Filtered by: Showbiz
Showbiz

'Family History' ni Michael V., pasok sa Top 10 ng Netflix PH


Kabilang sa Top 10 ng Netflix Philippines ang directorial debut movie ni Michael V. na "Family History." Sinagot din ng comedy genius kung balak niyang sundan ng sequel ang pelikula.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Bitoy na excited siya dahil magkakaroon ang pelikula ng bagong kahulugan kahit sa mga nakapanood na.

"Especially noong nangyari nga ang pandemic. A lot of people probably didn't think na it will hit them close to home. Pero after nga ng mga nangyari, may mga kaibigan tayo, may mga kamag-anak tayo na nawala. Then you realize the value, the lessons ng movie. 'Yun ang gusto ko talagang iparating," sabi ni Michael.

Kasama ni Michael sa Family History sina Dawn Zulueta, Bianca Umali, Miguel Tanfelix at marami pang iba.

Tumatalakay ang Family History sa maraming rebelasyon sa isang pamilyang may pinagdadaanang matinding krisis.

Ayon kay Bitoy, hiling niya na magbukas ito ng diskusyon sa mga nakapanood.

"'Yung engagement ang hinahanap ko. Kasi hanggang ngayon estudyante pa rin ako eh, gusto ko pa ring matuto. And 'yung engagement na 'yon dito ko gustong malaman kung ano ang nagustuhan nila sa pelikula, kung ano 'yung hindi nila nagustuhan. Para supposedly sa susunod na project, doon ko mai-a-apply ang mga matututunan ko," ani Bitoy.

Natanong naman si Bitoy kung may balak siyang sundan ang Family History.

"Noong una wala eh. Sabi ko 'Family History is Family History, tapos na 'yan, tapos na ang kuwento.' Pero nag-uusap kami recently ni misis, ni Ayoy kasi kasama siya sa nag-produce. She came up with an idea na I'd love to share with you guys. So yes I'll do. Probably, ewan ko. Nangangamoy sequel nga eh dahil maraming humihingi," anang Bubble Gang creative director. —Jamil Santos/LBG, GMA News

More Videos