Paglilingkod sa simbahan, panata ng ilan sa mga hinahangaang Kapuso stars
Kahit na abala sa kani-kanilang commitments sa trabaho, sinisiguro pa rin ng ilang Kapuso personalities na nakakapaglaan sila ng oras upang makapagsilbi sa Simbahan.
Kabilang rito ang Kapuso actress at “Encantadia” star na si Gabbi Garcia, na sa likod ng camera ay isang dedicated na sakristan ng St. Alphonsus Mary de Liguori Parish sa Makati City.
“I've been serving in Church since 2008. It's something na I make sure na magagampanan kong mabuti,” aniya sa ulat ng “Unang Balita” nitong Miyerkules.
Dagdag pa ng aktres, “'Yon 'yong way ko of remaining as Gabbi na hindi part ng showbiz. It's like a vow to God.”
Miyembro naman ng Mother Butlers Group ang batikang aktres na si Nova Villa, na kahit abala sa kaniyang pagbida sa “Pepito Manaloto” at sa upcoming Kapuso teleserye na “Mulawin vs. Ravena” ay aktibo pa rin sa paglilingkod sa simbahan.
Kabilang si Nova sa samahan ng mga kababaihang nagsisilbi sa San Lorenzo Parish sa Quezon City sa loob ng higit na tatlong dekada.
Aniya, may sakripisyo mang kaakibat ang kaniyang panata, kakaibang kaligayahan pa rin ang dala ng kaniyang pananampalataya.
“Kahit na anong hirap—marami kang isasakripisyo—may calling talaga,” ayon kay Nova.
Nagsimula namang magsilbi sa Simbahan ang Kapuso news anchor na si Mariz Umali noong pitong taong gulang pa lamang siya.
Sa ngayon, kabilang siya sa mga lector ng Sacred Heart of Jesus Parish sa Quezon City.
Pagbabahagi niya, “Nagsimula akong mag-serve as a lector noong 2015, pero in terms of really serving the Church, nagsimula ako noong 7 years old. Before ako nag-lector, choir member na ako.”
“Despite the busy schedule that I have at work, talagang I make sure to always include my service to the Church,” ayon pa kay Mariz. — Bianca Rose Dabu / AT, GMA News