Nagbabalik ang tambalan nina Kylie Padilla at Ruru Madrid, o mas kilala bilang "KyRu," para sa bagong Kapuso series na "TODA One I Love."

 

 

Umiikot ang istorya kina Gelay (Kylie) at Emong (Ruru), kung saan parehong nag-aagawan ang kanilang ama sa pagkapresidente ng Tricycle Operators and Drivers' Association (TODA).

Makakasama rin sa series sina David Licauco, Gladys Reyes, Victor Neri, Jackie Rice, Kim Domingo, Buboy Villar, Cai Cortez, Tina Paner, Ayeesga Cervantes, Bruce Roeland, Raymond Bagatsing, Maureen Larrazabal, Kimpoy Feliciano, Boobay, at Archie Alemania.

 

 

Tatalakay sa issue ng eleksyon at ng tamang pagboto, ang series ay sa ilalim ng produksyon ng GMA News and Public Affairs.

"Sobrang gusto ko siya kasi ang ganda ng story tsaka iba nga ang character. So exciting, tsaka 'yung cast, so masaya rin 'yung cast, mga kaibigan ko," saad ni Kylie sa ginanap na story conference ng programa nitong Biyernes.

Balik pag-aaral pa nga ng motor si Kylie para sa role.

"Actually marunong na ako pero nag-aral ako ulit kasi medyo matagal na bago ako nag-motor. Para lang magmukhang natural kasi ayokong magmukhang hindi marunong," anang aktres.

Natutuwa rin siya dahil sa adbokasiya ng programa.

"I'm happy to do something meaningful kasi it's nice to work on something na may matututunan 'yung tao and may aral. But also very fun. It's nice to help and educate people and I can be part of that, so masaya ako," sabi pa ni Kylie.

Masaya naman si Ruru sa balik-tambalan nila ni Kylie.

"Of course I am very happy kasi kumabaga kami ni Ky, kabisado namin 'yung isa't-isa when it comes sa kilig-kiligan lalo and sa mga fight scenes. Kabisado namin sa work. I am very happy din na 'yung mga KyRu, hindi sila nawala. Kumabaga kahit na hindi kami madalas nagsasama ni Kylie, kumbaga after Encantadia nag-The Cure na kami pero saglit na saglit lang, pero hindi sila nawala," sabi ni Ruru.

Matatandaang nagkatambal sina Kylie at Ruru sa sequel ng Encantadia noong 2016 bilang sina Sang'gre Amihan at Ybrahim.

"Nu'ng time na in-announce 'yung show... I'm very happy nandiyan sila and I hope suportahan nila 'yung KyRu hanggang sa dulo ng TODA One I Love," pasasalamat ni Ruru sa fans.

Looking forward din si David sa bago niyang show.

"I'm super thankful for GMA for giving me this opportunity. It's gonna be my fourth teleserye and 'yung role ko right now is okay. I really appreciate GMA for doing this," ayon kay David.

"With Ruru and Kylie, I haven't worked with them yet, but I'm pretty sure naman marami akong matututunan sa kanila. Especially with Ruru, may mga awards na siya, and Kylie as well for sure marami akong matututunan when it comes to acting, kung paano sa set," ayon pa kay David.

"I'll just have to play the character well and pag-aaralan ko. Sana maganda 'yung ipakita ko. Magsi-circulate 'yung story about sa tricycle and then 'yung love within the TODA."

Natutuwa rin si David sa pagtalakay ng programa sa napapanahong eleksiyon. "I guess 'yun 'yung kailangan naming mapakita sa mga audience, I mean ma-influence sila na bumoto nang tama." — Jamil Santos/DVM, GMA News