Dalagitang nakatira sa relocation site, nanalo ng house and lot at P1M sa ‘Wowowin’
Naiuwi na sa kauna-unahang pagkakataon ang Mega Jackpot prize mula sa “Pera o Kahon” segment ng Kapuso pre-primetime game-variety show na “Wowowin” nitong Lunes, August 8.
Hindi makapaniwala ang Filipino-British Campus Crush na si Shayne Jones at ang kaniyang inang si Rexy na bukod sa isang milyong piso ay mananalo rin sila ng house-and-lot, isang natupad na pangarap para sa kanilang pamilyang naninirahan ngayon sa relocation site.
“Parang panaginip kasi hindi ko expected na ganito ang mangyayari sa isang beses na pag-try at pagsugal,” ayon sa dalagita.
Lumaki si Shayne at ang kaniyang mga kapatid bilang informal settlers, at kasalukuyan silang namamalagi sa isang relocation site sa Laguna matapos gibain ang kanilang tirahan.
Pahayag ng kaniyang ina, na kasama niya sa jackpot round ng nasabing segment, “Gusto kong mapanalunan ang jackpot at makaalis kami sa tinitirhan namin ngayon dahil talagang delikado.”
Umabot sa P150,000 ang offer ng batikang host na si Willie Revillame, ngunit pinili pa rin ng mag-ina ang Kahon na Sampaguita.
“Sabi ko, 'Anak, kung sakaling ikaw ang suwertehin na makaabot sa jackpot round, mag-kahon ka kasi minsan lang ang pagkakataon na ganiyan,” ayon kay Aling Rexy.
Ilalaan raw ni Shayne ang napanalunang pera sa kaniyang pag-aaral, habang ipangtatayo naman nila ng negosyo ang matitirang bahagi nito.
Labis ang pasasalamat ng mag-ina sa “Wowowin” at kay Kuya Wil sa hindi inaasahang biyaya na ipinagkaloob sa kanila.
“Kung wala kayo, walang gaya ko na matutulungan ninto at susubukang lumaban,” ayon kay Shayne.
Pagtatapos ng kaniyang ina, “Taon-pusong pasasalamat lalo na kay Kuya Willie. Simula sa araw na ito, alam kong magbabago na ang buhay naming mag-iina. Siya ang kinasangkapan ng Diyos para magkaroon kami ng bagong buhay.” — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News