Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Solenn Heussaff proud of her ‘Encantadia’ role, says more surprises


Ipinagmamalaki ng Kapuso host-actress na si Solenn Heussaff ang pagiging kabilang niya sa star-studded cast ng remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na "Encantadia" ngayong taon.

Binibigyang-buhay niya ang karakter na si Cassiopea, isa sa pinakamatandang diwata sa Encantadia at siyang unang tagapangalaga ng brilyante bago ito mahati sa apat—ang brilyante ng hangin, tubig, lupa, at apoy.

Maliban sa kakaibang costumes at set-up, isang magandang karanasan rin daw para sa aktres ang pagsasalita ng Enchanta o Nchan, ang wikang gamit ng mga taga-Encantadia.

"Super happy ako. I haven't watched the first 'Encantadia,' but I knew about it. When they told me that I'll be Cassiopeia, I researched about the character. Ang saya ko na wala siyang lines. Hindi ako mahihirapan sa Tagalog!" kuwento niya sa isang press conference nitong Lunes.

Dagdag pa ni Solenn, "Noong nakita ko 'yung script, sabi ni Direk Mark, they changed it. Nagsasalita na si Cassiopeia pero ibang language. Sabi ko, 'Ano kayang language? Sana French naman.' Sabi ni Direk, Nchan. Akala ko, kahit anong sabihin ko, puwede. Sabi ni Direk, hindi raw kasi 'yung fans talaga, marunong mag-Nchan. May language talaga, may alphabet."

Nakaramdam man ng kaba, komportable na raw ngayon ang Kapuso host-actress sa paggamit ng natatanging wika.

"I was pressured. Pero naging okay naman. Now I'm used to memorizing Nchan lines... Nag-concentrate ako. Ngayon mas napi-feel ko 'yung language ng Nchan. May mga words talaga na may meaning so mas madali ngayon," paliwanag niya.

 

 

A video posted by Encantadia 2016 (@gmaencantadia) on

 

Nagpapasalamat si Solenn sa patuloy na pagtangkilik at pagmamahal ng mga manonood sa programa at sa mga bumubuo nito.

Aniya, "Super happy... Everyone gives their all—from costume to set-up, everything. It's really a great amount of work for a lot of people. Everyone deserve the recognition talaga."

Marami pang aabangan ang mga manonood, kabilang na ang mga iba't ibang back story na hindi naipaliwanag sa orihinal na "Encantadia" noong 2005.

Ayon nga kay Direk Mark, "The best is yet to come."

"Sa lumang 'Encantadia,' you didn't see bakit naging Cassiopeia si Cassiopeia. Ngayon, ire-reveal 'yan," pahayag ni Solenn.

 

 

A photo posted by Encantadia 2016 (@gmaencantadia) on

 

Maliban sa promotion ng kaniyang bagong album, abala rin si Solenn sa pagbida niya sa hit Kapuso fantasy series na "Encantadia," comedy series na "A1 Ko Sa'yo," at lifestyle shows na "TriPinas" at "Taste Buddies."

Matapos rin ang matagumpay na launch ng kaniyang librong "Hot Sos," pinaghahandaan na ng Kapuso actress ang reality show na "It Girls," kung saan masisilip ng mga manonood ang buhay niya at ng kaniyang mga kaibigang sina Georgina Wilson, Isabelle Daza, at Liz Uy. — DVM, GMA News