Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Katrina Halili signs multi-picture deal with OctoArts


Pagkatapos mai-launch sa telebisyon as a lead star sa afternoon soap ng GMA-7 na Magdusa Ka, pumirma naman ng multi-picture deal si Katrina Halili sa OctoArts Films. Ginanap ang contract signing kaninang tanghali, July 22, sa Guilly's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Kasama ring humarap ni Katrina sa press ang big boss ng OctoArts Films na si Mr. Orly Ilacad at ang mga direktor na sina Jose Javier Reyes at Gil Portes. Sina Direk Joey at Direk Gil ang magdidirek ng unang dalawang pelikula ni Katrina sa Octo Arts Films—ang One Night Only at ang remake ng Miss X. "Thankful po ako na pinagkatiwalaan po ako ni Boss Orly. Hindi pa po dumadating yung Magdusa Ka, yung first bida role ko, kontrabida pa lang po ako, in-offer-an na po ako ni Boss Orly. So, masayang-masaya po ako na kahit kontrabida pa lang ako, meron nang nagtiwala sa akin," nakangiting pahayag ni Katrina. Dahil dalawang pelikula agad ang nakalinyang gawin ni Katrina para sa OctoArts Films, obvious na malaki ang tiwala ni Boss Orly sa kakayahan ng Kapuso star. Ayon kay Boss Orly, "Available yung material na babagay kay Katrina, so yun yung una naming ibinigay. Kung puwede nga lima agad ang ibibigay namin, e, para tuluy-tuloy yung relationship sa kanya. ‘Tsaka part ng pag-build up sa kanya sa film. We know, sa television, napakalaki na ni Katrina. Pero sa film, we need to work some more." ONE NIGHT ONLY. Unang gagawin ni Katrina sa multi-picture contract niya sa OctoArts Films ang 2008 Metro Manila Film Festival entry na One Night Only na ididirek ni Direk Joey. Makakasama ni Katrina rito sina Angelica Panganiban, Diether Ocampo, Roxanne Guinoo, Valerie Concepcion, Paolo Contis, Joross Gamboa, at Ricky Davao. Gagampanan dito ni Katrina ang papel ng mistress ng isang congressman. Ayon kay Direk Joey, nakasentro ang pelikula sa 24 characters na nagsama-sama sa loob ng isang motel sa loob ng 12 hours, from 4 p.m. to 4 a.m. Para raw itong Radio Romance ni Direk Joey noon, pero sex comedy na ang tema. Ito ang unang pagkakataon na makakatrabaho ni Katrina si Direk Joey at aminado ang young sexy actress na kinakabahan siya ngayon pa lang. Pero ayon naman kay Direk Joey, walang dapat ipag-alala si Katrina. Hindi na rin daw kailangang dumaan sa workshop ang young sexy actress dahil base sa napanood ni Direk Joey na pagganap ni Katrina sa mga teleserye niya sa GMA-7 ay sigurado raw siyang magagampanan niya nang maayos ang kanyang role. Posible raw simulan ang shooting ng One Night Only sa last week ng August dahil kailangang i-consider ang taping ni Katrina ng Magdusa Ka. MISS X. Masasabing mas malaking challenge para kay Katrina ang Miss X. Bukod kasi sa remake ito ng 1980 film—na unang ginampanan ng Star For All Seasons na si Vilma Santos at idinirek din ni Direk Gil—ay medyo daring din ang role na ni Katrina rito bilang Asian prostitute sa Amstertdam. Ayon kay Direk Gil, marami na raw attempt in the past na gawan ng panibagong version ang Miss X, pero hindi matuloy-tuloy. In fact, ilan sa mga artistang na-consider to star in the remake were Vina Morales and Donita Rose during their heydays. Pero last year lang daw nagkaroon talaga ng linaw ang lahat and Katrina was "highly recommended" by Boss Orly. Dahil almost 30 years na ang nakalilipas mula nang ipalabas ang original Miss X, modernized version na raw ang gagawing atake ni Direk Gil at ng sumusulat ng script na si Eric Ramos, former editor-in-chief of FHM. Pero idiniin ni Direk Gil na ang puso ng istorya ay ganun pa rin. Hindi pa napapanoood ni Katrina ang Miss X ni Vilma at mukhang mahihirapan na siyang makahanap ng kopya nito ngayon. Ayon kasi kay Direk Gil, yung original negative ng pelikula ay ibinigay nila sa Experimental of the Philippines (ECP) noon at itinago sa Manila Film Center. Pero nang minsang bumagyo ay nakita raw nilang nakalutang sa baha ang negatibo ng Miss X. Umaasa rin si Direk Gil na mapantayan o malampasan ni Katrina ang ipinakitang husay ni Vilma sa orihinal na Miss X. "Kailangan, kasi