Filtered By: Showbiz
Showbiz

Amihan at Pirena magtatapat sa Lip Sync Battle Philippines ngayong Sabado


Bago sila magtapat sa kaharian ng “Encantadia” sa susunod na linggo, maglalaban muna sa “Lip Sync Battle Philippines” ngayong Sabado sina Kylie Padilla at Glaiza de Castro, na gaganap bilang Sang'gre Amihan at Pirena.

Magaling man sa stunts at iba't ibang pasabog si Kylie, kumpiyansa raw si Glaiza na siya ang mananalo ngayong Sabado.

Aniya, “Isa sa guilty pleasures ko ang gagawin ko. Hindi alam ng tao na fan ako ng grupong ito.”

“Si Kylie, magaling siya sa martial arts. Probably, magpapaandar siya ng mga tumbling tumbling. Mga pa-stunts. For sure, may mga pasabog siya. Pero malakas ang loob ko na ako ang mananalo this Saturday dahil Lip Sync Battle nga, tignan niyo na lang ang aksyon na nangyayari sa bibig at hindi sa kung ano-anong bagay,” dagdag pa niya.


 

Para naman kay Kylie, mag-eenjoy lamang siya sa kaniyang performance upang mapasaya rin ang mga manonood.

Aminado man siyang nakakaramdam siya ng kaba, inanyayahan pa rin niya ang lahat na abangan ang kakaibang twist sa kaniyang pagtatanghal.

Dagdag pa niya, “Kinakabahan ako kasi si Glaiza performer 'yan, ako naglalaro lang. Pero hindi ako tutumba without a fight!” —Bianca Rose Dabu/NB, GMA News