PEP: Nadia Montenegro files complaint vs Cristy Fermin at MTRCB
Nag-file ng formal complaint ang dating aktres na si Nadia Montenegro sa Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) laban sa TV host-columnist na si Cristy Fermin at sa showbiz-oriented talk show ng ABS-CBN na The Buzz. Isinampa ni Nadia ang kanyang reklamo kaninang hapon, October 14, sa pamamagitan ng kanyang lawyer na Atty. Agnes Maranan ng Rivera, Santos & Maranan Law Offices. Personal na nakipag-appointment si Nadia kay MTRCB Chairman Consoliza Laguardia sa mismong tanggapan ng ahensiya sa Quezon City, kasama ang ilang kamag-anak at kaibigan. Kung matatandaan, nagpahayag si Nadia sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na gagawa siya ng legal na hakbang laban sa diumano'y "malicious and slanderous deed" ni Cristy sa pagbubunyag sa The Buzz noong October 5. Ito ay tungkol sa lihim na pagbubuntis diumano ni Nadia at pagluluwal sa isang sanggol may tatlong taon na ang nakararaan. Pagkatapos magtungo sa MTRCB ay humarap si Nadia sa piling entertainment press, kabilang na ang PEP (Philippine Entertainment Portal), sa Cheesecake restaurant sa Tomas Morato, Quezon City para ipaliwanag ang kanyang desisyon na maghain ng reklamo laban kay Cristy at sa The Buzz. "Upon the advice of my lawyer, since it all happened through TV, ang una kong reklamo ay dapat na iparating sa kinauukulan through the MTRCB. Nang mangyari ang paglalabas ni Cristy ng statements sa The Buzz noong October 5, nakipag-usap na ako sa aking lawyers on what to do. "Nakipag-usap na rin ako sa ilang tao sa ABS-CBN, at ang sabi nga nila, wala silang naging kontrol nang magsalita si Cristy dahil wala silang ideya tungkol sa sinabi nito hanggang mangyari na lamang yun doon. Nag-apologize naman sila, pero tuloy ang paraan ko para maipaglaban ang karapatan ko," mahabang paliwanag ni Nadia. Ganoon pa man, ito ang first move ng aktres at susundan pa ito ng legal proceeding sa korte. Sa susunod na linggo ay nakatakdang magsampa ng kasong libel at slander si Nadia laban kay Cristy; damay rin dito ang The Buzz, kung saan isa sa mga host si Cristy. Ayon kay Nadia, "Sa pagkakaalam ko, convicted na siya [Cristy] sa libel sa kaso niya noon with the Gutierrezes. Yung nangyaring pagbubulgar daw niya sa The Buzz, palagay ko, magdidiin pa yun sa naging desisyon ng korte laban sa kanya, na nagpapatunay na lang na despite the verdict of the court, patuloy pa rin niyang ginagawa ang hindi niya dapat ginagawa." Umiwas naman daw si Chairman Laguardia na magkomento pa tungkol sa isyu hangga't pinag-aaralan pa nila ang isinampang reklamo ni Nadia. Ipinaliwanag din ni Nadia na hindi talaga niya alam na mag-iimbento diumano ng ganoong mga salita si Cristy na ikinagulantang niya at ng kanyang pamilya. Lahat diumano ng sinabi nito sa The Buzz ay mahihirapan daw ang TV host na mapatunayan, kaya mas mabuting gumawa na rin siya ng legal at maayos na hakbang. Ang isa sa mga kasama ni Nadia na nag-file ng complaint sa MTRCB office ay si Lotlot de Leon, na pinagsususpetsahang siyang kumupkop diumano sa "ampon" ni Nadia na si Sofia, who's two and a half years old; na sinasabing ipinagbuntis ni Nadia bunga diumano ng kataksilan niya. Ang hinihinalang ama raw ng bata ay si Baron Geisler, at may bersiyon pang kesyo si Wendell Ramos ang ama nito. Actually, hindi klaro ang pahayag ni Cristy tungkol sa isyu dahil baka ang tinutukoy nito ay ang isa pang anak ni Nadia na three years old na, si Ysha. All the more na may pagbabasehan daw si Nadia sa katotohanang pinanghahawakan niya laban sa mga naibulgar ni Cristy. Kapwa tinatawanan na lang nina Nadia at Lotlot ang mga anggulong naglalabasan na dinaig pa diumano ang mga kuwento sa telenovela. Naispatan din ng PEP sa Cheesecake ang ilan pang nagbibigay ng moral support kay Nadia, gaya nina Annabelle Rama at Mark Herras. - Philippine Entertainment Portal