Panibagong yugto ng career ni Jolina Magdangal-Escueta ang maging host ng isang programang 'tulad ng
Personalan sa GMA News TV. Mula sa pagiging guest host, sina Jolina at Jean Garcia ang napili para maging regular hosts ng naturang programa na napapanood gabi-gabi. Alternate ang paghu-host nina Jolina at Jean.
FROM GUEST HOST TO REGULAR HOST. Naabutan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jolina sa taping ng
Personalan noong Miyerkules, May 9, habang gumagawa ng sarili niyang notes. Ayon kay Jolina, akala raw niya ay guest lang siya noong una bilang tagabigay ng komento. Nagulat nga raw siya na guest host pala siya noon. Si Ali Sotto ang orihinal na host ng public-affairs program na ito. Pero kinailangang mag-resign nito sa show dahil sa family matters na kailangan niyang asikasuhin sa U.S. Kuwento ni Jolina, “Sinabi ni Ate Tracy [Backy], handler ko, na host nga raw ako. “Talagang ako, ‘Huh?’ Kasi ako, naiisip ko ‘pag ganoon, mukha bang trying hard ako? “Bigla kong pini-picture ang sarili ko, ginagawa ko na. “Nakikita ko ba ang sarili ko na gumigitna sa away o nagre-resolba lang? Kasi totoo siya, di ba? “Nakapanood na ako ng mga ganoon dati, hindi ako naniniwala—yung sa America. “Sabi ko, ‘OA naman. Puwede mo bang saktan ang mommy mo nang ganoon?’ “E, siguro yung napanood ko sa America, ganoon sila, e. ‘Tapos may papasok na mga bouncer. “Pero ngayon, noong tinitingnan ko, talaga namang sa Filipino, ganoon ang feeling. “Hanggang sa ‘eto na, naupo na ako sa puting upuan na ‘yan, yun na!" natatawa niyang sabi. Sa show kasi ay pinagtatapat ang dalawang kampo na mayroong hindi pagkakasunduan. Lima silang naging guest hosts noon, hanggang sila na nga ni Jean ang pinal na napiling maging regular hosts. Nakita ba ni Jolina ang sariling siya na ang magiging regular host ng programa? “Noong guest pa lang, nag-o-observe na ako pero hindi ako umaasa. At saka, alam ko na yun ang style nila. “’Tapos noong ginagawa ko na siya, yung una ko kasing hinihingan talaga ng ‘Ano, okay ba?’ sina Ate Tracy at Mother Perry [Lansigan, Jolina's manager] para alam ko kung ano talaga ang mali ko. “Pero sabi ni Ate Tracy, good job naman. “Pero bagung-bago sa akin ang lahat. Iba naman ang Payong Kaibigan at Dear Friend. “Kaya noong unang-una, may mga time na hindi pa ako masyadong nakakapagtanong. Nasa-shock pa ako sa mga reaction. “May time na inoobserbahan ko kung umaarte ba ‘to? “Noong unang episode, hindi ako naiyak. Siguro dahil tungkol sa lovelife. Teenage. “Kasi kapag napagdaanan mo na, di ba? “Ang naiyak ako yung tungkol sa mommy. Kapag family." Ang dalawang pinakapaborito raw niya sa mga nagawa na niyang episodes ay yung tungkol sa runaway groom at ang kaka-tape niya lang tungkol sa mag-ina.
