Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera shares reason her baby will be named Maria Letizia


Ibinahagi na ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera ang pangalan ng magiging panganay na anak nila ng Kapuso Primetime King at “Starstruck” host na si Dingdong Dantes nitong Sabado kasabay ng kaniyang baby shower. 
 
Marami ang nais makaalam kung ano ang naging inspirasyon ng mag-asawa at ng pangalang Maria Letizia para sa kanilang anak.
 
Ayon kay “Sunday Pinasaya” star sa ulat ng 24 Oras Weekend, galing sa miyembro ng pamilya nilang mag-asawa ang pangalang Letizia, habang hango naman sa pangalan ni Marian ang Maria.
 
“Pangalan kasi ng lola ni Dong ‘yun tapos pangalan din ng kapatid ng Papa ko, so may koneksyon sa amin. At saka, gusto namin ‘yung tunog ng pangalan ng anak namin ay classic,” paliwanag pa ng Kapuso actress.



Nakatakdang manganak si Marian sa Nobyembre, kaya naman siniguro ng kaniyang mga kaibigan na mabigyan na siya ng isang masayang baby shower.
 
Tanging malalapit na kaibigan at kamag-anak lamang ng mom-to-be ang pumuno ng sampung lamesa sa venue, at tumayong host ng programa ang mga kaibigan ni Marian na sina “Celebrity Bluff” host Boobay at “Idol sa Kusina” host Bettinna Carlos.
 
Hindi dumalo sa salo-salo si Dingdong dahil nais daw ni Marian na all-girls lang ang kanilang selebrasyon.
 
Gayunpaman, magkatuwang pa rin ang mag-asawa sa paghahanda para sa nalalapit na pagdating ni baby Maria Letizia, at nakatakda nga raw silang mag-aral ng Lamaze child birth classes, o healthy practices para sa ligtas na pagbubuntis at pagpapanganak.
 
Ayon kay Marian, "Please pray for me na mailabas ko siya ng matiwasay.”
 
Kasalukuyang bumibida si Marian bilang Judge MD sa “Sunday Pinasaya” habang kabilang naman si Dingdong sa hosts at judges ng reality-based artista search na “Starstruck.”  — Bianca Rose Dabu/ELR, GMA News