ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Wowowee scraps controversial Wilyonaryo portion


Umaani ng iba't ibang reaksiyon mula sa mga manonood ang bagong game portion sa noontime show ng ABS-CBN na Wowowee, ang "MerryGalo." Pinalitan nito ang kontrobersiyal na "Wilyonaryo" portion. Ipinaliwanag ng host ng Wowowee na si Willie Revillame sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kung bakit nila naisipang alisin ang game portion na "Wilyonaryo" sa kanyang programa. "Una sa lahat, para hindi na natin pag-usapan at mawala na sa isip ng tao na nagkaroon ng problema. So, para mawala na ang mga haka-haka kaya nagdesisyon na kami na talagang dapat palitan na. Siyempre, para wala na siyang maging problema. Wala nang maging espekulasyon, wala nang kuwestiyon... Para ang tao matigil na rin sa kakaisip," bungad ni Willie noong Oct 12, sa dressing room ng Wowowee. Masaya naman si Willie dahil unti-unti na raw nakakabawi sa ratings ang Wowowee. "Bigla, e, ‘no?" sabi niya. "Hindi, babalik naman... Alam mo ang Wowowee, kaparte na ng buhay ng bawat Pilipino ‘yan. E, siyempre, may mga changes. Hindi naman pupuwedeng lagi na lang ganun ang games. So, marami kaming games na nakapondo ngayon saka mas easier. Tapos dadagdagan pa ‘yan. ‘Yung ‘Willie of Fortune,' mas ie-enhance ‘yan. Sa jackpot noon, iibahin, mas malaki ang papremyo." WOWOWEE vs EAT BULAGA. Ano naman ang masasabi niya sa kumpetisyon sa pagitan ng Wowowee at Eat Bulaga! na uminit nang husto dahil sa "Wilyonaryo" controversy? "Well, ako naman, no competition," sagot niya. "Basta ang importante yung show pagandahin. Mag-enjoy ang tao. Magtiwala sa amin at the same time. Yung programa na ito para sa kanila. Hindi ako ang bida rito, sila. Kaya we make it a point every time na lumalabas ako, nasa kanila palagi ang importansiya, like sa ‘Willie of Fortune.' "Una sa lahat, hindi talaga para gawin mong bida ang sarili mo dito. Saka kung mapapansin ninyo, pare-pareho na nga kami ng ginagawa. Alam mo kapag kinokopya ka e, di mabuti. Maganda ang programa mo," may halong pasaring na sabi ni Willie. "Okay lang. Kung makakatulong ba sa ibang show, kung makakapagbigay-saya rin... Kasi dalawa lang naman kaming noontime shows, pero ang dami naming natutulungan. Hindi lang ang Wowowee ang nakakatulong, sila [Eat Bulaga!] rin. Ako, alam mo sa mga nangyayari ngayon, hindi na para makipag-away pa. "Well, una, wala akong competition in life," patuloy niya. "Ang lagi kong sinasabi sa aming staff, ‘Do your best sa bawat show natin.' Kasi hindi mo alam mamaya yung mga nagti-taping, hindi mo alam last taping na pala. Yung ibang show ina-announce, this is our last show. You know, dapat in every show, the best ang ibigay mo." FEUD WITH JOEY. Samantala, sinabi ni Joey de Leon na makikipagbati lang siya kay Willie kapag nagbigay siya ng kotse sa beteranong komedyante. Ano ang masasabi ni Willie dito? "E, nagbibiro lang naman ‘yon. Hindi naman niya kailangan ng kotse. Mayaman 'yon. Mas mayaman ‘yon sa akin," maikling sagot niya. Willing ba naman siyang magbigay? "E, di ibibigay ko na lang sa anak ko. Pamilya muna."- Philippine Entertainment Portal