Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jolina reacts to claims she’s not qualified as ‘Pinoy Idol’ judge


Nag-pre-Valentine dinner si Jolina Magdangal at ang boyfriend nitong si Atty. Bebong Muñoz sa Gaudi restaurant sa Serendra The Fort last February 13. Ito ay naganap bago pumunta ng Davao ang singer-actress para sa pre-cast judging ng 42 contestants na napili para maging aspirants naman ng Pinoy Idol na pupunta ng Manila. "Mahilig po kami ni Bebong kumain ng steak at paella, kaya doon kami nag-dinner. Maganda po, kasi hindi pa masikip ang traffic at kokonti pa ang kumakain sa restaurant dahil hindi pa nga Valentine's day " kuwento ni Jolina nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa room niya sa Marco Polo Hotel pagkatapos ng pre-judging nila nina Ogie Alcasid at Wyngard Tracy Ano naman ang Valentine gifts nila sa isa't isa? "Wala po," sagot ni Jolina. "Nag-usap na po kasi kami ni Bebong na since pareho kaming nag-iipon, huwag na kaming magbigayan ng mahal na gifts. Ako po, isang magandang Valentine gift na sa akin 'yong dinner na siya ang nagbayad!" natatawa niyang sabi. "Puwede naman po kaming magsabi kung ano ang gusto naming gift. Pero tinanong ko siya, wala raw siyang gusto. Ako rin, wala rin naman akong gusto. Hindi po kami mahilig sa materyal na bagay and being together on special occasions like that, enjoy na kami." PINOY IDOL JUDGE Hindi na rin namin pinalampas tanungin si Jolina tungkol sa mga komento sa kanya na hindi siya karapat-dapat na maging judge ng Pinoy Idol, kasama sina Ogie Alcasid at Wyngard Tracy. "Okay lang po, expected ko na ‘yon," pagkikibit-balikat niya. "Kahit po ako ay na-surprise din nang sabihin sa akin ng GMA Network, that I will be one of the judges ng sikat na talent search mula sa Fremantle ng American Idol, kasama nina Kuya Ogie at Tito Wyngard. Hindi ko po kasi alam na na-consider ako at ipinadala nila ang resume ko sa Fremantle and I heard, ipina-approve din ito sa Fremantle sa London. "Kaya po nagulat ako nang nasa Iloilo ako noon at may show, na pagbalik ko ng Manila after the show, maghanda raw ako dahil lilipad naman ako ng Cagayan de Oro the following day. Kaya umuwi lang po ako ng Manila, naghanda ng mga gamit ko, at tuloy na rin sa domestic airport for the first leg of the audition ng Pinoy Idol sa Cagayan de Oro," lahad ni Jolina. Kay Jolina rin namin nalaman na si Regine Velasquez pala ang first choice to be one of the judges ng Pinoy Idol. Pero ang busy schedule ng Asia's Songbird ang reason kaya hindi siya natuloy. Hindi rin daw totoo na ang age ni Regine ang dahilan ng hindi pag-approve sa kanya ng Fremantle, tulad nang naisulat dahil wala namang age limit sa pagiging judge. "Nang ipadala po kasi ang resume namin, naroon na ang schedules namin hanggang sa matapos ang talent search sa August 2008. In-approve po nila ang schedule ko kahit mayroon nga akong U.S. shows with Dennis Trillo and Yasmien Kurdi from February 20 to 27. Audition pa lang po kasi ‘yon at puwede pa akong mag-absent sa audition sa SMX [SM Mall of Asia] sa February 21. Pero ‘yon po, pagbalik ko sa February 28, diretso na po ako sa audition naman sa Dagupan City," paliwanag ni Jolina. So, okay lang sa kanya kung second choice siya? "Wala pong problema kung pang-ilang choice man ako," sagot niya. "Ang mahalaga po, ako ang nakaupo ngayon as one of the judges. Saka hindi po ba ang ganda rin na after Ate Regine, ako naman ang napili nila? Kaya naman po hindi rin ako nagtataka kung may ayaw na maging judge ako. Isa pa, I cannot please everybody, pero pinaghandaan ko po ito. Sinusunod ko po lahat ng mga sinabi sa amin ni Ms. Hazel Abonita, ang program manager ng Pinoy Idol, na siyang nakakaalam ng bible ng Pinoy Idol. "Totoo po na kabado ako noong una akong umupo as judge sa Cagayan de Oro City, dahil first time ko po ‘yon na magdya-judge ako sa isang talent search. Minsan pa lang po akong nag-judge, sa All Star K, pero ibang-iba po naman itong sa Pinoy Idol. Bilang isang sa mga judges, nararamdaman ko po ang feelings ng bawat nag-audition dahil pinagdaanan ko ring lahat ‘yon noong lagi rin akong sumasali sa mga auditions at VTRs bago ako pumasok sa showbiz. "Ang laki ng responsibilidad na ibinigay sa akin ng GMA Network kaya sana I will live up to their expectations, kaya po naman pinagbubuti ko lahat ng ginagawa ko. Tinatanong po nila ako kung ako raw ba si Paula Abdul ng American Idol, hindi po ako si Paula Abdul. Kung ano po ang opinyon ko, honest opinyon ko ‘yon, akin lang po ‘yon, tulad din ng sariling opinyon nina Kuya Ogie at Tito Wyngard. Hindi po kami naggagayahan ng mga sinasabi namin." Totoo ba na mas mataray siya kesa kay Ogie ay may time din na nadadala siya ng pagkukuwento ng buhay ng mga contestants? "Hindi po ako mataray," paglilinaw niya. "Yes, it's so tempting na magmahadera ka, pero hindi po ‘yon ang ugali ko. Binigyan po ako ng responsibility, kailangang gampanan ko 'yong mabuti. Kung alam kong puwede, puwede talaga. Pero kung hindi, hindi talaga puwede. Sinasabi ko ‘yon in a nice way na hindi naman sila masasaktan. "Hanggang maaari, ayaw po naming magpaapekto sa mga kuwento ng buhay nila. Pero hindi po ako nakapigil doon sa dalawang contestants na bulag sa Iloilo City. Sinabi na po sa amin na may dalawang blind contestants, pero ang akala ko, bulag lang ang isang mata o malabo lang ang dalawang mata. Pero naapektuhan po ako talaga noong isa. "Naisip ko, tayong mga walang kapansanan, lagi pa ring nagrereklamo. Samantalang siya, nagta-try pa rin na magtagumpay sa pamamagitan ng pagsali sa talent search, kaya hindi po ako nakapigil umiyak. Ang ganda-ganda talaga ng boses niya, mararamdaman mo ang feelings niya habang kumakanta," lahad niya. May apat pang auditions na nalalabi para sa Pinoy Idol. Sa SMX (SM Mall of Asia) sa February 21, Dagupan City sa February 28, SM Clark Pampanga on March 6, and Naga City on March 27. - Philippine Entertainment Portal