Actress Lolita Rodriguez passes away at 81
Pumanaw na ang legendary actress na si Lolita Rodriguez.
Ayon sa impormasyong nakuha ng PEP, binawian ng buhay si Lolita noong November 28, 9:40 A.M. (California time), matapos siyang ma-stroke dalawang buwan na ang nakararaan.
Si Lolita, Lolita Marquez Clark sa tunay na buhay, ay kinikilala na isa sa greatest actresses of Philippine Cinema.
Nagsimula ang kanyang acting career noong taong 1953, sa pelikulang Ating Pag-ibig, na pinagbidahan nina Pancho Magalona at Tita Duran, sa bakuran ng Sampaguita Pictures.
Ilan sa mga nilabasan niyang pelikula noong ’50s ay ang mga sumusunod: Cofradia, Tres Muskiteras, Pilya, Sabungera, Jack and Jill, Batas ng Alipin, Gilda, Kanto Girl, Sino ang May Sala, at Pitong Pagsisisi.
Ang ilang mga pelikula namang ginawa niya noong ‘60s ay ang mga sumusunod: Octavia, Wen Manang, The Big Broadcast, Trudis Liit, Sa Kuko ng Lawin, Saan Ka Man Naroroon, Kapag Puso’y Sinugatan, at Ikaw.
Noong dekada ’70 naman ay napanood si Lolita sa award-winning at critically acclaimed films na Stardoom, Tubog Sa Ginto, Tinimbang Ka Ngunit Kulang, Mortal, Ina Kapatid Anak, at Ina Ka Ng Anak Mo.
Noong dekada ’80 ay nagdesisyon si Lolita na manirahan na sa Amerika kasama ang kanyang mga anak.
Ngunit pagkatapos nito ay nakagawa pa siya ng dalawang espesyal na proyekto: ang pelikulang Paradise Inn noong 1985 at ang movie made for television na Lucia noong 1992.
Sa halos apat na dekada niya bilang isang aktres, ilang beses siyang na-nominate at nanalo ng acting awards.
Nanalo siyang Best Actress para sa pagganap sa mga pelikulang Gilda (1956, FAMAS Awards), Kasalanan Kaya? (1968, Manila Film Festival), Stardoom (1971, Citizen Council for Mass Media Awards), Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1971, FAMAS Awards), at Ina Ka Ng Anak Mo (1979, Metro Manila Film Festival).
Lumabas din siya sa entablado. Ang ilang di malilimutang pagganap niya sa teatro ay Larawan at Itim Asu.
Si Lolita ay ikinasal sa dating leading man niyang si Eddie Arenas.
Pagkatapos ng ilang taong pagsasama ay nag-divorce sila.
Mayroon silang tatlong anak na lalaki. —PEP.ph