Muling mapapanood ang movie queen na si Ms. Gloria Romero sa dalawang proyekto ng Kapuso Network. Una ay ang primetime series na
Rancho Paradiso sa GMA-7 at pangalawa ang pelikulang
Just One Summer para naman sa GMA Films. Masaya si Tita Glo dahil muli na naman siyang nabigyan ng bagong drama series pagkatapos ng matagumpay na
Munting Heredera, na siyam na buwan umere sa Kapuso network. Ayon sa beterenang aktres, tama ang naging desisyon niya na subukang makipagtrabaho sa GMA-7 dahil hindi siya pinababayaan at alagang-alaga siya parati. "Paano ka naman magrereklamo sa kanila? Sobra ang respeto at alaga na ginagawa nila sa akin. "Kaya I love working with the people of GMA-7. "Ngayon nga, after
Munting Heredera, binigyan nila ako ng bagong TV show plus may pelikula pa. "Kaya I am very thankful sa kanilang pagbibigay-halaga sa akin. "At my age, I am just lucky to still be working and be part of these big projects," nakangiting sabi ng 78-year-old actress. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Tita Glo sa sa story conference ng
Rancho Paradiso sa GMA Network Center noong nakaraang linggo.
RANCHO PARADISO. All-star cast ang
Rancho Paradiso na pinagbibidahan ni Richard Gutierrez. Kasama rin dito sina Mark Anthony Fernandez, Carla Abellana, Sarah Lahbati, Rio Locsin, Mark Gil, TJ Trinidad, John "Sweet" Lapus, Robert Arevalo, at Phillip Salvador. Si Ricky Davao ang magdidirek nito. Natuwa nga si Tita Glo nang malaman niya ang cast ng
Rancho Paradiso dahil makakatrabaho niya muli ang ibang mga artista na matagal na niyang hindi nakakasama. "Ang ganda ng cast at talagang nagulat ako because I will be working with actors na matagal ko nang hindi nakasama. "Unlike sina Mark Anthony and Robert, nakasama ko lang sila sa
Munting Heredera. "Si Richard kasi, sa movie ko lang siya nakatrabaho, yung
Let The Love Begin. Ngayon, makakatrabaho ko na siya sa TV. "Then there's Phillip na matagal ko nang hindi nakatrabaho. 'Tapos si Ricky, siya na ang magdidirek sa amin. "So it's just like working with old friends. "Nakakatuwa dahil nagkita-kita pa kami and we're all working together again. "Parang reunion lang ang nangyayari sa aming lahat," saad ni Tita Glo.
JUST ONE SUMMER. Special request naman daw ni Direk Mac Alejandre si Tita Glo para makasama sa pelikulang
Just One Summer, na launching movie ng loveteam nina Julie Anne San Jose at Elmo Magalona. Paliwanag nga ni Direk Mac sa story conference ng
Just One Summer, number one fan siya ni Tita Glo at lucky charm din daw niya ang beteranang aktres. Si Tita Glo kasi ang gumanap na lola ni Richard Gutierrez sa
Let The Love Begin, kunsaan kasama rin si Angel Locsin. Certified box-office hit ang naturang pelikula. Sabi pa ng dating Sampaguita Pictures contract star, "I am happy to work with new stars. "Dumaan din kasi ako sa pagiging baguhan 'tulad nila. "Noon, sinuportahan tayo ng mga malalaking artista. Now, I am doing the same thing. "Parang you are just paying it forward. Kung ano ang nakuha mong tulong noon, ibabahagi mo siya sa iba ngayon. "Tulad nga noon, sina Richard and Angel ang nakasama ko. I have fun working with them. "Ngayon, sina Elmo at Julie Anne naman. Mababait at very talented ang mga batang ito." Dagdag pa ni Tita Glo, "This is a special movie for me because I will be working again with Direk Mac. Matagal kaming hindi nagkatrabaho niyan. "It's nice to know na nire-request kang makatrabaho ng isang director. "Marami naman silang puwedeng pagpilian, pero nakakataba ng puso na nire-request ka. "Kaya it's a big honor for me to be working with Direk Mac again."
PANCHO & TITA'S GRANDSON. Pagkakataon din daw ito ni Tita Glo na makatrabaho ang apo ng mga kasabayan niya noon na sina Pancho Magalona at Tita Duran—si Elmo. Nakatrabaho raw ni Tita Glo sina Pancho at Tita, na pareho nang namayapa, sa Sampaguita Pictures noon. Pagbabalik-tanaw nga ng movie queen, "One of my earliest movies na ginawa, titled
Kasintahan Sa Pangarap (1951), sina Tita at Pancho ang mga bida. Baguhan pa lang ako that time. "Ngayon, ang apo na nila ang makakatrabaho ko. "Parang hindi ako makapaniwala na naabutan ko pa at makakasama sa isang project ang apo nina Tita at Pancho. "Kung buhay pa sana sila, they will be proud of their apo na sikat na sikat tulad nila noon," saad ni Tita Glo. --
Ruel J. Mendoza, PEP