Pauline Mendoza, ipinakita ang talento sa pag-iyak habang pinapanatili ang ganda
Baguhan pa lamang, kilos beterana na si Kapuso actress Pauline Mendoza sa kaniyang pag-arte, lalo na sa pag-iyak. Ngunit kaniyang kuwento, hindi rin biro ang pinagdaanan niyang mga acting workshops para mahasa ang talento.
Sa programang "Tunay na Buhay," sinabi ni Pauline na hingian pa niya ng payo ang kaniyang acting coach at direktor para maging matagumpay ang pagganap niya kay Criselda sa GMA hit series na "Kambal, Karibal."
"'Ano po ba kailangan kong mapakita?' So pinag-aralan ko, tinulungan po nila talaga ako kung paano ko madadala sa set. Pinag-aralan po talaga namin 'yung buong story, 'yung magiging flow," anang aktres.
Ayon din kay Pauline, nag-audition siya noon sa GMA Artist Center at nakilala sa kaniyang pag-arte, hanggang sa mapanood sa "Little Nanay" noong 2015. Ang hindi niya alam, kailangang sumabak na agad sa taping.
Napanood pa si Pauline sa That's My Amboy (2016) at Kambal, Karibal (2017), na maituturing niyang kaniyang biggest break.
Sumabak naman si Pauline sa challenge kung saan kailangan niyang umiyak habang pinapanatili ang kaniyang ganda. Sa loob din ng 20 segundo, kailangan niyang maluha sa isang mata lang. Makayanan kaya ito ng aktres? Panoorin. —Jamil Santos/NB, GMA News