Filtered By: Showbiz
Showbiz

Robin Padilla on new ‘Encantadia’: ‘Local Game of Thrones ang dating!’


Kabilang si Robin Padilla sa mga nasasabik sa nalalapit na pagpapalabas ng remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” kung saan bibida ang kaniyang panganay na anak na si Kylie Padilla bilang si Sang'gre Amihan.

Ayon kay Robin sa ulat ng “24 Oras” nitong Sabado, pinaghandaan ng kaniyang anak ang pagbida sa naturang programa sa pamamagitan ng puspusang training sa martial arts.

Kitang-kita raw ng tinaguriang “Bad Boy ng Philippine Cinema” ang dedikasyon ni Kylie, na bata pa lamang ay pinag-aral niya na ng arnis at gymnastics.

Sa katunayan, binansagan na niyang “local Game of Thrones” ang telefantasya dahil sa labis na paghahandang ginagawa ng buong cast at crew ng programa.

“Hindi puwedeng magkaroon ng magandang resulta nang walang training. Ngayon, naaani na niya bunga. 'Yung batang 'yan, maraming baon 'yan. 'Yung nakikita niyo, pigil pa 'yan. Local na Game of Thrones ang dating, ano? Hindi talaga tayo nagpapahuli,” aniya sa panayam ni Cata Tibayan.

Ayon kay Robin, nakita niya raw kay Kylie ang husay at galing na maaaring magamit upang sumunod sa kaniyang yapak bilang isang magaling na action star.

Umaasa raw siya na magkakasama muli sila ng kaniyang anak sa isang proyekto.

Ayon sa batikang aktor, “Very proud ako, anak! Siguradong mapapanood ng mga tao kung gaano ka kagaling. Hindi ko pa alam kung paano, pero magkakasama rin tayo sa isang proyekto.”

Kasama ni Kylie na bibida sa “Encantadia” sina Gabbi Garcia, Sanya Lopez, at Glaiza de Castro bilang ang mga Amihan, Alena, Danaya, at Pirena.

Kabilang rin sa mga magbibigay-buhay sa kuwento sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, Solenn Heussaff, at marami pang iba.

Mapapanood na ang inaabangang remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series simula sa darating na July 18. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News