Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mariel Rodriguez gives birth to Baby Isabella 


Masayang ibinahagi ng proud dad na si Robin Padilla ang magandang balita na isinilang na si Isabella, ang panganay na anak nila ng host-actress na si Mariel Rodriguez.

Wala man sa America si Robin nang isilang ang kaniyang anak nitong Lunes, November 14, saksi naman siya sa panganganak ng asawa sa pamamagitan ng video call.

Ipinanganak si Isabella sa ganap na 7:56 ng umaga sa pamamagitan ng normal delivery, matapos umano ang 21 oras na labor.

“I thought I'm going to cut the cord,” ang unang naging reaksiyon ni Robin, na hindi napigilang maging emosyonal nang makita ang kaniyang anak.

 

A video posted by robin padilla (@robinhoodpadilla) on

 

Nagpasalamat rin si Robin sa lahat ng mga nagdasal at tumulong sa kanilang mag-asawa, lalo na't naging maselan ang pagbubuntis ni Mariel. Matatandaang dalawang beses nagkaroon ng miscarriage si Mariel noong Marso at Agosto 2015. 

“Maraming salamat po Mahal na Panginoong maylikha sa biyaya ng buhay at kaligayahan. Nagpapasalamat po ako sa mga taong inyong inalay sa amin upang maalagaan ang aking asawa sa kanyang maselan na pagbubuntis hanggang sa panganganak,” ayon kay Robin.

Nagbigay-pugay rin siya sa mga kaibigan at kamag-anak na walang-sawang nag-alaga kay Mariel sa America, lalong-lalo na sa mga magulang ng kaniyang asawa

Aniya, “Ako ay nagpupugay sa iyo. Tita Maricon Termulo at Eric Tamesis, na nagsilbing hotel ang kanilang bahay, naging driver at bodyguard ang buong pamilya at higit sa lahat, para sa haplos ng isang ina.”

“At sa iyo, Sir Abellardo Termulo, sa pagpapakita ng iyong pagmamahal at suporta sa iyong anak, wala po kayong katulad. Isa po kayong alamat sa pagiging ama at bilang lolo ni Maria Isabella. Sinamahan mo siya sa pagtawid mula sa sinapupunan hanggang sa pagsilang. Isa pong karangalan na kayo ang pumutol ng umbilical cord,” dagdag pa na aktor. —KBK, GMA News