Filtered By: Showbiz
Showbiz
PEP: Manny Pacquiao invites US Pres Barack Obama to watch his upcoming bout
"This is an unforgettable moment in my life." Ito ang nasabi ng Filipino boxing icon na si Sarangani Rep Manny "Pacman" Pacquiao matapos ang kanyang pagbisita sa White House sa Washington, DC, nitong Miyerkuels, February 16 (February 15 sa Amerika), para personal na makaharap sina U.S. President Barack Obama at Vice President Joe Biden. Pambihira ang pagbisita ni Manny dahil siya lang ang kauna-unahang reigning boxing champion na naimbitahan sa opisyal na tahanan at opisina ng pangulo ng Amerika. Hindi na kasi kampeon at aktibo sa boxing ang legendary fighter na si Muhammad Ali nang makapunta ito sa White House para tanggapin ang Presidential Medal of Freedom na ibinigay ni dating U.S. President George W. Bush noong 2005. Sinabi sa ulat na kasama ni Manny ang kanyang asawa na si Jinkee, at sabay na nananghalian kasama ang dalawang pinakamataas na opisyal ng Amerika. Game na game naman na nagpa-picture sa Oval Office si Manny kasama si Obama, na nagpahayag ng intensiyon na bumisita sa Pilipinas kapag may pagkakataon. Binigyan din ni Obama ang Pinoy boxing champion ng tatlong grocery bags na puno ng light blue M&M brand chocolates na may presidential seal design. Isang relo na nagtataglay ng presidential seal logo rin ang ipinagkaloob ni Obama kay Manny. Hindi naman maiwasan na mapag-usapan ng dalawa ang pulitika, lalo pa't bukod sa pagiging world-class athlete ay kasalukuyang naninilbihan si Manny bilang congressman ng Sarangani. Inimbita ni Manny si Obama na manood ng magiging laban niya kontra kay Shane Mosley sa darating na May 7 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. Unfortunately, may trabaho raw si Obama sa araw ng laban ni Manny ngunit nangako naman ito na susubaybayan sa telebisyon ang bakbakan. Ang White House visit ni Manny ang nagsilbing last stop ng kanyang press tour para i-promote ang kanyang nalalapit na laban kay Mosley. Ilan lamang sa mga siyudad na binisita ni Manny bago ang Washington ay ang Las Vegas at New York. Ayon sa publicist ni Manny na si Fred Sternburg, lumikha ng traffic sa kalye ang pagbisita ng boksingero kay Obama dahil nagkagulo ang ilang motorista matapos na makita ang eight-division world champion na tumatawid papuntang White House. "Manny said it was very impressive being in the Oval Office, seeing it first hand. He said it was a great honor to meet the President of the United States. He also said the President is a very tall man," masayang pahayag ni Sternburg sa media. Ang pagbisita ni Manny sa tanggapan ni Obama ay personal na inasikaso ni Nevada Senator Harry Reid. Matatandaang inendorso ni Manny ang kandidatura ni Reid noong nakaraang taon at naging maganda naman ang resulta dahil muling nahalal bilang senador ang 71-year-old na mambabatas. Nauna nang sinabi ni Reid na bihira siyang makiusap kay Obama. "But I bothered him on this occasion," pahayag ng Democrat senator. - Bong Godinez, PEP
Tags: pacquiao, mannypacquiao
More Videos
Most Popular