Two ‘Encantadia’ kingdoms reintroduced in new teasers
Matapos ipasilip sa mga manonood ang unang teaser sa telebisyon ng inaabangang remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia” nitong nakaraang Martes, mapapa-throwback naman ang mga tagahanga sa muling pagpapakilala ng mga kahariang tampok sa programa.
Hindi na bago sa mga tumutok sa “Encantadia” noong 2005 ang mga katagang “Lireo” at “Hathoria,” dalawa sa apat na mga pangunahing kaharian sa mundo ng Encantadia.
Kabilang rin sa mga kaharian sa lupain ang Sapiro at Adamya.
Nitong nakaraang linggo, ipinasilip ng GMA Network ang mga bagong marka ng mga nasabing kaharian, kung saan iikot ang kuwento ng mga Sang'gre at ng iba pang mga karakter na bubuo sa inaabangang kuwento.
Bibida sa “Encantadia” ngayong taon sina Glaiza de Castro, Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez bilang ang mga Sang'gre na sina Pirena, Amihan, Alena, at Danaya.
Kasama rin sa mga magbibigay-buhay sa kuwento sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, Solenn Heussaff, at marami pang iba. — Bianca Rose Dabu/AT, GMA News