Mike Sandejas on the MMFF controversy: 'MMDA should not handle MMFF'
Nitong Lunes, nagpaabot ng mensahe ang Directors' Guild of the Philippines, Inc. (DGPI) hinggil sa kanilang pagkondena sa desisyon ng Metro Manila Film Festival 2015 executive committee na i-disqualify ang “Honor Thy Father” sa Best Picture category ng MMFF Awards ngayong taon.
Kaugnay nito, naniniwala umano ang pangulo ng DGPI na si Mike Sandejas na ang solusyon sa kontrobersiyang kinahaharap ngayong ng nasabing film festival ay tanggalin na sa kapangyarihan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pamamahala nito.
Sa panayam ng GMA News Online kay Sandejas nitong Lunes, iginiit nito na nararapat lamang na ilipat na ang pamamahala ng MMFF sa mga tao o grupo mula sa industriya ng pelikula.
Aniya, “The MMFF should be taken away from the MMDA. It should not be run by the MMDA, but by industry people. Mas naiintindihan namin 'yung needs namin.”
“MMDA is a government entity and hindi naman 'yun ang trabaho nila. It has other duties, so why are they the ones running the MMFF? It should be taken away from them and be run by another entity,” dagdag pa niya.
Ayon kay Sandejas, ang pinakamalaking problemang kinahaharap ng MMFF ay ang uri ng pamamahala rito.
Paliwanag niya, “The quality of films are debatable, but the way it is run—malaki kasi ang kinikita ng MMFF, and somehow, it looks like some people want to get a piece of the pie, they want to benefit from it. 'Yung pamamalakad has had a lot of controversies over the years.”
Giit ni Sandejas, “MMFF should be under another entity, somebody more fit to understand the needs of the industry. Ang puno't dulo naman niyan, kung hindi maganda ang pamamalakad, palitan mo ang namamalakad. Hindi naman dapat sila.”
“Kung itatanong mo sa akin kung alin, hindi ko masasabi dahil kailangang pag-aralan 'yan. Pero hindi dapat sila ang nagpapatakbo niyan. What do they know about cinema? It has to be mandated to another entity,” dagdag pa niya.
Bilang pagtatapos, sinabi ni Sandejas na susuportahan ng DGPI ang anomang hakbang ng mga bumubuo ng “Honor Thy Father” upang imbestigahan ang isyung kinasasangkutan nito kasama ang mga namamahala ng Metro Manila Film Festival.
Naghain ng resolusyon ngayong araw ang kampo ng "Honor Thy Father" sa pangunguna ng producer na si Dondon Monteverde at ni Rep. Dan Fernandez sa House of Representatives upang imbestigahan ang desisyon ng MMFF na i-disqualify ang pelikula sa Best Picture category ng MMFF Awards ngayong taon.
Naganap ang Metro Manila Film Festival 2015 Awards Night nitong Linggo, kung saan nagwagi bilang Best Director si Erik Matti para sa "Honor Thy Father," at nagwagi naman bilang Best Supporting Actor si Tirso Cruz III at Best Child Performer si Krystal Brimner para sa parehong pelikula.
Nakuha rin ng pelikula ang pagkilalang Best Make-Up at Best Original Theme Song, na gawa ng "Up Dharma Down" vocalist na si Armi Millare. —Bianca Rose Dabu/AT, GMA News