Brothers Andre, Kobe Paras reunite for double celebration
Nagtungo sa Amerika ang Kapuso actor at “Encantadia” star na si Andre Paras upang muling makasama ang kaniyang nakababatang kapatid na si Kobe.
Kasabay ng paghahanda ni Kobe para sa US National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa susunod na buwan kung saan maglalaro siya para sa Creighton University Bluejays, naglaan rin ng oras ang basketball superstar para ipagdiwang ang kaarawan ng kaniyang kapatid.
Nitong Martes, November 1, ipinagdiwang ni Andre ang kaniyang ika-21 na kaarawan.
“Happy birthday to my favorite person in the world, @andreparas !!! I love you man! You deserve everything you've ever longed. Have fun and I hope I made your birthday!” mensahe ni Kobe para sa kaniyang kapatid.
Saad naman ni Andre sa caption ng kaniyang Instagram post, “To infinity and beyond.”
Maliban sa isang simpleng birthday celebration, hindi rin pinalampas ng magkapatid ang pagkakataong mag-celebrate ng Halloween.
“Koko and Drecula” ang caption ni Andre sa nakatutuwang larawan nila ni Kobe kung saan nag-costume pa sila para sa nasabing holiday.
Nauna nang sinabi ni Andre na favorite holiday niya ang Halloween dahil tila extension nito ang kaniyang kaarawan.
"Sa birthday ko, nandiyan pa ang candies," biro niya sa naunang panayam.
Nagbahagi rin ang dalawa ng ilang videos ng kanilang bonding moments.
Maliban sa kaniyang pagbida sa "Encantadia," linggu-linggo ring mapapanood si Andre sa Kapuso comedy variety show na "Sunday Pinasaya."
Kamakailan lamang, hinirang rin ng Yes! Magazine's "100 Most Beautiful Stars" special issue bilang isa sa Fast-Rising Love Teams ang tambalan nina Barbie at Andre, na nagsama na sa ilang hit Kapuso shows tulad ng "That's My Amboy" at "The Half Sisters." —Bianca Rose Dabu/KBK, GMA News