Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Dolphy celebrates 80th b-day, launches book


Mismong ang Hari ng Komedya ng Pelikulang Pilipino na si Dolphy ang nagsabing "nasuklam" siya sa sarili matapos basahin ang sarili niyang libro. "Huwag itong pamarisan ng mga anak ko. Ang buhay minsan, lalo na sa chicks, masalimuot po," ito ang isa sa ilang nasabi ng Comedy King sa naganap na launching ng kanyang libro, ang Dolphy: Hindi Ko Ito Mararating Mag-Isa, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang 80th birthday kagabi, July 23, sa NBC Tent sa The Fort, Taguig City. Naikuwento rin ni Dolphy na ang paborito niyang ulam ay kare-kare. Minsan daw, may isang Pasko at Bagong Taon sa kanyang buhay na hindi niya ito malimut-limutan. "Ang unang bahay na pupuntahan ko, kare-kare ang handa. Ang pangalawang bahay na pupuntahan ko, kare-kare na naman. Sa pangatlong bahay, kare-kare pa din. Pag-uwi ko sa nanay ko, kare-kare na naman. Pagtulog at panaginip ko, kare-kare uli. Mahirap talaga!" kuwento niya na ikinatawa ng lahat. Pabiro ring sinabi ni Dolphy na nakabuo na siya ng alphabet dahil ang pangalan ng kanyang unang naging "asawa" ay nagsisimula sa letrang 'A' (Aida) at ang panghuling babaeng naiugnay sa kanya ay nagsisimula naman sa letrang 'Z' (Zsa Zsa Padilla). Pagdating naman sa mga anak niya, itinuturing niya ang mga ito bilang isang malaking kaligayahan. Sampung libong beses daw ang naranasan niyang tuwa sa kanya mga anak, pero may kapalit din naman daw itong sampung baldeng luha. Isa-isa niya pinangalan ang kanyang mga anak mula sa panganay: Manny Boy, Salud, Dolphy Jr., Baby, Edgar, Rolly, Kaye, Sally, Dino, Edwin, Ronnie, Eric, Dana, Epi, Rommel, Vandolph, Nicole, at si Zia. "Pati po ang birthday ng mga 'yan ay alam ko. Pagdating po sa apo ko, hindi na natin ituloy. Masyado na pong marami. May apo na ako sa tuhod, sampu na ho!" natatawang sabi ni Dolphy. Natapos ang kanyang mensahe na nagdulot ng ngiti at halakhak sa mga nandoon kaya naman binigyan siya ng standing ovation. 80 YEARS OF THE COMEDY KING. Nakausap naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang "man behind the project" na si Eric Quizon. Ayon sa kanya, ang libro ay naglalaman ng isang autobiography ng kanyang ama na isinulat ni Bibeth Orteza. "It's a life story of my dad basically. It encapsulates 80 years of his life from childhood... You know, during the second World War, from the time he did radio, television, movies. From the time he lived-in with his first wife and had six kids, to the second, to the third and to Zsa Zsa," paglalarawan ni Eric sa libro ng kanyang ama. Wala na raw ma-wish pa si Eric para sa kanyang ama sa taong ito. "I have no wish for him for this year but for me, he deserves the best," sabi niya. "I made sure that this book was achieved, it's not a dream. This [Dolphy's children] is our gift to him basically. "It's interesting because there's a certain thing that I've learned about my dad that I never knew before. So, it was a learning experience also. I got to know my dad more, understood him for what he is and who he is. He is always been a loving, caring, and supportive father. He's always there for you, and he's not only a father, he's always a friend to all of us. I wrote this in the book, for me, I consider him my hero." TELLING DOLPHY'S STORY. Nakausap din ng PEP ang isa pang anak ni Dolphy at kapatid na buo ni Eric na si Jeffrey "Epi" Quizon, na siyang nag-host ng event. Si Epi rin ang tumayong executive vice-president ng "Dolphy Para Sa Pinoy" at co-producer ng libro. "Kaming mga magkakapatid, we produced the book and I was the one who brought it. 'Yong libro, gagawin dapat 'yan noong 78th birthday ng dad ko, pero last year, we were able to convince him to push through with the book. "Reason niya kasi, marami na siyang nasaktan na ayaw na niyang masaktan muli. 'Yon ang naging reason niya and, actually, he's just fair to our mothers. And finally we decided, you know, instead of stories to tell, then people will still talk about it, we might as well use my own words to tell my story. "Ako, ang tingin ko, hindi na muling masasaktan ang mga taong nasaktan noon kundi magkakalinawan. Ako kasi, lumalaking mayroong sakit na dinadala. Medyo alam ko ang dahilan; pero ang mali, dapat kinumpronta ko si Daddy. Matagal na ang problema at kailangan na hinintay ko pang gumawa ng libro para maintindihan ko pa yung problema naming dalawa. Medyo matagal-tagal ko siyang binitbit. It's clear now na kailangan lang pala naming mag-usap-usap. The book actually strengthened the relationship of the whole family," pahayag ni Epi. TRIBUTE TO THE KING OF COMEDY. Nakausap din ng PEP ang pangulo ng ABS-CBN na si Ms. Charo Santos-Concio para alamin ang gagawin nilang special tribute para sa Hari ng Komedya. "We want to honor Dolphy. We want to honor the man whose contribution, not only for the Philippine movie industry or Philippine television but... My God, this man made us laugh for more than half a century, di ba? "I think it's just but right to pay tribute to his talent. We will show the man that is Dolphy through the years. It's his birthday and it's about time that the industry will pay tribute to the one great Dolphy," pahayag ng ABS-CBN lady chief. Isang malaki at grandiosong special tribute titled The King of Comedy at 80 ang gagawin ng ABS-CBN na gaganapin sa Meralco Theater sa July 29 (Tuesday). Ito ay ipalalabas sa ABS-CBN sa susunod na Linggo, August 3, sa Sunday's Best. Lalahukan ito ng lahat ng ABS-CBN talents mula sa iba't ibang henerasyon at sa finale, magsi-share mismo si Dolphy ng kanyang mga naging karansan at mga sentimiyento mula sa pinakamasaya hanggang sa pinakamalungkot na nangyari sa kanyang buhay. - Philippine Entertainment Portal

Tags: dolphy