Anong style ng panliligaw ang pasado kay Glaiza de Castro?
Sunod-sunod man ang pagpapalit ng gadgets at mobile applications ngayon dahil sa makabagong teknolohiya, mas pipiliin pa rin daw ng Kapuso actress at “Encantadia” star na si Glaiza de Castro ang tradisyonal na panliligaw.
Ito ang inamin niya sa episode ng morning talk show na “Yan Ang Morning” ngayong linggo, kung saan nakasama niya sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez, na bibida rin sa inaabangang remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series.
Paliwanag ni Glaiza, “Nakaka-miss pa rin syempre 'yung tradisyon, 'yung dating talagang makikita mo 'yung hitsura niya. Kasi pag-text lang, 'Hello, good morning' lang. Parang masaya na makita 'yung kung ano 'yung itsura niya habang sinasabi niya 'yun sa'yo.”
“Iba pa rin 'pag pupuntahan ka sa bahay, lalo na pag lalaki sasabihin sa'yo, 'Puwede ka ba puntahan?'” dagdag pa niya.
Sang-ayon naman rito ang host ng programa at Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera, na sinabing mas sweet raw talaga kung nagpapakita ng effort ang lalaki upang makapagkita kayo sa personal.
Aniya, “Ako, agree naman talaga ako na mas magandang pinupuntahan ka ng manliligaw mo sa bahay para mas makilala mo, at makilala rin ng parents mo.”
Kasalukuyang abala sina Glaiza, Kylie, Gabbi, Sanya, at Marian sa paghahanda para sa “Encantadia,” na inaasahang ipapalabas ngayong taon.
Gagampanan ni Glaiza ang papel ni Pirena, habang si Kylie naman si Amihan, si Gabbi ang gaganap bilang Alena, at si Sanya ang magbibigay-buhay muli kay Danaya.
Si Marian naman ang gaganap bilang Ynang Reyna, at makakasama nila sa muling pagpapalabas ng Kapuso fantaserye sina Dingdong Dantes, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Pancho Magno, Migo Adacer, Klea Pineda, Christian Bautista, Rochelle Pangilinan, Solenn Heussaff, at marami pang iba. — RSJ, GMA News