Tatlong araw pagkatapos ng kanilang garden wedding noong Lunes, November 21, nagpaunlak ng sit-down interview ang bagong kasal na sina Jolina Magdangal at Mark Escueta sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang piling miyembro ng press nitong Huwebes ng gabi. Ginanap ang panayam sa Studio 4 ng GMA Network Center. Unang ikinasal sina Jolina at Mark sa isang Catholic church noong November 19, Sabado, na dinaluhan ng hindi hihigit sa dalampung katao. At nung November 21 naman ay ginanap ang kanilang garden wedding sa Splendido Golf and Country Club sa Tagaytay, Cavite, kung saan higit sa isandaang katao ang imbitado.
WHERE DO THEY STAY? Ang unang tanong kina Jolina at Mark sa sit-down interview sa kanila ng entertainment press ay kung kumusta ang pagiging Mr. and Mrs. Escueta nila. Nararamdaman na ba nila ang buhay-may asawa? Nakangiting sagot ni Jolina, "Hindi pa masyado...although...pero nararamdaman ko na ang mga susunod na araw na aming lilinisin ang mga gamit. "Kakabukas lang namin ng mga gifts kagabi [November 23]." Sa ngayon, sa bahay muna nina Mark sa Parañaque tumutuloy ang bagong kasal. Ang isa kasing kapatid na lalake ni Mark ay bumalik na rin sa Amerika noong Martes, November 22, kaya may kuwartong nabakante sa bahay nila. Ayon pa kina Mark at Jolina, hindi pa nila sigurado kung saan talaga sila titira dahil wala pa silang matatawag na sariling pundar nilang bahay. Bagamat si Jolina ay may family home sa Quezon City. Ayon pa kay Jolina, "Kanina, bumalik muna kami ng Commonwealth kasi yung ibang gamit, nandoon pa. "Meron kaming mga interview ngayon para sa [wedding] special. "Although hindi pa nga kami nakakapag-decide kung ano talaga. "Medyo kailangan pang i-sit down, chikahan." Saad naman ni Mark, "Mainly, sa Parañaque kami mag-i-stay. "Kaya lang, majority ng work niya, sa Quezon City. "Ako naman, paiba-iba. So ako, kahit saan, okay lang. "Although for practicality, yung travel expenses at toll fee sa South, mas okay sa Q.C. "Pero, siyempre, gusto naming magkaroon ng sariling house talaga at nag-i-start na kaming mag-ipon para do'n."
NEW DISCOVERIES. May mga nadi-discover na ba sila sa isa't isa ngayong kasal na sila? Ayon kay Jolina, "Actually, noong Sabado, after the [church] wedding, hindi pa nga kami nagkasama. "Yung parents niya, nasa [Tagaytay] Highland; kami nasa bahay namin, pati mga relatives. "So, kailangan niya munang samahan yun [Mark's parents]. "Kaya noong Monday pa lang after the garden wedding kami nagkasama. "Sa mga bagay-bagay na maliliit na bagay, wala pa naman akong ino-observe na, 'Ano ba 'to, mag-asawa na?' Wala pa naman." Sabi naman ni Mark, "Noong umpisa pa lang kasi, nagtatawagan na kami ng asawa, e. "O may sabihan kami ng, 'Ikaw ang asawa ko.' "Or nagtatanungan kaming dalawa ng 'Sino asawa mo?' 'Ikaw.'" Hirit naman ni Jolina, "Dati, sumasagot ako ng 'Ikaw ang gusto ko.'" Na sinundan ni Mark ng, "So, 'eto, totoo na talaga." Dagdag pa ng musikero, "Excited lang kaming pareho. "Sabi nga ng ibang kaibigan ko na married na rin, 'Iba ang blessing na matatanggap n'yo after your wedding day.'"
