Filtered By: Showbiz
Showbiz

Veteran comedians Michael V., Antonio Aquitania share dreams for ‘Bubble Gang’  


Dalawampung taon nang namamayagpag sa telebisyon ang Pinoy comedy sketch gag show na “Bubble Gang,” ang itinuturing na longest-running comedy show sa bansa.

Kabilang ang mga batikang Kapuso actors-comedians na sina Michael V. at Antonio Aquitania sa natitirang dalawang original cast ng naturang programa, na patuloy na nagpapasaya sa mga manonood na Kapuso tuwing Biyernes.

“Proud ako kasi talagang pinaghirapan namin ito. Hindi lang ako, hindi lang 'yung cast, hindi lang 'yung staff,” ayon kay Bitoy sa naganap na book signing ng “I Am Bubble Gang: The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles” noong Lunes.

Itinuturing na nga ng karamihan na gold standard ng Pinoy comedy gag shows ang “Bubble Gang” dahil sa tagal ng panahon nito sa telebisyon at sa dami ng mga segment at pakulo nito na tumatak na sa isipan ng mga Pilipino.

Gayunpaman, mayroon pang pangarap sina Bitoy at Antonio para sa programang pinagbidahan nila nang dalawang dekada.

Ayon sa “Pepito Manaloto” star, “Movie. Sa big screen. May ginawa na kami before na movie for TV. Gusto ko, this time, isang bonggang project. Hindi ko alam kung anong format, most probably comedy. Basta something about 'Bubble Gang' and how good life has been dito sa show na ito.”

“'Yun ang nakikita kong hindi pa namin nagagawa talaga. May libro at recording na. Movie na lang,” dagdag pa niya.

Para naman kay Antonio, nais niyang madala ang programa sa Europa.

Matatandaang sa loob ng dalawampung taon, nakapunta na sa iba't ibang bahagi ng mundo ang “Bubble Gang,” kabilang na ang Amerika, Japan, Australia, at marami pang iba.

Ayon kay Antonio, “Never kaming nakapag-Europe. Nakakapag-out of the country naman kami, pero parang ang sarap lang ng feeling kung mailalagay mo rin sa susunod naming libro na nakapag-Europe kami. Nakapag-Middle East kami, Japan, Australia, America, kaya sana Europe naman.”

Mensahe niya naman sa mga patuloy na nagmamahal sa kanilang programa, “Huwag kayong magsasawang manood ng 'Bubble Gang' dahil papatawanin namin kayo every Friday.”

Matapos ang dalawang dekada, mapapanood pa rin ang “Bubble Gang” tuwing Biyernes sa GMA Network, bago ang “Saksi.” — RSJ, GMA News