRO. QUALIFIED? Ngayong sunud-sunod na ang petisyon para gawing National Artist si Dolphy, kailangang masagot ang tanong kung totoo nga bang qualified siya para dito. Kung susundan ang mga kuwalipikasyon para sa nominasyon na isinaad kanina, masasabing qualified nga si Dolphy. Una, Filipino citizen ang Comedy King. Pangalawa, malaki ang kontribusyon ni Dolphy sa pelikulang Pilipino, at sa mundo ng komedya. Pangatlo, maraming mga komedyante sa ngayon ang makapagsasabing ang magaling na istilo ni Dolphy sa pagpapatawa ay nagbigay-inspirasyon sa kanila. Pang-apat, higit isandaang pelikula na ang nagawa ni Dolphy, at ilan sa mga ito ay matatawag na importanteng bahagi ng pelikulang Pilipino. Halimbawa nito ay ang Jack en Jill, Facifica Falayfay, at Darna Kuno. Panghuli, hindi na mabilang ang mga karangalang natanggap ni Dolphy. Hanggang sa ngayon ay respetado rin siya sa industriyang kanyang ginagalawan. HANDS ARE TIED. Ngunit kahit qualified si Dolphy bilang National Artist, hindi pa rin madaling maibigay sa kanya ang karangalan. Ang dahilan nito ay ang TRO ng Supreme Court. Pahayag ng Malacañang noong June 21, ang kaso sa Supreme Court ang pumipigil sa kanilang aksyunan ang malakas na petisyon ng marami para mabigyan ng National Artist award ang Comedy King. Paliwanag ni presidential spokesperson Edwin Lacierda, "There is a process in selecting the National Artist. Right now, there is an ongoing case before the Supreme Court and I understand there is a status quo or a TRO that is pending before the Supreme Court." Gayunpaman, sang-ayon umano si Pangulong Aquino sa pagbibigay ng nasabing karangalan kay Dolphy, kaya naman ibinigay niya sa komedyante ang Grand Collar award noong 2010. Ang Grand Collar award ay ang pinakamataas na karangalang maibibigay ng Pangulo ng Pilipinas sa mga pribadong mamamayan. HOPE? Sa tagal ng pag-usad ng mga kaso sa Pilipinas, may pag-asa pa bang makapagdeklara ng mga bagong National Artist bago matapos ang kaso sa Supreme Court? Kung paniniwalaan ang pahayag na binitiwan ng legal officer ng NCCA ngayong araw, June 22, mukhang magkakaroon na ng posibilidad. Ipinahayag ni Atty. Trixie Angeles sa kanyang Facebook page na tila “misappreciation" lamang ng TRO ang pumigil sa proseso ng National Artist awards. Dagdag pa niya, nasa evaluation stage na ang pangalan ni Dolphy. “For the moment we understand that Mang Dolphy has been nominated and is now undergoing the process of evaluation—along with other noteworthy artists. In the meantime, we continue to pray for his recovery and return to full health," saad ni Atty. Angeles. Pero matatagalan pa rin daw ang proseso para kay Dolphy. Narito ang buong pahayag ni Atty. Angeles (published as is): "The selection of National Artists is a long process, sometime taking up to two years. That Mang Dolphy has not been awarded the recognition yet does not reflect on the government's or the arts sector wanting or not wanting to do so (in short, its not Pres. Noy's fault). For a while, a misappreciation by the NCCA Board members of the effect of the Temporary Restraining Order on Carlo Caparas et al, led to a temporary suspension of the search process. However, with the assumption of the new members of the Board in 2010, the process has again been put back on track. "For the moment we understand that Mang Dolphy has been nominated and is now undergoing the process of evaluation—along with other noteworthy artists. In the meantime, we continue to pray for his recovery and return to full health." Kasalukuyang nasa Intensive Care Unit ng Makati Medical Center si Dolphy dahil sa chronic obstructive pulmonary disease (COPD). -- Mark Angelo Ching, PEP