Ariel Rivera, Gelli de Belen get chance to 'rekindle' their relationship
Kasabay ng muli niyang pagbida sa isang Kapuso teleserye, inamin ng batikang aktor at tinaguriang "Kilabot ng Kolehiyala" na si Ariel Rivera na muli rin siyang nagkaroon ng pagkakataon upang lalo pang mapalapit sa kaniyang asawang si Gelli de Belen.
Magkaiba man sila ng kinabibilangang istasyon ngayon, sinisiguro raw ng mag-asawa na may panahon sila para sa isa't isa, lalo na ngayong nag-migrate na sa ibang bansa ang dalawa nilang anak.
"It works out perfectly dahil she works Monday, Wednesday, and Friday. Ako rin ganoon, so the days in between and weekends, we have together. May time kami for each other. It works out well," kuwento ng aktor.
Dagdag pa niya, "The change is really difficult, but at the same time, we all have to go through that. Kapag magulang ka, you have to let go of your kids someday. Sa case lang namin, a little earlier than we hoped."
Sa ibang bansa na nag-aaral at naninirahan ang kanilang mga anak na Joaquín Andrés, na 17 years old, at Julio Alessandro, 15 years old naman, kasama ang pamilya ni Ariel.
Aminado ang dalawa na mahirap ang naging adjustment nilang mag-asawa, lalo na't naging hands-on parents sila sa kanilang mga anak mula sa pagkabata ng mga ito.
Gayunpaman, napag-desisyunan ng mag-asawa na hindi na lamang sumama sa pagma-migrate ng kanilang mga anak upang maipagpatuloy ang kanilang trabaho at manatiling malapit sa pamilya at mga kaibigan ni Gelli.
"Mahirap talaga, but that was the plan from the very beginning. It's a sacrifice for us talaga," pahayag ni Ariel.
Kuwento pa niya, "I wanted to, initially, kasi nandoon ang family ko. Pero naisip ko rin na kung nandoon kami, anong gagawin ni Gelli? Wala siyang gagawin doon. Baka 'yun pa ang maging dahilan para maghiwalay kami. Mabo-bore siya tapos mag-aaway kami. Kaya ngayon, pabalik-balik na lang kami doon."
Sa ngayon, kasama ng kanilang mga anak sa ibang bansa ang mga magulang ni Ariel, at naroon din ang tatlong kapatid at mga pamangkin ng aktor.
Sa kabila ng pangungulila sa kanilang mga anak, ipinagpapasalamat rin naman ni Ariel ang pagkakataong mas mapalapit pa sa kaniyang asawa ngayong sila na lamang ang magkasama sa iisang bahay dito sa Pilipinas.
Aniya, "Mahirap kasi our lives revolved around our two boys, but now, we have to, somehow, rekindle our relationship. 'Yung mga anak ko, never nagkaroon ng yaya. Very hands-on kami. So ngayon, more than 50 percent of our time, libre na kasi wala na 'yung mga bata."
"Now we have to do things like we're starting again with a relationship, which is fun kasi parang teenagers ulit kami, nagde-date," dagdag pa niya.
Higit sa 20 taon na ang pagsasama nina Ariel at Gelli, kaya naman proud na sinabi ng aktor na, " (Our marriage is) very, very strong, I'm happy to stay."
Simula sa darating na Lunes, October 31, mapapanood si Ariel sa GMA Afternoon Prime series na "Hahamakin ang Lahat," kasama sina Snooky Serna, Eula Valdez, Chinggoy Alonzo, at ang tambalan nina Kristoffer Martin at Joyce Ching.
Bibida rin sa teleserye sina Thea Tolentino, Marc Abaya, Jett Pangan, Marina Benipayo, Renz Valerio, Mona Louise Rey, Bruno Gabriel, at marami pang iba. — BAP, GMA News