LJ Reyes best actress in Pacific Meridian International Film Festival 2015
Natanggap ng Kapuso actress at "Starstruck" alumna na si LJ Reyes ang kaniyang kauna-unahang international award bilang Best Actress sa naganap na 13th Pacific Meridian International Film Festival para sa kaniyang pagganap sa independent film na “Anino sa Likod ng Buwan” ni Direk Jun Robles Lana.
Idinaos ang naturang parangal noong Biyernes sa Vladivostok, Russia, at isa ang naturang pelikula sa mga itinuring na "big winner" noong gabing iyon.
Bukod sa tagumpay na nakamit ni LJ, nagwagi rin bilang Best Director si Jun Robles Lana at nakatanggap pa ng dalawang Critic prizes, kabilang na ang NETPAC Award (Asian Critics) at FIPRESCI Award (International Critics).
Hindi nakadalo ang aktres sa parangal, ngunit personal na tinanggap ng kaniyang direktor ang mga napanalunan ng kanilang pinaghirapang pelikula.
Higit sa 150 pelikula ng 120 filmmakers mula sa 40 na mga bansa sa Asia-Pacific region ang lumahok sa naturang film festival, na naganap mula September 12 hanggang 18.
Ayon kay LJ sa isang Instagram post, “I think it was the first time I burst out in tears! This project was very challenging for me in so many ways. When I accepted it, it was, I believe very far from my abilities. I remember that meeting in a hotel with Direk when I told him 'Direk ikaw na bahala sakin!' This film, my character Emma, pushed me beyond my limits and challenged me as an actor.”
Nagpasalamat rin siya sa lahat ng nakasama niyang bumuo ng pelikula na kinikilala na ngayon sa buong mundo.
“Direk @junrobleslana, maraming maraming salamat sa tiwala! Sa lahat ng staff at crew, salamat sa pag-aalaga. Para sa ating lahat ang panalong ito! And of course, all the praises and glory belong to the One above! Thank You Lord soooobraaaaaa! Da best ka!” aniya.
— Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News