Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Model Lemuel Pelayo gets his big break on Daisy Siete


Big break para sa commercial model na si Lemuel Pelayo ang maging isa sa leading men ni Rochelle Pangilinan sa 25th season ng Daisy Siete na may titulong "Bebe And Me." Nagsimula ang modeling career ng 22-year-old na si Lemuel noong 2006. Isa kasi siya sa mga nag-go-see para sa underwear fashion show na Bench Fever noong taon na 'yon. Since then ay nakagawa na siya ng 15 TV commercials at sampu roon ay nasa lead siya. May recall si Lemuel sa mga TV commercials na Voice Combo (kung saan sinabihan siya ng babae na bukas ang zipper niya), McDonald's ("Pa-cheeseburger ka naman!"), Lewis & Pearl, Double Mint Gum, and Globe. Sumali rin si Lemuel sa 2009 Mossimo Bikini Summit kung saan isa siya sa naging finalists. This year ay gusto namang subukan ni Lemuel ang mag-full time sa showbiz, lalo na sa larangan ng pag-arte sa TV at pelikula. "Before naman itong Daisy Siete, nakalabas na ako sa mga shows ng GMA-7 na Dear Friend, All My Life, Stairway To Heaven, and Kaya Kong Abutin Ang Langit. Pero mga small guest roles lang. Gusto kasi nilang ma-familiarize ako kung paano mag-work sa taping set. "Nasanay kasi ako na puro commercials lang ang ginagawa ko. Mabilis ang trabaho kapag commercial shoot. Kapag taping pala, matagal ang hintayan. Kaya sinasanay nila ako sa gano'ng klaseng pagtatrabaho. "So far, okay naman kasi I get to meet new people. Nagkakaroon ako ng mga bagong kaibigan and you make connections din. Kailangan masanay na ako sa puyatan kasi part 'yan ng pinasok kong trabaho," sabi ni Lemuel sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal). STUDY FIRST, ACT LATER. Matagal na raw may offer si Lemuel para mag-artista, pero that time daw ay hindi pa siya interesado. Bukod kasi sa nag-aaral pa siya noon—he graduated in 2007 at the Lyceum University with a course in Hotel & Restaurant Management—satisfied na raw siya sa paggawa lang ng TV commercials at occasional na fashion shows. "That time kasi parang okey na sa akin yung commercials. Nag-aaral pa kasi ako at feeling ko, mahihirapan ako makatapos kung papasukin ko pa ang showbiz. Then, naka-graduate na nga ako, pero nandiyan pa rin ang offers to try showbiz. So, bakit ko pa tatanggihan, di ba? "Wala naman na akong magiging problema dahil nakatapos na ako ng pag-aaral ko. Tsaka gusto ko na ring ma-discover ang mga puwede ko pang gawin. Kaya I enrolled in an acting workshop sa University of the Philippines under Alex Cortez. In preparation 'yon for the roles na ibibigay sa akin in the future projects to come," sabi niya. Enjoy si Lemuel sa kanyang first leading-man role sa Daisy Siete. Masaya at madaling katrabaho ang mga tao sa set, lalo na raw ang leading lady niyang si Rochelle. "Mabait si Rochelle. First time ko siyang makilala at naramdaman ko na welcome kaagad ako. Nahiya nga ako noong una kasi nga sikat si Rochelle, sikat ang SexBomb Girls. Tapos ang mga makakatrabaho ko, mga magagaling na artista. "Pero naging maayos naman lahat. Yung mga eksena namin ni Rochelle na nakunan, okey naman lahat lumabas. I always look forward sa taping namin kasi magaan silang katrabaho at wala akong napi-feel na mabigat na tension sa set. Enjoy lang kaming lahat," lahad ni Lemuel. INDIE FILM. May gagawin na ring indie movie si Lemuel at ito ay ang Romeo & Juliet na ididirek ni Adolf Alix, Jr. Mga bida rito ay sina Alessandra de Rossi at Victor Basa. "Nag-story conference na kami and support lang naman ang role ko. Sina Alex at Victor ang mga nasa lead. It's a love story na may weird na twist. It's not your usual romantic movie. "Natuwa nga ako to be in included in the cast because si Alex, isa siya sa mga pumili sa akin noong mag-go-see ako for Bench Fever. Ngayon makakatrabaho ko pa siya. Si Victor naman, pareho kaming managed ng Mercator Models ni Jonas Gaffud. Magkakasama kami nina JC Tiuseco, Akihiro Sato, and Daniel Matsunaga," banggit niya. Mukhang maganda nga ang simula ng 2010 para kay Lemuel dahil magkakasunod agad ang mga trabaho niya. "It will be an exciting year for me siguro. Hindi ko naman ini-expect na magkasunud-sunod. May TV show, tapos may indie movie agad. I look forward for more projects, lalo na sa modeling at commercials kung saan ako nagsimula. Magtuluy-tuloy lang ito and it will be a very good year for me," saad ni Lemuel. - Ruel J. Mendoza, PEP