Dingdong Dantes thanks 'Alyas Robin Hood' fans for 'very good ratings'
Dahil sa consistent na mataas na ratings, nagkaroon ng isang Thanksgiving Mass ang buong cast and crew ng GMA-7 primetime teleserye na "Alyas Robin Hood" noong October 6 sa GMA Network Center.
Masayang-masaya ang buong cast na pinangungunahan ni Dingdong Dantes dahil nakamit na nila ang mataas na ratings simula noong umere ang programa noong September 19.
Para sa bida ng "Alyas Robin Hood," isang blessing ang pagdating ng teleserye sa kanila at naging pagkakataon ito na mas ipamalas pa ni Dong ang kanyang kakayahan bilang isang aktor.
“Magmula naman noong umpisa, blessing talaga na magkaroon lang ng trabaho, makasama ang mga magagaling na artista at makabilang sa isang network na ang primary objective ay magbigay ng entertainment."
“At sa pagpasok namin sa aming 4th week, gusto talaga namin magbigay ng pasasalamat sa lahat ng grasya na binigay sa 'min."
“This show is a blessing because we’re here every night to inspire, to give entertainment kaya thank you rin sa audience for giving us very good ratings,” masayang pahayag pa ng aktor.
SPECIAL GUESTS. Isiniwalat din ng Kapuso Primetime King na maraming mga Kapuso stars ang magiging special guest sa "Alyas Robin Hood" sa mga darating pang mga episodes.
“Abangan nila ang mga bigla na lang magge-guest na mga paborito nilang mga Kapuso stars. Hindi namin puwedeng ibunyag kung sino ang mga ito para nandoon ‘yung surprise."
“Basta maraming pang mga characters na makakasalamuha ni Pepe. Hindi mo alam kung kalaban ba sila o kakampi niya. Abangan na lang nila dahil bigla na lang silang lalabas sa 'Alyas Robin Hood,'” ngiti pa ni Dong.
Nasa Thanksgiving Mass din ang isa sa leading ladies ni Dong na si Andrea Torres na gumaganap bilang ang sexy na si Venus.
Thankful din si Andrea dahil nabigyan siya ng isang kakaibang role at excited ito sa mga ipapagawa sa kanya ng kanilang direktor na si Dominic Zapata.
"It’s my first time to do action sa isang teleserye. Nasanay akong inaapi, umiiyak. Ngayon ako na ang nananakit sa mga kalaban ko. It’s a refreshing role for me at salamat sa suporta ng maraming tao dahil gabi-gabi ay pataas nang pataas ang ratings namin."
“Marami pa silang aabangan kay Venus at sa mga gagawin niya bilang parte ng buhay ni Pepe,” diin pa ni Andrea.
Naging emotional naman si Direk Dominic dahil nakita na niya ang magandang resulta ng kanilang sakripisyo para makapaghatid ng isang magandang teleserye na ma-appreciate ng maraming tao.
“Gusto lang namin magpasalamat na tinulungan kami ni Lord na sagutin yun mga hiniling namin."
“Natutuwa ako na nasuklian namin ng maayos ang sacrifices ng mga bosses namin dahil sa mataas na TV ratings ng programa,” pahayag ng direktor.
Read more at www.pep.ph. —PEP.PH