Filtered by: Showbiz
Showbiz
LOOK

Mga Sang’gre ng ‘Encantadia,’ ipinasilip na ang kanilang costumes  


Nitong Martes, ipinasilip na sa publiko ang ilan sa mga costume na isusuot ng mga bida sa inaabangang remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” na inaasahang ipapalabas na ngayong taon.

Dumaan muna sa masusing pananaliksik ang mga gown na ginawa ng batikang designer na si Francis Libiran na gagamitin ng mga Sang'gre, na bibigyang-buhay nina Glaiza de Castro bilang Pirena, Kylie Padilla bilang Amihan, Gabbi Garcia bilang Alena, at Sanya Lopez bilang Danaya.

 

 

Ayon kay Glaiza sa naunang panayam, "Yung costume pa lang nangungusap na. Nakakatuwa na we're working with a renowned designer." 

“Kaabang-abang talaga 'yung mga costume namin. Hindi lang ako ang sexy dito, sexy rin ang suot nila ngayon. Iba na talaga. Basta, maganda. Sobrang sarap sa feeling. Ramdam na ramdam mo 'yung pagiging Sang'gre,” pahayag naman ni Sanya.

Matapos ang kanilang mall shows nitong mga nakaraang linggo, makikisaya naman ang mga bida ng “Encantadia” sa gaganaping TOYCON 2016 + POPLIFE FanXperience sa darating na June 10 hanggang 12, sa SMX Convention Center.

Bibida rin sa inaabangang programa ng GMA sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, Solenn Heussaff, at marami pang iba. — RSJ, GMA News

 

LOADING CONTENT