Filtered By: Showbiz
Showbiz

AiAi Delas Alas gets Papal medal, highest award given to lay people


Iginawad sa Kapuso host-actress na si AiAi Delas Alas ang Pro Ecclesia et Pontifice (For the Church and Pope) medal mula sa Simbahang Katoliko sa pangunguna ni Pope Francis.

Ayon kay Bishop Antonio Tobias, kabilang sa mga pinararangalan ng nasabing medalya ang mga taong nagbigay ng natatanging paglilingkod sa Simbahan.

“Be it known that this is considered as the highest medal awarded to the laity by the Pope," aniya.

Maliban kay AiAi, isa pang Pilipino na nabigyan ng nasabing Papal Award ang composer na si Ryan Cayabyab.

"Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko kasi sa dami ng nilalang sa mundo, bakit ako? Worthy ba ako? Pero siyempre, susunod lang ako. Kung ano 'yung plano ni Lord for me. Doon tayo," ayon sa Kapuso star.

Aniya, nais niyang maging makabukuhan ang kaniyang buhay bukod pa sa pagpapasaya ng mga manonood sa telebisyon man, pelikula, o entablado.

Bukod sa kaniyang charity works, abala rin si AiAi sa pagpapatayo ng Kristong Hari Church sa Commonwealth Ave., Quezon City, at ng Anawim Lay Missions Foundation, Inc. sa Montalban, Rizal.

Ayon sa 'Sunday Pinasaya' star, "'Yun 'yung talagang gusto ko noon pa—magkaroon naman ng kasaysayan ang buhay ko. Kapag humarap ako kay Lord, ano bang na-contribute ko bukod sa pagpapatawa sa buong Pilipinas? Masasabi ko na naka-contribute naman ako sa iba Niyang anak at iba pa Niyang projects."

Inaasahang pormal na maigagawad kay AiAi ang Papal Award kasabay ng kaniyang kaarawan sa November 11, sa Cathedral of the Good Shepherd.

Bilang Papal awardee, kabilang na ang aktres sa Papal household, at maaari na siyang maimbitahan sa mga espesyal na pagtitipon ng Simbahan sa Vatican.

Ayon kay Bro. Michael Angelo Lobrin, "Hindi lang siya artista. Alam niyang mas mahalaga 'yung pananampalataya niya at pagmamahal sa Inang Simbahan at sa Panginoon."

 

 

Forgiveness and second chances

Aminado si AiAi na ikinagulat niya ang pagpaparangal sa kaniya ng Pro Ecclesia et Pontifice medal, lalo na't marami siyang pinagdaanang pagsubok na naging hamon sa kaniyang pananampalataya.

Nang tanungin kung ano ang naging reaksyon niya nang unang marinig ang balita, sagot ng komedyante, "Lumuhod na lang ako. Sabi ko, 'Thank you po, Lord. Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat. Hindi ko alam, hindi naman ako perfect, pero sana naman ay matugunan ko kung ano pang kailangan kong maitulong.'"

Isang hamon raw para kay AiAi ang tumanggap ng nasabing parangal, kaya naman sa kabila ng kaniyang mga kahinaan, ginagawa niya ang lahat upang maging magandang halimbawa sa mga tulad niyang Katoliko at sa lahat ng taong nakakasalamuha niya.

Nagpapasalamat raw siya sa "second chances" na ibinibigay sa kaniya ng Simbahan matapos ang lahat ng mga pagsubok na kaniyang pinagdaraanan.

Aniya, "Alam ko na hindi naman lahat ng tao ay maiintindihan ito. Hindi naman ako perpekto. Marami akong pinagdaanan, marami akong kasalanan. Pero ang Church is a Church of Second Chances. Maraming ibinibigay ang simbahan na pagpapatawad sa mga taong kagaya ko na hindi perpekto at nagkakasala."

"Ang mga binibigyan nito, hindi naman mga santo. Ito ay hamon ng patuloy na pagpapanibago or complete change, na unti-unti. Sana maging inspirasyon ito lalo na sa mga Katolikong artista na nagtitiyaga at nagsisipag na maglingkod sa Inang Simbahan," dugtong naman ni Bro. Michael Angelo.

Dagdag pa niya, "Hindi lang ito award kundi hamon sa ating lahat na puwedeng sa gitna ng kahinaan natin ay mapaglingkuran natin ang Panginoon."

Bilang bahagi rin ng kaniyang pasasalamat sa Panginoon, binuksan rin ni AiAi ang kaniyang puso sa pagpapatawad at paghingi ng tawad, pati na sa ilan pang personal na sakripisyo.

Pagbabahagi ng aktres, "Lahat ng tao na sinaktan ako, pinatawad ko na sila at humingi na rin ako ng forgiveness sa lahat ng taong nasaktan ko in any way, malaki man o maliit."

"Marami rin akong igi-give up. Celibate ako until ikasal kami ni Gerald. Desisyon ko ito para sa sarili ko, para naman maging karapatdapat ako sa mata ng Panginoon. " kuwento pa niya.

Matapos ang pormal na paggawad ng Papal Award kay AiAi, balak ng aktres na pumunta sa Roma upang personal na magpasalamat sa Santo Papa. —NB, GMA News