Kapuso personalities, programs recognized at the 15th Gawad Tanglaw awards
Umani ng parangal ang mga Kapuso hosts na sina Susan Enriquez at Rhea Santos nitong Martes sa ika-15 Gawad Tanglaw (Ang Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw).
Kinilala ang "Unang Hirit" host na si Rhea Santos bilang Best Morning Show Host (Female) at hinirang naman na Best Female Radio Anchor si Susan Enriquez. Binigyan din ng parangal ang kaniyang programang pangtelebisyon na I-Juander, na nagwagi bilang Best Magazine Show.
Pinarangalan naman bilang Best Radio Anchor si Mike Enriquez, habang kinilalang Best Investigative Program ang "Imbestigador." Kinilala rin ang "Reporter's Notebook" bilang Best Documentary Program.
Wagi rin ang Kapuso star na si Paolo Ballesteros bilang Best Actor para sa kaniyang pagganap sa pelikulang "Die Beautiful." Muli namang kinilala ang Cannes winner na si Jaclyn Jose bilang Best Actress para sa "Ma Rosa."
Nagkamit din ng pagkilala si Sue Prado sa kategoryang Best Performance by an Actress (Single Performance) para sa kaniyang pagganap sa "Magpakailanman (Nababaliw na Ina)." — AT, GMA News