TWO WEDDINGS. Halos lahat ng nakasaksi ng dalawang kasal nina Jolina at Mark ay pawang positibo at magaganda ang sinasabi. Naramdaman daw nila kasi ang pagmamahal nila sa isa't isa. Kapag nagbabalik-tanaw sila ng mga nangyari sa dalawang kasal nila, ano ang naaalala nila? Excited na sabi ni Jolina: "Puwede bang ako na ang maunang magkuwento diyan? "Noong church wedding, akala ko nahihilo lang ako noon kasi pa-zigzag papuntang Madre de Dios [chapel]. "Papunta do'n, pa-zigzag, medyo nagmamadali na kami. "Kasi, pa-start na nga. Nandoon na sila. Nahihilo ako. "Pero noong medyo tama na ang daan at papunta na do'n, nahihilo pa rin ako. "Tapos, parang nanlalamig ang paa ko. "Tapos, parang yung tiyan ko, para akong acidic na hindi ako makahinga. "Kinakabahan ako, na yung kaba ko, 'Eto na talaga 'to!' "Nae-excite ako na hindi ko maintindihan. "Tapos, yun na nga, hanggang sa pagpasok. "Isa sa pangarap ko talaga, yung both family lang ang kasama. "So, iba yung feeling na alam ko may mangyayari pa sa [November] 21. Yun talaga ang pinaghandaan nang bongga. "Pero iba rin yung feeling na wala kang paki kung mag-smudge ang makeup mo. Kasi, talagang kami lang. "Tapos naiyak na talaga ako noong makita ko siya [Mark]. "Iba yung feeling no'ng church. "Before pa akong pumasok, nasisikip na ang lalamunan ko. "Pero noong bubuksan na ang pintuan, tapos nagdyo-joke-joke na lang ako sa mga kasamahan ko do'n. "Pero, nilalabas ko lang ang kakabahan ko." Patuloy na kuwento ni Jolina, "Yung sa may garden, akala ko hindi na ako iiyak. Sabi ko, hindi na masyado. "At saka sa church, ang ine-expect namin, may babasahin lang. "E, biglang sinabi ng pari na, 'O, meron ba kayong sari-sarili n'yo?'" (Ang kanilang wedding vows ang ibig tukuyin ng pari kina Jolina at Mark.) "So, bigla kaming nagsalita do'n! "Pero ang pinaghahandaan ko talaga, yung sa garden. "Pero may nasabi na rin ako do'n [sa simbahan] ng konti, na sabi ko sa kanya [Mark] after, e, 'Pang-garden ko yun, e!'"
THE NOTES. Pero sa garden wedding nila ay mas naging emosyunal pa sina Jolina at Mark sa kanilang unprepared wedding vows, at halos lahat ng guests nila ay naluha rin. Kuwento pa ni Jolina, "E, eto ngang sa garden, sabi ko, hindi na ako iiyak! "E, doon pa lang sa pintuan, noong mabasa ko ang note niya...may pintuan doon at saka mailbox. "Sa mailbox, akala ko, ako lang. Hindi namin alam pareho. "Sabi kasi ng planner, 'Gawa ka ng note for Mark.' "So, akala ko, ako lang ang may note for him." Sabi naman ni Mark, "Well, ako, sinabihan din ako na, 'Gawa ka ng note, ihuhulog mo 'yan sa mailbox bago ka lumusot sa door.' "Pagbukas ko ng mailbox, meron din palang note dun, para sa akin." Sinikreto naman ni Mark kung ano ang eksaktong nakalagay sa note na nabasa niya at isinulat ni Jolina. Pero ayon kay Jolina, "Ay, ako hindi! "Yung una kong nabasa sa note, sobrang tinamaan kasi ako. "Sobrang ang dami naming pinagdaanan noong pini-prepare namin ang wedding. "Ang dami naming pinagdaanan na sabi ko nga, sa vow ko, meron kaming alam ko na magtatampo sa amin. "So, noong nabasa ko ang letter niya, 'Sa kabila ng pintong ito ay ang bagong buhay natin.' "Talagang sabi ko, hindi na ako iiyak, doon pa lang, naiyak na ako! "Tamang-tama naman na pag-open ko ng pintuan, nakita naman ang lahat ng alam ko na binigyan namin ng invites."