mapipintasan ng press ‘pag hindi maganda yung pagkakagawa ng pelikula," sabi ni Direk Gil. Dagdag pa ng direktor, isang "acting vehicle" ang Miss X para kay Katrina. Bukod sa husay sa pagganap ay ire-require din kay Katrina ang pagiging daring sa ilang eksena sa pelikula. Pero nakahanda naman daw ang two-time FHM Sexiest Woman para rito. "Siguro hindi naman po ipapakita lahat kasi bawal na po ngayon ‘yon, di ba?" pauna ni Katrina. "‘Tsaka may tiwala naman po ako sa OctoArts at saka kay Direk Gil. Alam ko pong makakaya ko po ‘yon at kakayanin ko po talaga dahil alam ko po maganda yung pelikula, ‘tsaka alam ko pong hindi nila ako papabayaan. "Hindi naman po ako first-timer kasi ilang beses na akong nag-pictorial for FHM at may ginagawa akong coffee table book, ‘tapos nagpa-fashion show din po ako. So, kaya ko po naman yun," paniniguro pa ng dalaga. Tiniyak naman ni Direk Gil na hindi naman sobrang daring ang ipagagawa niya kay Katrina. At kahit daw bold at daring ang pelikula, gusto niyang ma-appreciate ito ng audience at maipalabas ito sa SM Cinemas, kung saan bawal ang R-18 films. Sinabi rin ni Direk Gil na sinusubukan nilang kunin si Vilma upang mag-cameo role sa bagong version ng Miss X. Nagpadala na raw sila ng feelers at gusto raw mabasa ng actress-politician ang script. Posibleng masimulan ang shooting ng Miss X sa late part of October or early part of November. Ayon kay Boss Orly, malamang ipalabas ito sa February 2009. REGAL CONTRACT. Bago pumirma si Katrina ng konrata sa OctoArts Films ay kinonsulta muna raw niya ang kanyang abogado para tiyaking wala na siyang magiging sabit sa kontrata naman niya sa Regal Entertainment. Matatandaang ang Regal ang nagbigay ng launching film kay Katrina sa pamamagitan ng Gigil. Bukod dito, ginawa rin niya para sa Regal ang Super Noypi at Shake, Rattle & Roll 9. "Yung pinirmahan ko sa Regal, four pictures for two years at tapos na po ang two years ko, and tatlo pa lang po ang nagagawa ko. E, two years lang naman po yun at pinabasa ko po sa attorney ko at tapos na nga raw po. "'Tapos sabi rin ng attorney ko, paano raw po kung magkakaroon ng problema? Gagawa pa raw ba ko ulit sa Regal in case na habulin pa ang isang movie? Sabi ko, ‘Oo naman po! Wala naman pong masama sa akin.' At saka, wala naman po akong ginagawa ngayon, alangan naman pong hintayin ko?" paliwanag ni Katrina. Pinagtatakhan din ng marami kung bakit sa Regal at OctoArts piniling gumawa ng pelikula ni Katrina samantalang may sarili namang film outfit ang Kapuso network, ang GMA Films. "E, wala naman po silang offer sa akin!" natatawang pag-amin ni Katrina. "Baka wala po silang tiwala! Joke! Pero hindi po, di ba po, ang GMA Films naman po, hindi naman po kasi sila maramihan kung gumawa ng movies?" FROM AVENGER TO MOVIE STAR. Ano naman ang masasabi ni Katrina na sa mga kasabayan niya ay bukod-tangi siyang pinagkatiwalaan ng film outfits na magkaroon ng solo movies? "May nagtanong nga po sa akin kanina kung pang-ilan daw ako sa StarStruck. Sabi ko, ‘No. 8.' ‘Tapos sabi niya, ‘Tingnan mo kahit pang-No. 8 ka lang, nandito ka pa rin, tuluy-tuloy.' ‘Di po ba,' sabi ko, ‘yung No. 8 suwerte po ‘yon?' Siguro, suwerte lang po talaga ako," saad ni Katrina. Hindi na ba talaga siya babalik sa pagko-kontrabida? "Actually po, bago ang Marimar, nag-decide po ako na hindi na ako magko-kontrabida. Sinabi ko na po sa sarili ko na kung hindi na ako bibigyan ng GMA ng show, sabi ko, okay lang sa akin, siguro mag-aaral na lang po ako. Pero natuwa naman ako, after a week, tinawagan nila ako... Yun nga, in-offer nila sa akin yung Marimar, hindi ko po siya tinanggap agad. Actually, two weeks po nila sa akin pinilit na tanggapin yung Marimar. ‘Tapos sabi ko sa sarili ko, ‘Sige, last na ‘to.' ‘Tapos natuwa naman ako, after a week, in-offer nila sa akin yung Magdusa Ka. "‘Tapos nung ibinigay po sa akin yung Magdusa Ka, ang daming nag-react, di ba? Ang daming nagsabi na hindi ko kaya, hindi bagay... So natuwa ako na mataas yung ratings naming at marami pong nanonood na gusting-gusto po nila. So, masayang-masaya po ako," lahad ni Katrina. - Philippine Entertainment Portal