Filtered By: Showbiz
Showbiz

John Lapus reveals his childhood memories of estranged dad


Sa mga nakakakilala kay John "Sweet" Lapus simula pa lamang siguro noong bata ito, alam na nila ang totoong kuwento sa pagitan niya at ng kanyang ama na si Jojo Lapus. Matagal na rin namayapa ang ama ni John na isang manunulat.   Kumpara sa ibang relasyon ng mag-ama, aminado naman si John na hindi sila naging ganoon kalapit ng tatay niya noong nabubuhay pa ito.   Ngayong Father’s Day, tinanong nga ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si John noong press conference ng bago niyang primetime series sa GMA-7, ang Makapiling Kang Muli  tungkol sa mga alaala niya ng tatay niya.   Napa “Oh my God!” ito sabay sabi nang, “Kaka-guest ko lang sa Sharon, Kasama Mo Kapatid and I was saddened by the idea na wala akong masyadong masagot kay Sharon [Cuneta sa tanong na yun], although naintindihan ng Megastar.   “Well, sinabi ko yun, sa guesting ko.  Na nakakalungkot na guest mo ako ngayon para sa isang Father’s Day episode pero, wala akong masabi.   "Kasi yun ang episode para sa mga taong naging estranged yung relationship nila sa tatay nila.   “Nakakalungkot na isa ako sa mga yun.  Pero, ganoon talaga.  Wala naman akong magagawa.   "Hindi naman ako dapat mag-sour graping, hindi ko naman dapat ikalungkot yun dahil yung nangyari sa amin ng tatay ko ay naging dahilan para maging malakas akong tao at matatag sa buhay.   “At maging magaling sa larangan na aking pinasok which is, show business.”   HE WON'T LIE TO HIMSELF. Ayon pa kay Sweet, hindi nga raw magandang pakinggan na hindi siya nagkaroon ng magandang relasyon sa sariling ama noong nabubuhay pa ito, pero mas pangit naman kung ikakaila pa niya ito.   Sabi nga niya, “Ang pangit pakinggan, pero, yung nangyaring pag-iwan sa amin ng tatay ko ay dapat ko pa yatang ipagpasalamat sa tagumpay na tinatamasa ko ngayon.   "Kasi, otherwise—well, tinanong nga ako ni Sharon, kung hindi ka iniwan ng tatay mo, ano ka ngayon?   “Well, malungkot na nagta-trabaho sa isang hotel o restaurant bilang HRM [Hotel and Restaurant Management] ako at malamang ang lungkot-lungkot ko.”   Eleven years old pa lang daw si Sweet nang umalis ang ama niya.   Ayon pa kay Sweet, “After noon, naging estranged father na siya to me hanggang sa mamatay siya.”   Tinanong din namin si Sweet kung sa labing-isang taon na nakasama niya ang Daddy niya, may magagandang memories ba siya rito?   “Wala,” saad naman niya.   MEMORIES OF TATAY. Pero dugtong din niya, “Well, naalala ko na sinasama niya ako, sa Magnatech, very memorable sa akin ang lugar na yan, kasi mag-e-edit siya o magda-dubbing.  Sa lobby na puro surot, papahigain niya ko ro’n, matutulog ako.   “From 9 p.m. gigisingin niya ako ng 9 a.m. at uuwi na kami.  Yun ang mga naaalala ko sa tatay ko.”   Kuwento pa rin ni Sweet, “Naaalala ko sa Film Center, manonood kami  ro’n at ang pinapanood ko mga bold na pelikula.  E, staff yung tatay ko.  Pero feeling ko naman, siguro tinitingnan niya, general patronage, o, diyan ka.   “E, ang tagal niyang mag-trabaho.  Yung next na pelikula, bold na!  Pero that’s something na puwede kong ipagpasalamat.  Ang tatay ko ang isa sa mga nag-expose sa akin sa pelikula.   “At saka ang tatay ko, bata pa lamang ako, nagdadala na yan ng mga magazines.  Kaya bata pa lang ako, mahilig na ako sa mga artista.  Kasi, sumusulat siya sa mga publication ng showbiz.”   MESSAGE TO FATHERS. May mensahe si Sweet ngayong Father’s Day.   Ayon dito, “Ngayong Father’s Day, ang mensahe ko lang naman ay sana, yung mga ibang tatay out there, huwag naman nilang pabayaan ang kanilang mga pamilya para huwag pagdaanan ng kanilang mga anak ang mga pinagdaanan ko sa buhay.   “At kung sakaling may iba na pinagdadaaanan niyo ngayon yan, sana, hindi naman sa pagmamayabang, maging katulad ko sila na ituring yun na talent sa buhay.  Inspirasyon yun na maging mabuti kang tao in the future.”   Sabi pa niya, “I have friends na nagloko ang mga tatay. Sila, naging mabuti silang ama kasi, ayaw nilang mangyari sa mga anak nila yung nangyari sa kanila.   “So, ngayong Father’s Day, kasi ako, kapag nakakakita ako ng tatay, mabait o hindi, naiinggit ako.   "Na-realize ko na kapag nakakakita ako ng magandang pamilya, sumasaludo ako sa tatay, humahanga ako dahil alam ko, hindi madali para sa isang ama na buhayin ang kanyang pamilya at patuloy na mahalin ang kanyang asawa kahit maraming temptation.   “So, sumasaludo talaga ko sa mga tatay na nagiging loyal sa kanilang mga asawa at nagiging mabait na tatay sa kanilang mga anak.” — PEP.ph