Filtered By: Showbiz
Showbiz

Carla Abellana does sexy but glamorous pictorial for calendar of liquor brand


Taun-taon mula pa noong 1989, naglalabas na ng kalendaryo ang liquor brand na Tanduay. At karamihan ng mga naging "Tanduay Calendar Dream Girls" ay may imaheng sexy o nakagawa na ng mga proyektong nalilinya sa paghuhubad at pagpapa-sexy. Pero nitong nakaraang taon, unti-unti nang nag-iiba ng direksyon at estilo ng mga kalendaryo ng nabanggit na liquor brand. Mula sa unang calendar girl nila na si Alma Moreno, hanggang kina Gretchen Barretto (nung ST o "sex trip" days pa niya sa Seiko Films), Ara Mina, Viva Hot Babes, Katrina Halili, Ehra Madrigal, Bangs Garcia, at Nina Jose, unti-unting nagiging "tame" na ang pictorials. Katunayan, sa mga kuha ng 2011 calendar girl na si Iya Villania, wala itong litrato na naka-two piece swimsuit. At ngayon, sa 2012 calendar girl nilang si Carla Abellana, pinaka-sexy nang maituturing ang kuha ng model-turned-actress na naka-shorts at pangtaas na sando. Masasabing pinaka-"revealing" na ang pagpapakita ng 25-year-old Kapuso star ng makurbang bewang at tiyan nito. Deskripsyon nga ng executives ng kumpanya ng liquor brand, sexy pero glamorosa ang dating ng kalendaryo ni Carla. Pero para sa ilang imbitadong press na kinabibilangan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pagpapakilala nang pormal kay Carla bilang Tanduay calendar girl for 2012, tama lang na mag-sexy calendar na si Carla. Ang press presentation ay ginanap noong Martes, Nobyembre 29 sa Imperial Palace Suites sa Tomas Morato, Quezon City. Nag-sexy scenes naman daw na kasi si Carla sa huling pelikula nito na My Neighbor's Wife. Paglilinaw naman ni Carla, wala raw kinalaman ang Regal movie sa offer na gumawa siya ng sexy calendar para sa liquor brand. "Actually, hindi pa nila napapanood ang My Neighbor's Wife back then. "Pero nung lumabas na yung My Neighbor's Wife, signed sealed, delivered na yung... "Kumbaga, it wasn't because of [the movie]," pahayag pa ni Carla. At bago raw niya tinanggap ang offer para sa sexy pictorial, nagpaalam muna siya sa kanyang pamilya, sa boyfriend na si Geoff Eigenmann, at pinag-aralan nilang mabuti ng manager niyang si Arnold Vegafria ang mga clauses sa kontratang in-offer sa kanya. "Kumbaga, naligid po naming lahat talaga yun," ani Carla. PREPARATIONS. Dalawang linggo lang daw ang ginawa niyang paghahanda para sa sexy pictorial na ang end product nga ay ang pitong layout ng kalendaryo na ipamamahagi ng Tanduay sa mga tumatangikilik ng kanilang mga produkto. "Basically, I dieted and exercised. Actually...siguro, it was a week or two before the pictorial na nakapag-prepare ako physically. "But other than that, na kay Doc Marlon na rin 'yan. Nasa taste niya 'yan. Nasa anggulo kung saan mas maganda yung curve [ng katawan]. Yung mga ganung bagay. "Napaka-artistic at napakahusay po ng aming photographer. So, ayun. Natulungan niya po ako nang maigi." Ang Doc Marlon na tinutukoy niya ay ang fashion photographer na si Doc Marlon Pecjo na, ani Carla, ay photog na niya mula pa noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz. Nakapagtrabaho na sa iba't ibang magazines si Doc Marlon tulad ng FHM, Cosmopolitan, Preview, Philippine Tattler at iba pa. GEOFF'S REACTION TO SEXY CALENDAR. Kumusta naman ang naging reaksyon ng boyfriend niyang si Geoff Eigenmann sa kanyang kalendaryo? "Si Geoff...ayaw niyang tignan yung mga pictures pero forced na siya ngayong makita," nakangiting sagot ni Carla. "Okey naman. Proud siya sa akin. Hindi niya rin akalain. He's surprised and very happy for me. "Nung una lang hindi niya pa tiningnan yung pictures. Pero okey na sa kanya," kuwento pa ni Carla. READY TO DO FHM? Pero dahil nga sa naglalaro na rin sa sexy genre ang showbiz at modeling career ni Carla, puwede na rin kayang i-consider niya ang offers para sa sexy pictorials mula sa mga panlalaking magazines, tulad ng FHM at Esquire? "Depende...ayun ang manager ko, tanong n'yo na lang siya," sabay turo ng De La Salle University Manila alumna sa manager niyang si Arnold. "Depende 'yan. Depende talaga. Even this, I did not expect," tukoy ni Carla sa pagpo-pose sa mga kalendaryo. "Blessings come and go, decisions change overnight. "So, depende po. We will see. "Nandiyan ang aking manager, and of course, other than my manager, kailangan ko pong kausapin ang pamilya ko. "So, depende po. We will see," pag-uulit ni Carla. Sa pagtatanong naman ng host ng presscon na si Jun Lalin kay Arnold, sinabi ng talent manager na matagal na talagang ino-offer-an si Carla na mag-pose sa FHM. Pero ani Arnold, binigyan niya ng kundisyon ang men's magazine na magbigay o mag-donate sa gustong charitable foundation na sinusuportahan ni Carla, kung gusto talaga nilang mag-pose ang dalaga sa magazine nila. "Yung mga tinutulungan niyang foundation, advocacy, campaigns na ginagawa niya, if ever. So, pag-usapan muna namin ni Carla," sabi pa ni Arnold. -- Rommel R. Llanes, PEP