Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera on Dyesebel: Topless kung topless!


Payat si Marian Rivera nang makita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa launching niya as the newest celebrity endorser/image model of Karimadon last Friday, February 22. Trabaho ang rason niya sa pagkahulog ng kanyang katawan. Pero babawi daw siya ng kain at tulog after the last taping of Marimar na kundi sa March 6 ay sa March 7. Nag-imbita na rin si Marian na panoorin ang final telecast ng Marimar sa March 14. Live daw ang ending nito at lalabas ang buong cast para magpasalamat sa viewers sa pagsubaybay sa telenovela and for making it the number one show in local TV. Isa raw sa mga hindi makakalimutang eksena ni Marian sa Marimar ay ang paghiga niya sa kabaong na nakasara. Takot siya noong una, pero naisip niya na marami ang madi-disappoint ‘pag nag-inarte siya kaya ginawa na rin niya. "Para sa Marimar, inalis ko ang takot at kaba sa dibdib ko. Gagawin ko ang lahat para sa show na malaking bagay ang ibinigay sa akin at ibinibigay pa," sabi ni Marian. Hindi rin makakalimutan ni Marian na sa Marimar nagsimula ang love-hate relationship nila ng co-star niyang si Katrina Halili. Nagsimula ang telenovela na friends sila, pero sa middle part ay nag-deadmahan sila at nagkaroon ng silent war. Pagkatapos ay nagkabati sila, pero matatapos itong war na naman sila. Ayaw na lang mag-elaborate ni Marian sa latest conflict nila ni Katrina na nag-start nang magkasabay silang mag-guest sa SiS. Pero sa tono ng pananalita ni Marian, malabong magkaayos pa sila ni Katrina. After Marimar, sa Dyesebel na ang concentration ni Marian. Sabi niya, full training ang gagawin niya para sa underwater scenes. Payag din siyang mag-topless at nagbiro ngang "topless kung topless" ang kanyang gagawin." "Sa pictorial pa lang, nag-topless na ako at naniniwala akong bakit ko tatanggapin ang Dyesebel kung aarte-arte ako? Naniniwala naman akong hindi papayag ang GMA-7 na lalabas ako ng TV na ikakapahamak ko at mababastos ako. Nandiyan ang MTRCB at hindi sila papayag na maging bastos ang Dyesebel, na ang target audience ay mga bata. Pero sexy at daring si Dyesebel dito, mag-e-expose ako ng skin," patuloy ni Marian. Ikinatuwa ni Marian ang pagpapadala ng Regal Entertainment ng DVD copy ng Dyesebel ni Alice Dixson para kanyang mapanood uli. Napanood na niya noon si Alice, pati ang versions nina Vilma Santos at Charlene Gonzalez. If she has the time, panonoorin rin daw uli ni Marian ang mga ito. Ang dinig ni Marian, sa Palawan ang taping ng Dyesebel. Pero dahil malayo, baka sa Anilao, Batangas na lang sila mag-shoot. Ang gusto nga ni Direk Joyce ay sa Palawan at Batanes ang kanilang location, na perfect para sa serye. Pero alam din niyang mahihirapan silang lahat dahil malayo. Sa April na eere ang Dyesebel. Ipinangako ni Direk Joyce na maiiba niya ang hitsura nina Marian at Dingdong sa hitsura nila ngayon sa Marimar. Kapag pinanood daw ang Dyesebel, sina Dyesebel at Fredo na ang makikita ng viewers at hindi sina Marimar Aldama at Sergio Santibañez. "Bel" at "Fredo" na rin ang tawagan nina Marian at Dingdong ‘pag nagkikita sa taping ng Marimar. Sinisimulan na raw nilang mag-internalize ng kanilang character para hindi sila magulat once na magsimula na silang mag-taping para sa Dyesebel. - Philippine Entertainment Portal