HOSTING A SHOW LIKE PERSONALAN. Nakita niya ba ang sarili na naghu-host ng isang programa tulad ng Personalan? Ayon kay Jolina, “A, hindi yung nag-aawayan. Hindi yung nagmumurahan sa harapan ko. “Yung dati kasi, hindi mo nakikita, nagsi-send lang sila ng letter ‘tapos a-acting. E, ‘eto, walang acting-acting. “At yun ang bawal—umakting. So, totoo sila. Meron din nagsasakitan. “So, hindi sa hindi ko nakikita, kasi gusto ko rin yung nag-a-advice. “Hindi ko lang nakikita na mahaharap ko yung ganito. “At saka yung pinaka-nagulat din ako nang maitulak ako ng konting-konti lang—yung asawa at kerida. “Parang na-shock ako, first time akong nakakita ng ganoon. “Pero yung sumunod na, parang naiawat ko na ang sarili ko. “So siguro, kapag nasanay ka na pala, ‘Ooops, sandali lang...’ Parang ready ka na rin sa puwedeng mangyari." Enjoy siya sa
Personalan? “Nag-e-enjoy ako at natsa-challenge," sagot ni Jolina. “Siyempre, itsa-challenge mo ang sarili mo kung paano mo iku-control ang feelings mo, e. “At saka alam ko na hindi ko pa totally naku-control ang feelings ko. “Kaya ako enjoy at happy sa show na ito kasi may natutunan ako palagi. “Tapos ito ang makakagising sa ‘yo na, ‘Shocks, tingnan mo nga ‘to? Yun ang makakagising sa ‘yo para sabihin na ‘Shocks!" para sabihin na ‘Ampon siya?’ Yung ganoon. Parang mare-realize mo rin ang buhay mo na okay. “
CARRIED AWAY. Hindi ba niya nadadala sa bahay pag-uwi niya ang emosyun na nakukuha niya sa programa? “Noong una kasing taping, bago umuwi, kumain kami kaya nawala. “Sumunod na araw, meron din yata kaming pinuntahan. “Then, yung sumunod, pumunta ako sa small group, kala Kuya Ogie [Alcasid], e, nandoon na si Mark, naghihintay. “At saka, hindi ko pa alam na after nito, ‘Wag ka munang umuwi. O kaya, kapag umuwi ka, iligo mo agad.'" Kuwento ni Jolina, may insidente raw na minsan ay dumiretso siya ng uwi, doon niya nakita na kahit paano ay nadadala nga niya ang mga problemang tinalakay nila sa taping. “Sinundo ako ni Mark [Escueta, her husband], pero before pa no’n, may mga issues kami na pinag-uusapan. Ang daming episodes. “’Tapos binuksan ko ulit yung isyu na pinag-uusapan namin ni Mark. “Yun tuloy, bigla kong naramdaman, OA naman ako do’n sa kainan. “Nagkukuwentuhan lang kami na aayusin na ang isyu. May mga taong dapat ayusin, ‘tapos biglang parang ang laki ng movements ko noong kumakain kami. “E, hindi ko pa alam kung paano sasabihin kay Mark na, ‘Tama na muna, ha…’ E, kasi kapag nag-uusap kami niyan, tinatapos namin. “Kapag punung-puno ka na, wala na rin akong nasasabi. “Kaya nilakasan ko na lang ang loob ko sa ways na binakla. E, si Mark, maiintindihan naman niya yun. “At saka ako, nag-shower nang malamig. Kaya na-realize ko, pag-uwi mo pala, ligo agad. “Pero siyempre, kung ang pinag-chikahan namin masaya, okay. Kaso, isyu nga." Sa isang banda, isa raw si Mark sa natuwa sa pagiging host niya ng Personalan kaya nandoon daw ang suporta ng mister sa kanya. Masaya rin si Jolina dahil kahit paano, naipapakita raw niya ang ibang side niya sa naturang show. Hindi naman daw niya masasabing ganoong istilo na ng show ang gagawin niya. “Siyempre ayokong magsalita ng patapos. “Pero sa akin, parang gusto kong makita ng tao na, oo, nakikita n’yo sa TV, nagpapatawa, parang bata pa rin ang mukha. “Hindi ko sinasabi rito na magmumukha akong matanda. “Pero, ito ako. Hindi ako magpapaka-plastic. Hindi ako magta-trying hard. “Kung hindi ko nagustuhan o hindi ako naniniwala sa tao, hindi para bastusin siya na, ‘Sorry, hindi ako naniniwala.’ “Pero sasabihin ko na hindi pa ako kumbinsido at sasabihin ko kung ano ang point of view ko." Magkaiba raw sila ng mga isyung tinatalakay ni Jean. Kay Jolina raw ay yung teenage issues, mag-asawa, at mga isyu sa anak. Pero yung mas sensitibong isyu, si Jean daw ang mas tumatalakay nito. Saad ni Jolina, “Kaya nga kahit anong compare sa amin, hindi kami maaapektuhan kasi alam na alam namin, open na open ang loob namin na yung topic na ibinigay sa amin, sa kanya, at yung sa akin, sa akin." --
Rose Garcia, PEP