Filtered By: Showbiz
Showbiz
Book launch ng 'Bubble Bible By Bitoy' ni Michael V., dinagsa ng fans
Daan-daang mga tagahanga ang dumalo at nakibahagi sa paglulunsad ng librong “Bubble Bible By Bitoy” na isinulat ng batikang aktor at komedyante na si Michael V.
Tampok sa naturang libro ang 12 sa pinakapaboritong karakter ng mga manonood, tulad na lamang ni Tata Lino, Cecilio Sasuman, Don Miguel De Ayalabang, Yaya Rosalinda "Cha Cha" Lucero, at marami pang iba.
Ayon kay Bitoy sa panayam ng “24 Oras” nitong Lunes, “Initially, kailangan kong ma-i-release ang aking author mode. Kaya we came up with something na madaling gawin, mas friendly sa audience na nag-fa-follow sa akin ngayon.”
Makikita rin sa libro ang ilang illustrations at sketches ng Kapuso artist, na kilala na rin ngayon dahil sa kaniyang galing sa pagguhit, na ipinasisilip niya sa kaniyang fans sa pamamagitan ng Instagram.
A photo posted by Michael V. ???????? (@michaelbitoy) on
Nais daw ni Bitoy na magsilbing regalo ang kaniyang libro sa lahat ng mga patuloy na sumusuporta sa kaniya at sa longest-running comedy gag show ng Pilipinas na “Bubble Gang” sa loob ng 20 taon.
“'Yung sikap at tiyaga ko na magbigay ng kasiyahan sa mga tao, at 'yung passion ko for what I do, tsaka for the art itself, for the industry. Ito ang mga nagtutulak sa akin na gumawa ng bago every now and then,” paliwanag niya.
Hindi umano magsasawang maghatid ng saya at katatawanan ang batikang komedyate sa mga manonood, at kabilang sa mga balak niyang gawin sa hinaharap ang muling pagbida sa mga nakatutuwang pelikula.
Plano rin daw ni Bitoy ang gumawa ng Part 2 ng kaniyang libro upang maitampok ang ilan pang karakter na kaniyang binigyang-buhay sa loob ng mahabang panahon sa industriya ng pagpapatawa. —Bianca Rose Dabu/AT, GMA News
More Videos
Most Popular