Mga nakikiramay tuloy sa pagdagsa sa burol ni Kuya Germs
Patuloy ang pagdating ng mga kaibigan, kaanak, at mga tagahanga ng namayapang Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno sa kaniyang burol sa Our Lady of Mount Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City.
Kabilang sa mga bumibisita upang masilayan ang kaniyang mga labi at gunitain ang kaniyang alaala ay mga bigating artistang natulungan niya at naging bahagi ng youth-oriented variety show na “That's Entertainment,” tulad na lamang nina Piolo Pascual, Billy Crawford, at Shirley Fuentes.
Sa panayam ng “Unang Balita,” sinabi nina Billy at Piolo na malaki ang naitulong sa kanila ni Kuya Germs upang marating nila ang kasalukuyang estado nila sa industriya ng showbiz.
“Siya ang nag-discover sa akin. I started when I was four years old sa That's Entertainment. Since then, he contributed na sa lahat. He taught me how to perform, how to be a host, how to act, how to be humble,” ani Billy na nagsimula sa “That's Entertainment” bago makilala sa ibang bansa.
“First TV work ko ay That's Enterntainment. Mahiyain pa ako at payatin, laging nasa likod. Si Kuya Germs 'yung nagpumilit sa akin na dapat huwag kang mahiya at doon ka sa harap,” kuwento naman ni Piolo.
Naging emosyonal naman si Shirley ngayong nalalapit na ang anibersaryo ng “That's Entertainment” at nakatakda sanang magkaroon ng reunion ang mga alumni ng programa.
“He was telling me na, 'Oh, nakapag-isip na ba kayo ng production number? Bahala na kayo, ha. Basta tawagan mo sila at sabihin mong um-attend naman sila.' The other night, noong nandito 'yung mga kasamahan ko sa That's, alam kong tuwang-tuwa siya,” ayon kay Shirley.
Para naman kay Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, malaking inspirasyon ang iniwan ni Kuya Germs hindi lamang sa mga artista at sa kaniyang mga tagahanga, kundi maging sa buong Philippine entertainment industry.
Dagdag pa ng Kapuso actor, malaki raw ang utang na loob niya sa itinuturing niyang ama-amahan sa showbiz.
“'Yung iniwang marka ni Kuya Germs sa lahat sa industriya, I can speak for myself dahil nagsimula ako sa GMA Supershow, sa kaniya, hindi namin malilimutan lahat ng mga naituro niya at 'yung inspirasyon na na-impart niya,” ayon kay Dingdong.
Dumalo rin sa burol ng Master Showman sina Manila Mayor Erap Estrada at House Speaker Sonny Belmonte, GMA Executives Lilybeth Rasonable, Reggie Magno, at marami pang iba.
Nakiramay rin ang ilang Kapuso artists, tulad na lamang nina Mark Herras, Ken Chan, Wynwyn Marquez, Rochelle Pangilinan, at ilan pang beteranong showbiz personalities gaya nina Arnel Ignacio, Cristi Fermin, Dulce, Marissa Sanchez, at Janice de Belen.
Ayon sa “Destiny Rose” star na si Ken Chan, isa raw si Kuya Germs sa mga dahilan kung bakit tinanggap niya ang transgender role.
“Lagi niya akong kinukuwentuhan, lagi siyang tumatawag at sinasabing 'Napanood ko ang episode mo. Wala akong pinapalampas.' Lagi siyang mayroong comment sa akin, negative man o positive. Sobrang fan niya ako. Isa 'yun sa nami-miss ko sa kaniya,” aniya.
Hindi naman malilimutan ng mag-asawang Jessa Zaragosa at Dingdong Avanzado ang lahat ng naitulong at naituro sa kanila ni Kuya Germs bilang ninong sa kasal.
Ayon kay Jessa, “You have to take the good with the bad. Kasama 'yan sa relasyon ng mag-asawa.”
“He's really been very supportive of us. Hindi lang sa career, pati sa married life namin. He's true to the word na 'ninong,'” dagdag pa ni Dingdong.
Nagpapasalamat ang pamilya at mga naulila ni Kuya Germs sa pagbuhos ng pakikiramay at pagmamahal mula sa mga taong nagmamahal sa batikang host at aktor dahil malaki raw ang naitutulong nito sa kanila upang kayanin ang malungkot na bahaging ito ng kanilang buhay.
Ayon sa unico hijo ni Kuya Germs na si Federico Moreno, “The love they have shown my father is really overwhelming. That lessesns the burden and the pain.”
Nakatakdang ilipat ang mga labi ng Master Showman sa GMA Network Studios sa Miyerkules ng umaga para sa public viewing mula tanghali hanggang 5:00 ng hapon.
Sa Huwebes naman ihahatid si Kuya Germs sa kaniyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Marikina. —Bianca Rose Dabu/ALG, GMA News