Filtered By: Showbiz
Showbiz

Surfer, vocalist, and a father: Get to know Digong's son Baste Duterte


Bukod sa makulay na kampanya ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte para sa pagkapangulo nitong Eleksyon 2016, umagaw rin ng pansin sa social media si Sebastian “Baste” Duterte, ang kaniyang pangatlo at bunsong anak sa unang asawang si Elizabeth Zimmerman.

Marami ang humahanga at kinikilig sa tila “hunky” image ni Baste, na dating bokalista sa banda at minsan ring umaawit para sa mga tagasuporta ng kaniyang ama.

Ang hindi alam ng nakararami, isa ring surfer at ama ang 28-anyos na anak ng presumptive president ng Pilipinas.

Single man siya ngayon, dalawa na ang anak ni Baste sa dalawang babaeng naging nobya niya noon. Kasalukuyan silang nakatira sa kaniyang tahanan sa Davao City katabi ng bahay ng kanyang ama.

Kuwento ni Baste, bagama't tuwang-tuwa si Duterte sa kaniyang mga apo, hindi niya pinapalampas ang mga pagkakamali nito gaya nang pagdidisiplina niya sa sarili niyang mga anak.

"Pinapalaro niya, tinitignan, tapos minsan kinakarga rin. He's a typical person. 'Pag nagalit, nagagalit talaga. Typical '90s kid, 'yung mga sinisinturon," ani Baste.

Mahilig rin mag-surf ang bunsong anak ni Digong. Aniya, malaking bahagi ng kaniyang buhay ang karagatan.

Isa lamang ito sa pinagkakaabalahan niya, bukod sa pamamahala rin sa kanilang maliit na negosyo.

Aniya, “Gising ako, trabaho. I check the junk shop. Aalis minsan. Minsan wala akong ginagawa. Surf lang talaga. I spend most of my time sa dagat.”

First family

Hindi raw akalain ni Baste na mananalo ang kaniyang ama dahil huli na itong nag-deklara ng kaniyang kandidatura.

Ilang araw bago ang pag-upo ni Digong sa Malacañang, ramdam na raw ng kaniyang bunsong anak ang unti-unting pagbabago sa kanilang buhay.

“Security, nandiyan naman talaga 'yan. At 'yung mga nagpapa-picture, [dumami]. Before this, wala naman. 'Yun lang ang naiisip ko ngayon,” paliwanag niya.

Hindi pa raw alam ni Baste ang magiging papel niya sa pagkapangulo ng kaniyang ama, ngunit kung siya raw ang papipiliin ay mas gugustuhin niyang manatili sa Davao upang makaiwas sa mabigat na trapiko sa Maynila.

Mayroon din siyang hiling kaugnay sa pagtatalaga ng Presidential Security Group (PSG) para sa pamilya ng pangulo.

Aniya, "Wala akong idea sa buhay ng anak ng presidente kasi hindi ko naman sila sinusubaybayan. Sana huwag lang restrictive." —Bianca Rose Dabu/KBK, GMA News

Tags: basteduterte