Filtered By: Showbiz
Showbiz

Find out why Jake Vargas still keeps 'Bea' tattoo


 


Tatlong taon na ang nakalilipas mula noong maghiwalay sina Jake Vargas at Bea Binene, pero hindi pa rin magawang ipabura ni Jake ang ipina-tattoo niyang pangalan ng aktres sa kanyang kanang braso.

Ipina-tattoo ni Jake ang pangalan ng kanyang kasintahan noong kainitan pa ng relasyon nila. Pero nauwi rin sa hiwalayan ang dalawa.

“Okay lang naman na nandiyan siya. Natatakpan ko naman siya minsan. Kung ipapabura ko po naman, malaking gastos pa. Baka hindi pa maganda ang lumabas."

“Kaya okey lang na nandiyan pa ang name ni Bea sa braso ko,” pahayag ni Jake.

Ayon kay Jake, friends naman daw sila ng kanyang ex-girlfriend.

Saad niya, “Okay naman po kami ni Bea. Kapag nagkikita kami sa GMA, binabati naman po namin ang isa’t isa."

“Nawala na yung pagiging awkward namin sa isa’t isa. Naka-move on naman na kasi kami. Pero yung communication sa text o sa social media, wala pong gano’n.”

Nakakaranas pa ba siyang ng bashing mula sa mga fans ni Bea?

Ani Jake, “Kung meron man, hindi ko na lang po pinapatulan iyon. Bihira naman akong mag-tweet o mag-post sa Instagram. Kaya wala akong clue kung may nangba-bash pa sa akin.”

WILLING TO WORK WITH BEA. Willing naman daw si Jake na makatrabaho ulit si Bea. Depende raw kay Bea kung gusto nito o hindi.

“Para sa akin kasi, matagal na yung nangyari sa amin ni Bea. It’s time na makalimutan na ng marami iyon at maging professional na kami."

“Okay para sa akin to work with her. Yun nga lang, depende din yun kay Bea. Kung gusto ko nga pero ayaw naman niya, mahirap din yun."

“Pero sa akin, walang problema. Hindi ako tatanggi sa trabaho. Kahit sino puwede kong makatrabaho. Gusto ko lang maging professional sa lahat ng gagawin ko,” diin niya. —PEP.ph

For the full story, visit PEP.