DOWN TO THE LAST DETAIL. Inamin naman ni Mark na hanggang ngayon ay "nire-rewind" pa rin nila ang mga nangyari nitong mga nakalipas na araw. Sabi ng drummer ng Rivermaya, "Hanggang ngayon, nire-rewind pa rin namin ang pangyayari. "Ang daming nangyari from Friday up to Monday up to now. "Biglang papunta rito, maiisip mo, ang ganda ng ano, 'no... "Kasi, yung planning namin, grabe talaga—down to the smallest detail." Natatawang singit ni Jolina, "Sobrang pakialamera kami!" Pagpapatuloy ni Mark, "Yung gusto naming mangyari, nandoon. "Actually, pagdating ko sa clubhouse, tumingin lang ako sa kabila. Talagang lumayo ako sa mga tao. "At yung tinitingnan namin sa Internet na nakikita naming wedding sa ibang tao, kapag pinagsama mo pala, grabe, na-overwhelm ako, sa clubhouse pa lang. "Tapos, lahat ng taong nandoon, friends and family lang. "Sobra kaming nahirapan sa guest list. Ang gusto talaga namin, closest friends and family. "And thankful naman kami." Dugtong naman ni Jolina, "Ine-expect naman namin, may maririnig kami." (Ang tinutukoy ni Jolina ay ang tampo at batikos mula sa mga hindi nila naimbitahan.) "Pero ang importante do'n, maraming nagti-text, maraming nagbibigay ng feelings nila about the wedding. "At ang sinasabi nila, para silang naging luka-luka noong wedding. Naiyak, natawa sila, na-inspire sila. "And yun naman ang goal namin, maipakita namin ang love namin sa ibang tao. "Hindi na yung 'Magkano yun, magkano 'to?' Hindi, e... "Talagang ang mga narinig namin like, 'Labor of love talaga ang invitation n'yo.'" Ang imbitasyon nina Jolina at Mark ay totoong scrapbook ng mga moments nilang magkasama—sa ibang bansa, sa kainan, pasyalan, biyahe ma-eroplano man o ma-tren, at kung ano-ano pang experiences na pinagdaanan nila. Three dimensional pa ito kung tutuusin, kasi ang mga pahinang punong-puno na ng mga visual backdrop at mga litrato nila ay nasisingitan pa ng tickets ng shows na pinanood nila. Ang mga tickets ay isinuksok sa cute pockets, na kapag naka-set against the visual backdrop ay totoong napaka-artistic na collage. Imaginin na lang natin na bawat imbitado ay nakatanggap nito! "Labor of love" nga naman.
THE LIMITED GUESTS. Nagpaliwanag din sina Mark at Jolina kung bakit hindi lahat ay inimbitahan at kung bakit inilihim nila sa marami ang kanilang kasal. Ayon kay Mark, "It would have been impossible to share the wedding day to everybody. Impossible talaga. "Sa family side ko pa lang, buong Tiaong, Quezon, hindi ko mai-invite. "Ang inimbitahan ko, up to my first-degree cousin lang. "It would have been impossible... "Like kay Jolina, twenty years na siya [sa showbiz], ang dami niyang kilala, it would really be impossible. "But we thought about it. "Kung titingnan n'yo naman kasi, lahat naman ng wedding, personal. "Lahat naman ng wedding ay private. "And sana, maintindihan nila na ang mga araw na yun, sana ibigay na lang nila sa amin. "Pero isi-share pa rin namin through a TV special, what they read on the papers and online. "At yung mga kuwento na lang ng mga taong naroon. "At siyempre, isi-share namin ang mga photos and videos of the wedding. "Pero, hindi namin mapi-please talaga lahat. "Kahit sa friends ko, nag-select na lang din ako ng representative from certain era ng buhay ko. "Siyempre, we had to stick to our budget din at marami pa namang celebration." Para naman kay Jolina, "Ang sa akin, sige, public property ka pa rin. You owe it... ganyan, ganyan. "Sige, pero isang araw lang din na mangyayari ito. "Puwede namang sa next birthday ko, puwedeng i-invite lahat, kasi ang birthday nangyayari ulit. "Baka lang puwedeng yung isang pangyayaring ito, baka puwedeng hingin ko na. "Kasi buong buhay ko naman, nai-share ko na. "At saka, hindi rin naman secret na secret. "Kasi, kung secret na secret, e, di sana nagpunta na lang kami ng Amerika? "Kaso, dito pa rin ginawa kasi gusto pa rin naming makasama ang mga taong naging super-super close sa amin at ipapakita pa rin sa special. "Kasi, kung ipinagdamot, hindi na rin kami papayag sa special." Ang kabuuan ng mga naganap sa kasal nina Mark at Jolina—na pinamagatang
"I Do. Time Two!" The Jolina Magdangal-Mark Escueta Wedding Special—ay mapapanood sa December 4, Linggo, sa
Sunday Night Box Office ng GMA-7. --
Rose Garcia, PEP